Thursday, June 27, 2013

Mga Pokus ng Pandiwa

Mga Pokus ng Pandiwa

Pokus ang tawag sa relasyong pansemantika ng pandiwa sa simuno o paksa ng pangungusap. Naipapakita ito sa pamamagitan ng taglay na panlapi ng pandiwa.


1. aktor-pokus o pokus sa tagaganap
Ang paksa ang tagaganap ng kilos na isinasaad ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "sino?".
(mag- , um- , mang- , ma- , maka- , makapag- , maki- , magpa-)
Halimbawa:
Naglunsad ng proyekto ang mga kabataan.
Nagluto ng masarap na ulam si nanay para sa amin.
Bumili si Rosa ng bulaklak.
Si Ian ay humingi ng payo sa kanyang kapatid tungkol sa kanyang suliranin.

2. pokus sa layon
Ang paksa ang layon ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "ano?".
(-in- , -i- , -ipa- , ma- , -an)
Sa Ingles, ito ay ang direct object.
Halimbawa:
Nasira mo ang mga props para sa play.
Ang ulam na masarap ay niluto ni nanay para sa amin.
Binili ni Rosa ang bulaklak.

3. lokatibong pokus o pokus sa ganapan
Ang paksa ang lugar na ginaganapan ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "saan?".
(pag-/-an , -an/-han , ma-/-an , pang-/-an , mapag-/-an)
Halimbawa:
Pinagtaniman namin ang bukiran ng maraming gulay.
Pinuntahan ni nanay ang kusina ng bahay para magluto ng masarap na ulam.
Ang tindahan ang pinagbilhan ni Rosa ng bulaklak.
Pinadausan ng paligsahan ang bagong tayong entablado.

4. benepaktibong pokus o pokus sa tagatanggap
Ang paksa ang tumatanggap sa kilos ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "para kanino?".
(i- , -in , ipang- , ipag-)
Sa Ingles, ito ay ang indirect object.
Halimbawa:
Kami ay ipinagluto ni nanay ng masarap na ulam.
Ibinili ni Rosa ng bulaklak ang Mahal na Birhen.

5. instrumentong pokus o pokus sa gamit
Ang paksa ang kasangkapan o bagay na ginagamit upang maisagawa ang kilos ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "sa pamamagitan ng ano?".
(ipang- , maipang-)
Halimbawa:
Ang kaldero ang ipinangluto ni nanay ng masarap na ulam para sa amin.
Ipinampunas ni Marco ang basahan sa mesa.
Ipinanghambalos niya ang hawak na tungkod sa magnanakaw.

6. kosatibong pokus o pokus sa sanhi
Ang paksa ang nagpapahayag ng sanhi ng kilos ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "bakit?".
(i- , ika- , ikina-)
Halimbawa:
Ikinatuwa namin ang pagluluto ng masarap na ulam ng aming nanay.
Ikinatuwa ni Ynez ang pagbili ng rosas ng kanyang nobyo para sa kanya.
Ikinalungkot ng bata ang hindi nila pagkikitang mag-anak.

7. pokus sa direksyon
Ang paksa ang nagsasaad ng direksyon ng kilos ng pandiwa sa pangungusap; sumasagot sa tanong na "tungo saan/kanino?".
(-an , -han , -in , -hin)
Halimbawa:
Sinulatan niya ang kanyang mga magulang.
Pinuntahan ni Henry ang tindahan para mamili ng kagamitan.

No comments:

Post a Comment