Thursday, June 27, 2013

Ang Pandiwa (The Verb)

Ang Pandiwa (The Verb)

Ang pandiwa ay bahagi ng pangungusap na nagpapahayag ng kilos, gawa o kalagayan,



Mga Uri ng Pandiwa Ayon sa Kaukulan

1. Payak - ipinalalagay na ito ang simuno (subject).

Halimbawa:
Lubos na mahirap ang nangungurakot sa kaban ng bayan.

2. Katawanin - Ito ay mga pandiwang nagpapahayag na ganap ang kilos na ginagawa ng simuno. Hindi na ito nangangailangang ng tuwirang layong.

Halimbawa:
Ang mag-anak ay kumakain ng sabay-sabay. Nagkukuwentuhan pa sila pagkatapos.

Ang salitang kumakain ay ang salitang nagsasaad ng kilos (pandiwa). Ang gumaganap ng kilos ay ang mag-anak na siyang simuno ng pangungusap.

3. Palipat - Ito ay mga pandiwang nangangailanangan pa ng tuwirang layon (direct object). upang mabuo ang kaisipang nais nitong ipahayag. Ang layong ito ay pinangungunahan ng mga katagang ng, mga, kay at kina.

Halimbawa:
Nagpadala ng mga pagkain sa mga katipunero si Tandang Sora.
Nagbigay ng magandang halimbawa sa mga kabataan si Dr. Jose Rizal.
Nagsampay ng damit si Maria.

Tandaan: Ang tuwirang layon ay siyang tagatanggap ng kilos na isinasaad ng pandiwa. Ito ay maaaring pangngalan o panghalip na nagbibigay ng kumpletong kahulugan sa kilos na ginagawa ng simuno o ng tagaganap ng kilos. Karaniwan ito ay sumasagot sa tanong na ano o kanino.



Kaganapan ng Pandiwa

Kaganapan ng Pandiwa - bahagi ng panaguri (predicate) na nagpapahayag ng ganap na kahulugan sa pandiwa. Kung ang pokus ng pandiwa ay ang relasyon nito sa paksa, ang kaganapan ng pandiwa ay ang relasyon naman ng panaguri sa pandiwa.

1. Kaganapang Tagaganap- bahagi ng panaguri na gumaganap sa kilos na isinasaad ng pandiwa.
Makikilala ito gamit ang mga pananda na ni at ng.
 Halimbawa:
1. Ikinalungkot ng mga Filipino ang pagkatalo ni Manny Pacquaio sa katunggaling si Juan Marquez. (Ikinalungkot nino?)
2. Kinakain ni Liza ang tsamporadong gawa ni Nanay Huling. (Kinakain nino?)

2. Kaganapang Layon - bahagi ng panagri na nagsasaad ng bagay na tinutukoy o ipinahahayag ng pandiwa. Ginagamit din dito ang panandang ng.
 Halimbawa:
1. Si Pedro ay bibili ng bagong laptop sa SM Megamall. (Bibili ng ano?)
2. Nagpamudmod sila ng salapi. (Nagpamudmod sila ng ano?)

3. Kaganapang Tagatanggap - bahgi ng panaguri na nagpapahayag kung sino ang makikinabang sa kilos na isinasaad ng pandiwa. Ang mga panandang para sa at para kay ay kalimitang ginagamit dito.
 Halimbawa:
1. Nagbigay ng donasyon ang Pamilya Santos para sa mga sinalanta ng bagyong Juan. (Para kanino ang donasyong ibinigay?)
2. Nagbuwis siya ng buhay para kay Lolo Jose.

4. Kaganapang Ganapan - bahagi ng panaguri na nagsasaad ng lugar o pook na pinaggaganapan ng kilos na ipinahahayag ng pandiwa.
 Halimbawa:
1. Nanood ng palatuntunan sa silid-aklatan ang mga mag-aaral. ( Saan nanood ang mga mag-aaral?)
2. Pupunta kami sa Manila Zoo.

5. Kaganapang Kagamitan - bahagi ng pnaguri na nagsasaad kung anong bagay o kagamitan ang ginagamit upang maisagawa ang kilos na ipinahahayag ng pandiwa.
 Halimbawa:
1. Iginuhit niya ang larawan ni Mona Lisa sa pamamagitan ng krayola.
2. Pinatay niya ang ahas gamit ang karit.

6. Kaganapang Direksyunal - bahagi ng panaguri na nagsasaad ng direksyong isinasaad ng kilos na ipinahahayag ng pandiwa.
 Halimbawa:
1. Namasyal sila sa Luneta buong maghapon.
2. Nagsunog siya ng kilay sa silid-akalatan.

7. Kaganapang Sanhi - bahagi ng panaguri na nagsasaad ng dahilan ng pagkakaganap ng kilos na isinasaad ng pandiwa.
 Halimbawa:
1. Nagwagi siya sa eleksyon dahil sa kabutihan ng kanyang puso.
2. Nagtagumpay siya sa buhay dahil sa kanyang kasipagan.



Limang Paraan ng Paglalapi
Nakakabuo ng mga pandiwa sa pananagutan ng paglalapi. Ang mga panlaping ginagamit upang makabuo ng pandiwa ay mga panlaping makadiwa

May limang paraan ng paglalapi upang makabuo ng pandiwa

1. Unlapi – ikinakabit ang panlapi sa unahan ng salita.
Halimbawa: umasa, uminom, magbili, pag-iisip

2. Gitlapi – kung ang panlapi’y sa loob ng salita nagsisingit.
Halimbawa: lumipat, binili, tumangkilik, sinabi

3. Hulapi – ang panlapi’y nasa hulihan ng salita ikinakabit
Halimbawa: samahan, awitin, hulihin, bayaran

4. Kabilaan – may unlapi at hulapi; ang salita’y nagigitnaan ng mga panlapi.
Halimbawa: matulungan, pag-aralan, mag-awitan

5. Laguhan – may unlapi, gitlapi, hulapi; ang panlapi ay nsa una, gitna at hulihan ng salita.
Halimbawa: pagsumikapan, magdinuguan




Mga Aspekto ng Pandiwa

1. Perpektibo – Ito ay nagsasabi ng kilos na natapos na ang sinimulang kilos. Tinatawag din itong panahunang pangnagdaanan o aspektong naganap.
Halimbawa:
Nagpaalam kami sa nanay mo nang kami’y umalis.
Nagpirito ng isda si Mang Kulas

2. Imperpektibo o Pangkasalukuyan – Ito ay nagsasaad ng kilos na laging ginagawa o kasalukuyang nangyayari. Tinatawag din itong panahunang pangkasalukuyan o aspektong nagaganap.
Halimbawa:
Hayan at umuulan na naman.
Naglalaba ng mga damit si Aling Bining sa ilog

3. Kontemplatibo – Ito ay nagpapahayag na ang kilos ay hindi pa nasisimulan o naisasagawa. Ito ay gagawin pa lamang. Tinatawag din itong panahunang panghinaharap o aspektong magaganap.
 Halimbawa:
Magagawa mo ba ang bagay na ito?
Magbibigay ng pagsusulit ang guro bukas ng hapon.

4. Tahasan - ginaganap ng simuno ang isinasaad ng pandiwa.
Halimbawa:
Si Jose Rizal ang sumulat ng Noli Me Tangere.

5. Balintiyak - hindi ang simuno ang gumaganap sa isinasaad ng pandiwa.
Halimbawa:
Ang pagtatayo ng gusali ay pinasinayahan ng punong-lungsod



Kailanan ng Pandiwa

1. Isahan - ang pandiwa ay nasa payak na anyo.
Halimbawa:
Ang guro ay nagtuturo sa mga bata.

2. Maramihan - marami ang simuno at kilos na isinasaad.
Halimbawa:
Nagsisipalakpakan ang mga nanonood sa programa.



Mga Panagano ng Pandiwa

Isang kakanyahan ng pandiwa ang pagtataglay ng iba’t ibang anyo ayon sa panahon at panagano. May apat na panagano ng pandiwa.

1. Pawatas – binubuo ng makadiwang panlapi at salitang-ugat, walang panahon ni panauhan
Mga Halimbawa
Ang magsabi ng totoo’y tungkulin ng tao.
Ang umaawit ng opera ay isang karangalan.

2. Pautos - walang kaibahan sa anyo ng pawatas. Ito’y wala ring tiyak na panahon at ginagamit sa pag-uutos o pakiusap.
Mga Halimbawa
Umibig tayo sa Diyos.
Magkawanggawa tayo sa mga nagigipit.
Igalang ang karapatan ng isa’t isa.

3. Paturol – Iba sa lahat sapagka’t nag-iiba ang anyo ng pandiawa sa iba’t ibang aspekto ang perkpektibo, imperpektibo at kontemplatibo.
Mga Halimbawa
    Ugat             Panlapi          Perpektibo         Imperpektibo         Kontemplatibo
1. luhod                um               lumuhod            lumuluhod                luluhod
2. dasal               mag              nagdasal             nagdarasal             magdarasal
3. dasal                 in                dinasal               dinarasal                darasalin
4. buti                   in                ibinuti                 ibinubuti                 ibubuti

4. Pasakali – walang kaibahan sa paturol nguni’t ginagamitang lagi ng mga pangatnig o pang-abay upang maipahayag ang kalagayang pasubali.
Mga Halimbawa:
1. Baka matuloy kami kung may sasakyan.
2. Kung nabuhay siya disi’y Masaya ako ngayon.
3. Marahil naghihinanakit siya sa atin ngayon.




Mga Pokus ng Pandiwa

Pokus ang tawag sa relasyong pansemantika ng pandiwa sa simuno o paksa ng pangungusap. Naipapakita ito sa pamamagitan ng taglay na panlapi ng pandiwa.


1. aktor-pokus o pokus sa tagaganap
Ang paksa ang tagaganap ng kilos na isinasaad ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "sino?".
(mag- , um- , mang- , ma- , maka- , makapag- , maki- , magpa-)
Halimbawa:
Naglunsad ng proyekto ang mga kabataan.
Nagluto ng masarap na ulam si nanay para sa amin.
Bumili si Rosa ng bulaklak.
Si Ian ay humingi ng payo sa kanyang kapatid tungkol sa kanyang suliranin.

2. pokus sa layon
Ang paksa ang layon ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "ano?".
(-in- , -i- , -ipa- , ma- , -an)
Sa Ingles, ito ay ang direct object.
Halimbawa:
Nasira mo ang mga props para sa play.
Ang ulam na masarap ay niluto ni nanay para sa amin.
Binili ni Rosa ang bulaklak.

3. lokatibong pokus o pokus sa ganapan
Ang paksa ang lugar na ginaganapan ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "saan?".
(pag-/-an , -an/-han , ma-/-an , pang-/-an , mapag-/-an)
Halimbawa:
Pinagtaniman namin ang bukiran ng maraming gulay.
Pinuntahan ni nanay ang kusina ng bahay para magluto ng masarap na ulam.
Ang tindahan ang pinagbilhan ni Rosa ng bulaklak.
Pinadausan ng paligsahan ang bagong tayong entablado.

4. benepaktibong pokus o pokus sa tagatanggap
Ang paksa ang tumatanggap sa kilos ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "para kanino?".
(i- , -in , ipang- , ipag-)
Sa Ingles, ito ay ang indirect object.
Halimbawa:
Kami ay ipinagluto ni nanay ng masarap na ulam.
Ibinili ni Rosa ng bulaklak ang Mahal na Birhen.

5. instrumentong pokus o pokus sa gamit
Ang paksa ang kasangkapan o bagay na ginagamit upang maisagawa ang kilos ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "sa pamamagitan ng ano?".
(ipang- , maipang-)
Halimbawa:
Ang kaldero ang ipinangluto ni nanay ng masarap na ulam para sa amin.
Ipinampunas ni Marco ang basahan sa mesa.
Ipinanghambalos niya ang hawak na tungkod sa magnanakaw.

6. kosatibong pokus o pokus sa sanhi
Ang paksa ang nagpapahayag ng sanhi ng kilos ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "bakit?".
(i- , ika- , ikina-)
Halimbawa:
Ikinatuwa namin ang pagluluto ng masarap na ulam ng aming nanay.
Ikinatuwa ni Ynez ang pagbili ng rosas ng kanyang nobyo para sa kanya.
Ikinalungkot ng bata ang hindi nila pagkikitang mag-anak.

7. pokus sa direksyon
Ang paksa ang nagsasaad ng direksyon ng kilos ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "tungo saan/kanino?".
(-an , -han , -in , -hin)
Halimbawa:
Sinulatan niya ang kanyang mga magulang.
Pinuntahan ni Henry ang tindahan para mamili ng kagamitan.


3 comments:

  1. Replies
    1. Hay Meron po along homework pwede nyu po ako tulongan pandiwa nmn po eh please reply please

      Delete