Ano ang Maikling Kwento?
Ang maikling kwento ay isang akdang pampanitikang likha ng
guniguni at salagimsim na salig sa buhay na aktuwal na naganap o maaaring
maganap.” Ito ay ayon sa kinikilala ng mga dalubhasa na ama ng makabagong
maikling kwento na si Edgar Allan Poe.
Walang hanggan ang maaring paksain ng manunulat ng maikling
kwento. Ang mga kwento’y maaring maging hango sa mga pangyayari sa totoong
buhay, at maaari rin namang patungkol sa kababalaghan at mga bagay na hindi
maipaliwanag ng kaalaman.
Iba-iba rin ang istilo ng mga manunulat sa paggawa ng akda.
Kung ang layunin ng manunulat ay aliwin ang mga mambabasa, maaaring sa magaan
na paraan lamang niya tinatalakay ang mga pangyayari. Ang iba nama’y gumagamit
ng mabibigat na salita upang magdulot ng mas malalim na pang-unawa ng mambabasa
sa kalagayan at karanasan ng tao kung saan hango ang kwento.
Sa pamamagitan ng mga tauhan, ng tagpuan, at banghay ng
maikling kwento naihahatid ng isang kwentista ang mga imahinasyong nabuo sa
kanyang malawak na kaisipan.
Sangkap ng Maikling
Kwento
Ang mga bahagi at
sangkap ng isang maikling kuwento sa filipino:
Simula
Kabilang sa simula ang mga tauhan, tagpuan, at suliranin. Sa
mga tauhan nalalaman kung sinu-sino ang magsisiganap sa kuwento at kung ano ang
papel na gaganapan ng bawat isa. Maaaring bida, kontrabida o suportang tauhan.
Sa tagpuan nakasaad ang lugar na pinangyayarihan ng mga aksyon o mga insidente,
gayundin ang panahon kung kailan naganap ang kuwento. At ang bahagi ng
suliranin ang siyang kababasahan ng problemang haharapin ng pangunahing tauhan.
Gitna
Binubuo ang gitna ng saglit na kasiglahan, tunggalian, at
kasukdulan. Ang saglit na kasiglahan ang naglalahad ng panandaliang pagtatagpo
ng mga tauhang masasangkot sa suliranin. Ang tunggalian naman ang bahaging
kababasahan ng pakikitunggali o pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhan laban
sa mga suliraning kakaharapin, na minsan ay sa sarili, sa kapwa, o sa
kalikasan. Samantalang, ang kasukdulan ang pinakamadulang bahagi kung saan
makakamtan ng pangunahing tauhan ang katuparan o kasawian ng kanyang
ipinaglalaban.
Wakas
Binubuo ang wakas ng kakalasan at katapusan. Ang kakalasan
ang bahaging nagpapakita ng unti-unting pagbaba ng takbo ng kuwento mula sa
maigting na pangyayari sa kasukdulan. At ang katapusan ang bahaging kababasahan
ng magiging resolusyon ng kuwento. Maaring masaya o malungkot, pagkatalo o
pagkapanalo.
Gayunpaman, may mga kuwento na hindi laging winawakasan sa
pamamagitan ng dalawang huling nabanggit na mga sangkap. Kung minsan,
hinahayaan ng may-akda na mabitin ang wakas ng kuwento para bayaang ang
mambabasa ang humatol o magpasya kung ano, sa palagay nito, ang maaring
kahinatnan ng kuwento.
Mga Salik ng Maikling
Kwento
Ang maikling kwento ay mayroong tatlong salik: ang Tauhan, Tagpuan, at Banghay. Sa pamamagitan ng
mga ito naihahatid ng isang manunulat mga kwentong nabuo sa kanyang isip.
Ang Tauhan ang
siyang nagdadala ng suliranin at nagiging basehan sa kung anong magiging takbo
ng kwento. May tatlong dimensyon na naglalarawan sa isang tauhan. Iyon ay ang
pisikal (pisikal na anyo ng mga tauhan), pisiyolohikal (estado sa lipunan ng
tauhan) , at sikolohikal (mga paniniwala ng tauhan).
Ang Tagpuan naman
ang lugar na pinangyarihan ng kwento. Ang kapaligiran kung saan naganap ang
kwento aynakakaapekto sa pakikipagtunggali at pagpapasiyang ginagawa ng mga
pangunahing tauhan.
Ang Banghay ay
ang mga pangyayaring nagpapaunlad sa suliranin at tunggaliang dadalhin ng mga
pangunahing tauhan at kung paano niya ito haharapin.
No comments:
Post a Comment