Friday, June 28, 2013

Kayarian ng mga Salita

Kayarian ng mga Salita

SALITA

Ang mga salita ay may apat na kayarian. Ang mga salita ay maaaring payak, maylapi, inuulit o tambalan.

1. Payak – ang salita ay binubuo lamang ng salitang-ugat. Ang salitang-ugat ay batayang salita ng iba pang pinahabang mga salita. Samakatwid, ito ang salita sa basal o likas na anyo – walang paglalapi, pag-uulit, o pagtatambal.

Mga Halimbawa:
awit
bayani
watawat
talino
halaga
yaman
pinto
sahig
pera
aklat
bintana

2. Maylapi – ang salita ay binubuo ng salitang-ugat at mga panlapi. Ang mga panlapi ay mga katagang idinaragdag sa unahan, sa gitna, o sa hulihan ng mga salitang-ugat. May ibat’ibang uri ng mga panlapi.

    a. Unlapi – ang panlapi ay matatagpuan sa unahan ng salitang-ugat.
    Mga halimbawa:
    mahusay
    palabiro
    tag-ulan
    umasa
    makatao
    may-ari

    b. Gitlapi – ang gitlapi ay matatagpuan sa gitna ng salitang-ugat. Ang mga
    karaniwang gitlapi sa Filipino ay –in- at -um-
    Mga halimbawa:
    lumakad
    pumunta
    binasa
    sumamba
    tinalon
    sinagot
   
    c. Hulapi – ang hulapi ay matatagpuan sa hulihan ng salitang-ugat. Ang mga
    karaniwang hulapi sa Filipino ay –an, -han, -in, at –hin.
    Mga halimbawa:
    talaan
    batuhan
    sulatan
    aralin
    punahin
    habulin
   
    d. Kabilaan - ang kabilaan ay binubuo ng tatlong uri. Ito’y maaaring:

        1. Unlapi at Gitlapi
        Mga Halimbawa:
        isinulat
        itinuro
        iminungkahi
        ibinigay

        2. Unlapi at Hulapi
        Mga Halimbawa:
        nagkwentuhan
        palaisdaan
        kasabihan
        matulungin

        3. Gitlapi at Hulapi
        Mga Halimbawa:
        sinamahan
        pinuntahan
        tinandaan
        hinangaan

    e. Laguhan - ang panlapi ay binubuo ng tatlong magkakaibang uri: unlapi,
    gitlapi, at hulapi.
    Mga halimbawa:
    pinagsumikapan
    nagsinampalukan

3. Inuulit – ang buong salita o bahagi ng salita ay inuulit. May dalawang anyo ng pag-uulit ng mga salita.

    a. Inuulit na ganap – ang buong salita, payak man o maylapi ay inuulit.
    Mga Halimbawa:
    taun-taon
    masayang-masaya
    bahay-bahay
    mabuting-mabuti

   b. Inuulit na di-ganap – bahagi lamang ng salita ang inuulit.
    Mga Halimbawa:
    pala-palagay
    malinis-linis
    susunod

4. Tambalan – ang salita ay binubuo ng dalawang magkaibang salitang pinagsama upang makabuo ng bagong salita. May dalawang uri ng tambalang salita:

    a. Tambalang salitang nanatili ang kahulugan
    Mga Halimbawa:
    isip-bata (isip na gaya ng bata)
    buhay-mayaman (buhay ng mayaman)
    abot-tanaw (abot ng tanaw)
    sulat-kamay (sulat ng kamay)

    Ang gitling sa pagitan ng dalawang salitang pinagtambal ay kumakatawan sa
    nawawalang kataga sa pagitan ng pinagtambal na salita

    b. Tambalang salitang nagbibigay ng bagong kahulugan
    Mga Halimbawa:
    hampaslupa (taong napakahirap ng buhay)
    dalagangbukid (isang uri ng isda)
    talasalitaan (bokabularyo)

    hanapbuhay (trabaho)


source: http://teksbok.blogspot.com

No comments:

Post a Comment