Friday, June 14, 2013

Noli Me Tangere: Buod ng Kabanata 3 - Ang Hapunan


Buod ng
Kabanata 3: Ang Hapunan

Nagtungo na ang mga panauhin sa hapag-kainan. Kanya-kanyang kilos at nararamdaman ang mga panauhin, na kung panonoorin ay maihahalintulad sa isang komedya. Si Padre Sibyla ay nasisiyahan, kabaligtaran naman ni Padre Damaso. Ito ay walang pakundangang nagdadabog at nataamaan tuloy ang isang kadete. Hindi naman ito pinansin ng Tinyente, bagkus ay masusing pinagmamasdan ang kulot na buhok ni Donya Victorina. Hindi tuloy nito namalayan na natapakan na niya ang kola ng saya nito, bagay na nakapag-painis sa Donya. Ang ibang bisita naman ay kanya- kanya ng usapan at papuri sa masarap na handa ng Kapitan. Sapagkat ang hapunang iyon ay pagsalubong sa pagdating ni Ibarra, karapat-dapat na siya ay maupo sa kabisera. Pinagtalunan naman ng dalawang Pari kung sino ang dapat maupo sa kabilang dulo ng kabisera. Ayon kay Padre Damaso, si Padre Sibyla ang dapat maupo sapagkat siya ang kura sa lugar na iyon. Sinalungat naman ito ni Padre Sybila at kinatwiran nito na si Padre Damaso ang padre kumpesor ng pamilya ni Kapitan Tyago. Sa kalaunan, inialok ni Padre Sybila ang upuan sa Tinyente, na tinanggihan naman ng huli. Inanyayahan naman ni Ibarra si Kapitan Tyago ngunit magalang itong tumanggi bilang nakaugalian. Nang inihain na ang pagkain, hindi sinasadyang napunta kay Padre Damaso ang hindi masasarap na bahagi ng manok; bagkus ay mga leeg at pakpak ang laman ng kanyang tinola. Lalo itong nag-alburuto sa mga pangyayari. Lingid sa kaalaman ng pari, ang espesyal na tinola ay para lamang kay Ibarra. Kasabay ng kainan ang mahabang usapan. Nagbahagi ang binata ng kanyang buhay, tulad ng pag-aaral sa Europa ng pitong taon, ang pagpunta sa iba't ibang bansa at pag-aaral ng kasaysayan at pag-unlad ng mga bansang ito, ang pagsasalita ng ibang wika, ang hindi paglimot sa kanyang bayan sa kabila ng kaunlarang namasdan sa ibang bansa, at ang ang hindi pagkaka-alam sa tunay na dahilan sa nangyari sa kanyang ama. Ang bagay na ito naman ang nagkumpirma sa hinala ng Tinyente na wala ngang alam ang binata. Binanggit ni Ibarra na sa kanyang mga bansang napuntahan, iisang antas lamang ang kabuhayan, pulitika at relihiyong tinatamasa ng mga ito sapagkat pinahihintulutan ito ng sarili nilang kalayaan at kakayanang pamahalaan ang kanilang sariling bansa. Binatikos naman ito ni Padre Damaso at ininsulto ang binata na kahit paslit ay kaya itong matutunan; at ang kanyang pagpunta sa Europa ay maliwanag na pag-aksaya ng salapi. Magalang naman na tinanggap ni Ibarra ang salita ng pari at binanggit na lamang ang mga ala-ala niya na si Padre Damaso ay karaniwan nang kasalo sa kanilang hapag-kainan at malapit na kaibigan ng kanyang ama. Hindi naman nakakibo ang pari dahil sa mga naging kaganapan sa pagitan nila ng ama ni Ibarra. Maagang nagpaalam si Ibarra ng gabing iyon, kaya't hindi sila nagkita ni Maria Clara, ang dalagang anak ni Kapitan Tyago. Nagpatuloy naman ng pag-alipusta si Padre Damaso sa binata. Isinulat naman ni Ibarra sa pahayagan ng Estudios Coloniales ang kanyang mga obserbasyon sa gabing iyon.



MGA TAUHAN SA KABANATA 3
Crisostomo Ibarra - tampok na panauhin ni Kapitan Tiago at para sa kanyang pagdating ang inihandang hapunan

Padre Damaso - inakalang siya pa rin ang pinaka-importanteng panauhin sa handaang iyon at mapagkunwaring inialok ang kabisera ng upuan kay Padre Sibyla. Nagpakita siya ng hindi mabuting asal sa harap ng mga panauhin lalong lalo na kay Ibarra. Nagngitngit ito lalo sa galit ng mapunta sa kanya ang mga pangit na parte ng tinola

Padre Sibyla - nasisiyahan sa okasyon at tagasaway ni Padre Damaso kapag hindi nito mapigilan ang kagaspangan ng ugali

Tinyente Guevarra - hindi mapigilang magmasid sa kulot na buhok ni Donya Victorina.

Donya Victorina de EspadaƱa - Inis na inis sa Tinyente ng matapakan nito ang kola ng kanyang saya.

Maria Clara - dumating din ng gabing iyon si Maria Clara mula as kumbento. Ang kanyang pagdating ay kinahanga ng lahat dahil sa angkin niyang kagandahan


No comments:

Post a Comment