Ano ang Pabula?
Ang pabula (fable sa English) ay isang uri ng kathang-isip
na panitikan kung saan ang mga hayop o kaya mga bagay na walang-buhay ang
gumaganap na mga tauhan, katulad ng leon at daga, pagong at matsing, at lobo at
kambing. May natatanging kaisipang mahahango mula sa mga pabula, sapagkat
nagbibigay ng mga moral na aral para sa mga batang mambabasa. Tinatawag din
itong kathang kuwentong nagbibigay-aral.
Bakit Dala-Dala ni Pagong ang Kanyang Bahay
Noong mga unang araw ay sinusugong paminsan-minsan ng
bathalang maykapal si Barangaw magmula sa alapaap upang tingnan kung maligaya
ang ating mga ninuno. Kung minsan si
Barangaw ay nag-aanyong bahaghari upang pahintuin ang unos na maaaring makasira
sa mga pananim. Kung minsan ay
nag-aanyong isang sultan, naglalagay ng putong, nagdadamit ng kundiman at
palakad-lakad sa loob at labas ng balangay.
Isang baston o tungkod na nilalik na kamagong ang kanyang dala-dala
tanda ng kapangyarihan. Ito ang
pinaparusa niya sa mga malulupit at mga masasama, at ito rin ang ginagamit niya
sa paggawad ng gantimpala sa mabubuti.
Isang araw noong panahon ni Lakan Lumatay ay inutusan nga ni
Bathala si Barangaw na mamasyal sa Malanday upang malaman ang mga daing ng mga
aliping namamahay at aliping sagigilid.
Samantalang naglalakad si Barangaw, nakaalinig siya ng abot-abot na
lagapak ng hagupit na kasabay ang malungkot na daing. Bakit kaya? ang tanong ni Barangaw sa kanyang
sarili walang kakilakilatis siyang nasok sa silid na pinanggagalingan ng daing
ng taong hinahagupit ng lanubo ng bayabas.
Kitang-kita niyang namimilipit sa sakit ang taong hinahagupit na sa
kahit saan tamaan! Kaawa-awang alipin! ang malungkot niyang nasabi.
Walang nakakita kay Barangaw sapagkat ang tagaputong niya ay
maysa tagabulag, ngunit kitang-kita niya ang lahat. Naroon si Lakan Lumatay at nakapamewang,
pinag-abot-sikong nakabalita ang alipin at pinapalo ng walang patumangga ni
Magbitag na siyang tagapagparusa ni Lakan.
Saan mo itinago ang iyong anak na dalaga? Ang tanong ni
Magbitag, sandaling tinigilan ng palo ang alipin ito’y hubad baro, at ang
katawan ay halos putok-putok sa sa kapapalo.
Hala, magsabi ka ng totoo.
Pag hindi’y mauutas ka. Dapat
mong ipagpasalamat na Lakan pa at puno natin ay may ibig sa anak mo. Ano, magsasabi ka o hindi?
Hindi umimik si Barangaw.
Nakinig siya upang malaman ang puno’t dulo ng paghahagupit na yaon. Hinintay na sumagot ang alipin, ngunit ito’y
walang imik Matigas ang ulo, Hala lantakan mo uli! ang makapangyarihang utos ni
Lakan Lumatay. Pagkamatay ay itapon na
ninyo sa ilog at ng lamunin ng buwaya.
Pagkaunat-unat ng Magbitag ng kanyang bisig upang hagupitin
na naman ang aliping halos wala ng malay-tao.
Datapwa’t ng sasayad na sa katawan ang lanubo ang tagapagparusa ay
biglang sinangga ng tungkod na kamagong ni Barangaw. Nahulog sa lupa ang lanubo at nanginig ang
buong katawan ng mabalasik na si Magbitag.
Si Barangaw ay galit na galit sa nakita niayang kalupitan ng
punong dapat sanang magpasunod sa kahabag-habag na alipin.
Lakan Lumatay! Ikaw ba ang nag-utos na hagupitin ang aliping
ito? ang tanong ni Barangaw.
Hulihin ang pangahas! ang mabangis na utos ni Lakan Lumatay
sa kanyang mga kampon. Paluhurin sa
monggo at timbain sa tubig.
Sayang, sa gulogod mo sana naubos ang lanubo ko. Kung hindi lamang sa utos ng puno ko,
masasarapan ka! Mata mo lang ang walang
latay! At inakmang hagupitin si Barangaw.
Ngunit pinigil ni Barangaw ang lanubo, hinarap si Magbitag
at ang wika: Malupit kang walang kaparam wala kang awa sa kapwa. Ngayon din ay magsisi ka ng iyong mga
kasalanan.
Dadaluhong sana si Magbitag ngunit ang mga paa nito ay parang
natilos sa kinatatayuan at nawalan ng lakas.
Kaya si Lakan Lumatay naman ang nagtangkang humagupit kay
Barangaw, ngunit ito’y nawalan din ng lakas.
Ah, malulupit, magagara ang inyong damit, maiinam ang inyong
bihis ngunit wala kayong bait. Binigyan pa
naman kayo ng Lumikha ng puso’t diwa, ang bagay sa inyo ay ito! at anyong
hahatawin ang kanyang tungkod.
Ngunit ang alipin ay natauhan noon at napasigaw. Poon ko po patawarin mo po ang aking
puno. Ang akin pong anak ay itinatago ko
nga!
Hindi itinuloy ang paghataw ni Barangaw.
Bakit mo itinago ang iyong anak? ang tanong sa alipin.
Ayaw ko ng anak ko na mahulog sa kamay ni Lakan. May tunay po siyang iniibig: si Malaya, ayoko
po namang piliting ibigin ng anak ko ang Lakan.
Ako po ang may sala. Patawarin mo
na po ang aking puno.
Mabuti kang kampon, aliping tapat hanggang wakas. Bakit ang kalupitan ay sinusuklian mo ng
katapatan? Dahil sa iyong hiling ay hindi ko papatayin ang iyong puno at ang
humagupit sa iyo. Subalit sila’y hindi
makatao, kaya’t sila’y dapat parusahan.
Buhat ngayo’y mag-uusad silang tulad ng ibang hayop; ngunit ng sila’y
may masilungan, dadalhin nila ang kanilang bahay.
Sinaling ang tungkod niya kay Lakan at si Magbitag, at ang
wika sa mga ito: Mula ngayon ay dadalhin ninyo ang inyong bahay at kayo’y uusad
upang huwag ng pamarisan.
No comments:
Post a Comment