Ang Alamat ng Rambutan
Sa isang malayong pook sa Pilipinas nakatira ang mag-asawang
sina Mang Kandoy at Aling Pising.Malapit ang pook na ito sa bundok ng Rabba.
Araw- araw nangangahoy si Mang Kandoy sa kagubatan para gawing uling. Si Aling
Pising naman ay nagpupunta sa bayan upang ipagbili ang mga nagawang uling.
Walang anak sina Mang Kandoy kaya’t ganoon na lamang ang dasal nila sa
Panginoon upang mabigyan sila ng anak.
Isang araw, habang nangangahoy si Mang Kandoy, nakakita ito
ng isang kweba sa gitna ng kagubatan.
“Tila ngayon ko lang napansin ang kwebang ito” wika niya sa
kanyang sarili
Kahit may konting takot sa kanyang kalooban ay minabuti
niyang tignan kung ano ang nasa loob ng kweba. Nagulat siya ng makita niya ang
isang usa na malapit ng kainin ng isang tigre. Naramdam ng pagkaawa si Mang
Kandoy kaya’t agad niyang binato ng isang piraso ng matigas na kahoy ang tigre
upang malihis ang atensyon nito sa usa. Nagalit ang tigre at dali-dali nitong
sinunggaban si Mang Kandoy. Kaagad namang nakuha ng mangangahoy ang kanyang
palakol kaya’t nasugatan nito ang tigre sa leeg nito. Walang humpay ang
pagdudugo ng sugat ng tigre kaya agad agad itong kumaripas ng takbo palayo sa
kweba.
Nagulat si Mang Kandoy sapagkat ang kulay ng dugo ng tigre
ay abo.
“Ngayon lamang ako nakakita ng dugo na kulay abo” wika nito
sa sarili.
Agad na natuyo ang dugo hanggang sa naging abo ito at humalo
sa lupa.
Napansin niya ang takot na takot na usa kaya’t nagpasya ito
na puntahan ito. Nagitla siya nang bago pa makalapit ay nagpalit anyo ito. Ang
dating kawawang usa a naging isang napakagandang diwata subalit hindi na rin
natago ang mga sugat nito. Napansin ni Mang Kandoy na ang dugo ng diwata ay
puti.
Dahil sa pagkabigla at pagkatakot, nagpasya ang matanda na
tumakbo na lamang pauwi pero pinigilan siya ng diwata.
“Salamat sa iyo kaibigan, nailigtas mo ako sa kamay ng itim
na salamangkera. Ako si Rodona ang diwata ng budok na ito. Matagal na kitang
nakikitang namumulot ng mga kahoy sa gubat na ito. Alam ko ang kabutihan ng
iyong kalooban” sabi ng diwata
Hindi pa rin makapagsalita si Mang Kandoy.
“Ang tigre na iyong nakita ay si Matesa, nais niyang makuha
ang bundok na ito upang dito gawin ang kaniyang salamangka. Gusto niya akong
patayin at kunin ang aking puso para magkaroon ng kapangyarihan sa mga puno at
hayop na naninirahan sa aking lupain.” ani Rodona
“Kung siya ay salamangkero, bakit hindi niya ginamit ang
kapangyahiran niya sa akin?” tanong ni Mang Kandoy
“Walang kapangyahihan si Matesa laban sa mga nilalang sa
bundok na ito, maging sa hayop, halaman, o kahit sa mga tao. Kapag nakuha na
niya ang aking puso saka lamang siya magkakaroon ng kapangyarihan sa mga
nilalang dito.”paliwanag ng diwata
“Labis kang nasugatan, mabuti pa siguro ay sumama ka sa akin
upang magamot ng aking asawa ang iyong mga sugat.” nag-aalalang sambit ng
matanda.
“Ang buhay ko ay hindi na
magtatagal, habang ako ay may kapangyarihan pa, binibiyayaan ko kayo ng
iyong asawa ng isang anak. Hinihiling ko lang sana na sa aking pagpanaw ay
kunin mo ang aking puso, sunugin mo, at ilagay sa banga ang abo nito. Itago mo
ito sa iyong bahay upang maging proteksyon ninyo at ng lupain na ito laban kay
Matesa.”naghihingalong bilin ni Rodona
Pagkatapos nito, agad na binawian ng buhay ang diwata.
Sinunod ni Mang Kandoy ang bilin ni Rodona. Ikinuwento niya
ang nangyari kay Aling Pising. Makalipas ang siyam na buwan, isinilang ang
isang napakalusog na batang babae. Labis na ikinatuwa ng mag-asawa ang biyayang
ito,pangalanan nila ang bata na Rabona, pinaghalo ang pangalan ni Rodona at ang
bundok ng Rabba.
Lumaking masayahin si Rabona. Halos nakalimutan na ng
mag-asawa ang nangyari sa diwata. Minabuti nilang ilihim nila ito sa kanilang
anak. Nang maglalabing anim na taon na si Rabona ay may nakita siyang isang
pusa sa kagubatab. Medyo kakaiba ang pusang ito sapagkat makapal ang kulay
dalandan na balahibo. Iniuwi ni Rabona ang pusang iyon.
Nang sumapit ang ika-12 ng hating gabi. Nagpalit ng anyo ang
kakaibang pusa. Siya pala si Matesa. Nagsagawa ng ritwal si Matesa upang
sumpain ang anak ng mag-asawa. Habang nag-oorasyon nagising si Mang Kandoy
dahil sa mga bulong ng salamangkera.
“Layuan mo ang aking anak!”sigaw ni Mang Kandoy
“Hahaha! Wala ka ng magagawa Kandoy! Tignan mo ang ginawa mo
sa akin. Maraming salamangka ang aking pinag-aralan para lamang maghilom ang
halos napugutan kong ulo nang dahil sa pagtatanggol mo kay Rodona laban sa
akin!” sagot ni Matesa
Naalala ni Mang Kandoy ang abo ng puso ni Rodona na kanyang
itinago. Agad niya itong kinuha at isinaboy sa paligid ng salamangkera. Hindi
nakagalaw si Matesa. Nabalot siya ng kapangyarihan ng abo ni Rodona. Agad na
kinuha ni Mang Kandoy ang kanyang itak at tinaga ang mangkukulam. Nagliwanag
ang buong paligid at naging abo ang katawan ni Matesa. Nagising si Rabona at
takot na takot na niyakap ang kaniyang mga magulang.
Napansin ni Rabona na kumakapal ang buhok nito sa katawan.
Humahaba rin ang kaniyang buhok.
“Dala ito marahil ng sumpa sa iyo ni Matesa.”sabi ng
kaniyang ama
Agad silang nagpunta kay Tandang Isko, ang arbularyo sa
katabing bayan.
“Mabuti na lamang at hindi natuloy ang sumpa. Maagapan natin
ang walang humpay na paghaba ng kaniyang buhok, subalit hindi na natin
maibabalik ang normal na kapal nito” wika ng arbularyo
Naging mas makapal nga ang buhok ni Rabona. Laging
sinusuklalyan ng kaniyang ina na si Aling Pising ang kaniyang buhok. Bilin ni
Aling Pising na lagi niyang aayusin ang kaniyang buhok upang hindi maging
sagabal sa kaniyang mga gawain at pag-aaral.
Dala marahil ng konting pagbabago sa kanyang buhok,
unti-unting nagbago ang pag-uugali ni Rabona. Naging tamad ito sa pag-aaral at
sa mga gawaing bahay. Ayaw na rin niyang ayusin ang kaniyang sarili. Natuto
siyang lumaban sa kaniyang mga magulang.
“Nay, ikaw na lang magsaing. Ayoko magtrabaho sa bahay
sapagkat naiinis ako sa buhok na ito. Dapat niyo akong pagsilbihan dahil dito”
sambit ni Rabona
“Anak, huwag kang mawalan ng pag-asa, dapat kang magpatuloy
sa buhay mo at gumawa ng paraan upang malampasan ang mga pagsubok” pagsusumamo
ng kaniyang ina.
”Ah basta, ayoko na!
Umalis ka na sa harapan ko at ipaghanda mo ako ng pagkain. Kayo ang may
kasalanan kung bakit nagkaganito ang buhok ko!”hinanakit ng suwail na anak
“Pasensya ka na anak, ang lahat ng ginagawa namin ng iyong
ama ay para sa iyo. Sige maghahanda na ako ng pagkain.”malungkot na tugon ni
Aling Pising
Isang gabi, naisipan ni Rabona na sunugin ang bahay nila
habang natutulog ang mga magulang niya.
Maingat niyang sinalansan ang mga tuyong kahoy sa ilalim ng
kanilang bahay upang huwag magising ang kaniyang mga magulang. Nang akmang
sisindihan na niya ang mga tuyong kahoy para magliyab, nagliwanag ang kaniyang
paligid, lumipad ang bawat butil ng lupa at umikot sa kanya at nabalutan ng
lupa ang kaniyang katawan. Nakita niya ang isang magandang babae sa kaniyang
harapan.
“Ako si Rodona” ang wika ng babae
“Hindi nga ba’t ikaw ay patay na?” nagulat na tanong ni
Rabona
“Oo, namatay na ako subalit nananatili ako sa puso ng iyong
mga magulang. Ako ay may kaugnayan sa iyo sapagkat ako ang nagbiyaya sa iyong
mga magulang upang ikaw ay isilang dahil sa kanilang busilak na kalooban. Ako
ay nanatili sa iyong pagkatao subalit nagpadala ka mga pagsubok. Ang tunggalian
namin ni Matesa ay hindi nagtapos ng ako ay mamatay sa kweba sa bundokng Rabba.
Nagpatuloy iyon sa iyong puso. Nang dahil sa mga mumunting pagsubok, ikaw ay
nagbago. Naisipan mo pang gawan ng masama ang iyong mga magulang” Dapat sana’y
ikaw ay magsisilbing regalo sa kanila, subalit pinagtangkaan mo pa ang kanilang
buhay!” galit na sabi ni Rodona
Nakonsiyensya ang dalaga sa sinabi ng diwata.
“Patawarin niyo po ako, nagpadala ako sa mga pagsubok. Hindi
na po mauulit. Tatanggapin ko po ang anumang kaparusahan. Ayoko na pong maging
pabigat sa kanila. Sana po ay maibalik ko pa ang panahon upang mabigyan sila ng
kasiyahan.” pagsusumamo ni Rabona
“Huli na ang lahat. Mula sa gabing ito ay lalamunin ka na ng
lupa. Ngunit nang dahil sa iyong pagsisisi ay hindi ka pa tuluyang mawawala sa
kanila. Patunayan mo na hindi ka magiging perwisyo sa kanila” sabi ng diwata
At tuluyang nagliwanag ang buong paligid at nawala ang
dalawa.
Kinaumagahan ay wala na sa bahay nina Mang Kandoy si Rabona.
Napaiyak si Aling Pising ng makita ang mga tuyong kahoy at posporo sa ilalim ng
kanilang bahay. Naisip nilang tinangka ng kanilang anak na sunugin ang kanilang
bahay. Sa tapat ng posporo ay may nakita silang halaman na may kakaibang dahon.
“Ngayon ko pa lamang nakita ang halaman na ganito” sabi ni
Mang Kandoy
Inalagaan ng mag-asawa ang halaman at nang lumaki ay
nagkabunga. Napaluha si Aling Pising nang makita niya ang bunga nito. Makapal
ang tila buhok sa balat nito. Tinikman nila ang hinog na bunga at natuwa sa
tamis at sarap nito.
“Ito marahil si Rabona” wika ni Mang Kandoy
“Kahit paano’y may alaala pa rin siya sa atin. Salamat at
hindi siya nawala”
Tinawag na Rabona ang bunga ng puno, hanggang maging rabonan nang malaunan tinawag na rambutan.
Ngayon ang rambutan ay isa sa masasarap na prutas na makikita natin sa ating
bansa.
Lagi nating isipin na ang mga pagsubok sa buhay ay hindi
dapat maging hadlang upang maipagpatuloy ang ating buhay. Lagi tayong gumawa ng
mabuti sa ating kapwa lalo na sa ating mga magulang.
No comments:
Post a Comment