Pabula
Ang pabula (fable sa English) ay isang uri ng kathang-isip
na panitikan kung saan ang mga hayop o kaya mga bagay na walang-buhay ang
gumaganap na mga tauhan, katulad ng leon at daga, pagong at matsing, at lobo at
kambing. May natatanging kaisipang mahahango mula sa mga pabula, sapagkat
nagbibigay ng mga moral na aral para sa mga batang mambabasa. Tinatawag din
itong kathang kuwentong nagbibigay-aral.
Ang Uwak na Nagpanggap
Isang uwak ang nakakita ng mga lagas na balahibo ng pabo sa
lupa. Pinagmasdan niya iyon at nasiyahan
sa iba't ibang kulay na taglay niyon. At
dahil sawa na siya sa pagiging isang itim na ibon, iyon ay kanyang pinulot
isa-isa at saka idinikit sa kanyang katawan.
Iyon lang at dali-dali siyang lumipad patungo sa grupo ng
mga pabo at nagpakilala bilang kauri ng mga ito.
Ngunit sadyang kilala ng mga pabo ang kanilang kauri, kaya
naman hindi rin nagtagal ay nabisto ng mga ito ang nagkukunwaring uwak.
Dahil dito, inalis ng mga pabo ang iba't ibang kulay na
balahibong nakadikit sa katawan ng uwak.
Pagkuwa'y pinagtutuka nila ito hanggang sa takot na lumisan.
Nang magbalik ang uwak sa kanyang mga kauri, hindi na rin
siya tinanggap ng mga ito. At sinabing, "Hindi namin kailangan ang isang
tulad mong walang pagmamahal sa sariling anyo!"
No comments:
Post a Comment