Pabula
Ang pabula (fable sa English) ay isang uri ng kathang-isip
na panitikan kung saan ang mga hayop o kaya mga bagay na walang-buhay ang
gumaganap na mga tauhan, katulad ng leon at daga, pagong at matsing, at lobo at
kambing. May natatanging kaisipang mahahango mula sa mga pabula, sapagkat
nagbibigay ng mga moral na aral para sa mga batang mambabasa. Tinatawag din
itong kathang kuwentong nagbibigay-aral.
Si Pagong at Si Matsing
Sina Pagong at Matsing ay matalik na magkaibigan. Mabait at
matulungin si Pagong, subalit si Matsing ay tuso at palabiro. Isang araw sila
ay binigyan ni Aling Muning ng isang supot ng pansit. “Halika Matsing, kainin
natin ang pansit” nag-aayang sabi ni Pagong
“Naku baka panis na yan”sabi ni Matsing
“Ang nabuti pa, hayaan mo muna akong kumain n’yan para
masiguro natin na walang lason ang pagkain” dagdag pa nito.
“Hindi naman amoy panis Matsing at saka hindi naman
magbibigay ng panis na pagkain si Aling Muning” sabi ni Pagong
“Kahit na, ako muna ang kakain” pagmamatigas ni Matsing
Walang nagawa ang kawawang Pagong kundi pagbigyan ang
makulit na kaibigan. Naubos ni Matsing ang pansit at walang natira para kay
Pagong.
“Pasensya ka na kaibigan, napasarap ang kain ko ng pansit
kaya wala ng natira. Sa susunod ka na lang kumain” paliwanag ng tusong matsing.
Dahil sa likas na mabait at pasensyoso si Pagong, hindi na
siya nakipagtalo sa kaibigan.
Sa kanilang paglilibot sa kagubatan, nakakita si Pagong ng
isang puno ng saging.
“Matsing! Matsing! tignan mo ang puno ng saging na ito.
Maganda ang pagkakatubo. Gusto ko itong itanim sa aking bakuran para pag
nagkabunga ay makakain natin ito” masayang sabi ni Pagong
“Gusto ko rin ng saging na ‘yan Pagong, ibigay mo na lang sa
akin”sabi ni Matsing
“Pasensya ka na, gusto ko rin kasi nito.Kung gusto mo hatiin
na lang natin.”
“Hahatiin? O sige pero sa akin ang itaas na bahagi. Ung
parte na may mga dahon ha?” nakangising sabi ni Matsing
“Ha? sa akin ang ibabang bahagi?tanong ni Pagong
“Oo, wala akong panahon para magpatubo pa ng dahon ng saging
kaya sa akin na lang ang itaas na parte”sabi ni Matsing
Umuwing malungkot si Pagong dala ang kalahating bahagi ng
saging na may ugat. Samantalang si Matsing ay masayang umuwi dala ang madahon
na bahagi ng puno.
Inalagaan ni Pagong ang kanyang halaman. Araw-araw
dinidiligan niya ito at nilalagyan ng pataba ang lupa. Ganoon din ang ginawa ni
Matsing. Subalit makalipas ang isang linggo, nalanta ang tanim na saging ni
Matsing.
Si Pagong naman ay natuwa nang makita ang umuusbong na dahon
sa puno ng saging. Lalo nitong inalaagaan ang tanim hanggang sa mamunga ito
nang hitik na hitik.
Nainggit si Matsing nang makita ang bunga ng saging sa
halaman ni Pagong.
“Aba, nagkabunga ang tanim mo. Paano nangyari iyon? Ang
aking tanim ay nalanta at natuyo”sabi ni Matsing
“Inalagaan ko kasi ito ng mabuti. Sabi ni Mang Islaw
Kalabaw, malaki ang pag-asang tutubo ang bahagi ng halaman na pinutol kung ito
ay may ugat” paliwanag ni Pagong
“hmp kaya pala nalanta ang aking tanim”nanggigil na sambit
ni Matsing
“Mukhang hinog na ang mga bunga nito. Halika, kunin natin”
anyaya nito
“Gusto ko sana kaya lang masyadong mataas ang mga bunga.
Hindi ko kayang akyatin.”sabi ni Pagong
“Kung gusto mo, ako na lang ang aakyat, ibibigay ko sa iyo
ang lahat ng mga bunga. Basta’t bigyan mo lang ako ng konti para sa aking
meryenda” sabi ni Matsing
Pumayag si Pagong sa alok ni Matsing. Subalit nang
makarating na si Matsing sa taas ng puno. Kinain niya lahat ng bunga ng puno.
Wala itong itinira para kay Pagong.
“Akin na lahat ito Pagong. Gutom na gutom na ako. Kulang pa
ito para sa akin. Hahaha!” tuwang-tuwang sabi ni Matsing
Nanatili sa itaas ng
puno si Matsing at nakatulog sa sobrang kabusugan.
Galit na galit si Pagong sa ginawa ni Matsing. Habang
natutulog ito, naglagay siya ng mga tinik sa ilalim ng puno. Nang magising si
Matsing ay nakita niya ang mga tinik kaya’t humingi ito ng tulong kay Pagong.
“Pagong, tulungan mo ako! Alisin mo ang mga tinik na ito.
Malapit ng dumilim at mukhang uulan ng malakas”pagmamakaawa ni Matsing
“Ayoko! Napakasalbahe mo. Lagi mo na lang akong iniisahan!
Aalis muna ako. mukhang malakas ang ulan. Sa bahay ni Aling Muning muna ako
habang umuulan.” sabi ni Pagong sabay alis papunta sa bahay ni Aling Muning
Makalipas ang ilang sandali, nagsimulang bumuhos ang malakas
na ulan. Walang nagawa si Matsing kundi bumaba sa puno ng saging.
“Arrrraayyy! Aaaarayy! natutusok ako sa mga tinik
Arrrrrrrrruuyyyyyy!!!!” daing ng tusong matsing
“Humanda ka bukas Pagong. Gaganti ako sa ginawa mo sa
akin”bulong nito sa sarili
Kinabukasan, kahit mahapdi pa rin ang mga sugat ni Matsing,
ay hinanap niya si Pagong. Nakita niya itong naglalakad sa may kakahuyan.
“Hoy Pagong humanda ka ngayon!” galit na sabi ni Matsing
sabay huli sa pagong.
“Anong gagawin mo sa akin?” takot na tanong ni Pagong
“Tatadtarin kita ng pinong pino”sabi ni Matsing
Nag-isip ng paraan si Pagong para maisahan ang tusong
matsing.
“Oo sige tadtarin mo ako ng pinong-pino at pagjputol
putullin nang sa gayon ako ay dadami at susugurin ka namin ng mga parte ng
katawan kong pinutol mo hahaha”sabi ni Pagong
Nag-isip ng malalin si Matsing
“Haha, susunugin na lang kita hanggang sa maging abo ka”
sabi ni Matsing
“Hindi ka ba nag-iisip Matsing? Hindi kami tinatablan ng
apoy! Nakikita mo ba ang makapal at matibay kong bahay? Kahit ang
pinakamatinding apoy ay walang panama dito” pagyayabang ni Pagong
Nag-isip na naman ng malalim si Matsing. Hanggang sa
maisipan niyang pumunta sa dalampasigan.
“Tignan natin kung saan ang tapang mo. Itatapon kita dito sa
dalampasigan hanggang sa malunod ka! Hahaha!” sabi ni Matsing
Lihim na natuwa si Pagong. Nagpanggap itong takot sa
dalampasigan.
“Naku huwag mo akong itatapon sa dalampasigan. Takot ako sa
tubig at hindi ako marunong lumangoy. Parang awa mo na…” pagmamakaawa ni Pagong
Tuwang-tuwa si Matsing sa pagaakalang magagantihan na niya
si Pagong. Todo lakas niya itong itinapon sa dalampasigan. Nagulat ito nang
makitang marunong lumangoy si Pagong. Ang bilis-bilis ng pagkilos ni Pagong sa
tubig. Kung mabagal ito sa lupa, ay parang ang gaan ng katawan nito sa tubig.
“Hahaha. Naisahan din kita Matsing. Hindi mo ba alam na
gustong-gusto ko ang lumagoy sa dalampasigan at magbabad sa tubig? Salamat
kaibigan!!! natutuwang sabi ni Pagong
Malungkot na umuwi si Matsing. Naisip niya na napakasakit
pala na maisahan ng isang kaibigan. Naramdaman niya kung paano masaktan kapag
naloloko ng isang kaibigan.
Mula noon nagbago na si Matsing. Hindi na sila muling
nagkita ni Pagong.
No comments:
Post a Comment