Sunday, June 30, 2013

Epiko

Ano ang Epiko?
Ang epiko ay mahabang salaysay na patula. Ito ay karaniwang inaawit o binibigkas. Ang epiko ay madalas na patungkol sa mahiwagang pangyayari o kabayanihang kinapapalooban ng mga paniniwala, mga kaugalian, at mga huwaran sa buhay ng mga sinaunang mamamayan ng isang bayan. Ang salaysay ay umiikot sa kabayanihan ng pangunahing tauhan. Ang kwento ay hango kung minsan sa mga karaniwang pangyayari ngunit ang mga tauhan ay kadalasang hango sa mga hindi pangkaraniwang nilalang na mayroong pambihirang katangian

Laganap sa iba’t-ibang parte ng bansa ang epiko. Bawat pangkat-etniko ay mayroon nito. Ang mga halimbawa ng kilalang epiko ng mga Pilipino ay Hudhud at Alim ng Ifugao; Kumintang ng Katagalugan; Ibalon ng Bicol; at Biag ni Lam-ang ng mga Ilokano.



Mga Halimbawa ng Epiko

Ibalon (Epiko)

Ang Ibalon ay matandang pangalan ng Bicol. Noong 1895, si Prayle Jose Castaño ay may kinaibigang bulag na lagalag na mang-aawit na si Cadungdung. Sa kanya narinig ng pari ang epikong Ibalon. Itinala at isinalin ng pari sa Castila ang isinalaysay sa kanya ni Cadungdung.

Ang Epiko ay nababahagi sa trilogia. Inilalarawan dito ang kabayanihan nina Baltog, Handiong, at Mantong.

Buod

Si Baltog ay nakarating sa lupain ng Ibalon dahil sa pagtugis niya sa isang malaking baboy-ramo. Siya'y nanggaling pa sa lupain ng Batawara. Mayaman ang lupain ng Ibalon at doon na siya nanirahan. Siya ang kinilalang hari ng Ibalon. Naging maunlad ang pamumuhay ng mga tao. Subalit may muling kinatakutan ang mga tao, isang malaki at mapaminsalang baboy-ramo na tuwing sumasapit ang gabi ay namiminsala ng mga pananim. Si Baltog ay matanda na upang makilaban. Tinulungan siya ng kanyang kaibigang si Handiong.

Pinamunuan ni Handiong ang mga lalaki ng Ibalon upang kanilang lipulin ang mga dambuhalang buwaya, mababangis na tamaraw at lumilipad na mga pating at mga halimaw na kumakain ng tao. Napatay nila ang mga ito maliban sa isang engkantadang nakapag-aanyong magandang dalaga na may matamis na tinig. Ito ay si Oriol. Tumulong si Oriol sa paglipol ng iba pang mga masasamang hayop sa Ibalon.

Naging payapa ang Ibalon. Ang mga tao ay umunlad. Tinuruan niya ang mga tao ng maayos na pagsasaka. Ang mga piling tauhan ni Handiong ay tumulong sa kanyang pamamahala at pagtuturo sa mga tao ng maraming bagay.
Ang sistema ng pagsulat ay itinuro ni Sural. Itinuro ni Dinahong Pandak ang paggawa ng palayok na Iluad at ng iba pang kagamitan sa pagluluto.
Si Hablon naman ay nagturo sa mga tao ng paghabi ng tela. Si Ginantong ay gumawa ng kauna-unahang bangka, ng araro, itak at iba pang kasangkapan sa bahay.

Naging lalong maunlad at masagana ang Ibalon. Subalit may isang halimaw na namang sumipot. Ito ay kalahating tao at kalahating hayop. Siya si Rabut. Nagagawa niyang bato ang mga tao o hayop na kanyang maengkanto. May nagtangkang pumatay sa kanya subalit sinamang palad na naging bato. Nabalitaan ito ni Bantong at inihandog niya ang sarili kay Handiong upang siyang pumatay kay Rabut.

Nalaman ni Bantong na sa araw ay tulog na tulog si Rabut. Kaniya itong pinatay habang natutulog.

Nagalit ang Diyos sa ginawang pataksil na pagpatay kay Rabut. Diumano, masama man si Rabut, dapat ay binigyan ng pagkakataong magtanggol sa sarili nito. Pinarusahan ng Diyos ang Ibalon sa pamamagitan ng isang napakalaking baha.

Nasira ang mga bahay at pananim. Nalunod ang maraming tao. Nakaligtas lamang ang ilang nakaakyat sa taluktok ng matataas na bundok. Nang kumati ang tubig, iba na ang anyo ng Ibalon. Nagpanibagong buhay ang mga tao ngayon ay sa pamumuno ni Bantong.





Ullalim (Epiko ng Kalinga)

Ang kwento ay nagsimula sa nakatakdang kasal nina Ya-u at Dulaw nang makapulot ng nganga o ua (na tawag ng taga-Kalinga). Ang magkasintahan ay naanyayahan sa isang pistahan sa Madogyaya. Nang sila ay nasa Madogyaya, naakit ang pansin ni Dulliyaw si Dulaw hanggang si Dulaw ay magkagusto sa kanya. Sa pagplano na ligawan ni Dulaw si Dulliyaw ay naisip nitong painumin ng alak si Ya-u hanggang sa malasing. Habang si Ya-u ay natutulog sa ibang bahay ay saka niligawan ni Dulaw si Dulliyaw. Pinakain nito ang babae ng nganga at sinabi niya sa babae na sa pamamagitan ng pagtanggap niya ng nganga ang ibig sabihin ay tinanggap na niya ang pag-ibig na kanyang iniaalay. Bago siya umalis ay sinabi niya sa babae na siya ay babalik kinabukasan. Naiwan na nag-iisip ang dalaga.

Kinabukasan sa kalagitnaan ng gabi ay dumating si Dulaw sa bahay nina Dulliyaw. Habang sila’y kumakain ng nganga, sinabi nito sa babae na siya ay nagpunta roon upang isama nang umuwi ang dalaga sa kanilang bahay. Nagulat si Dulliyaw sa winika ng lalaki. Iyon lamang at nagkagulo na ang mga tao sa nayon. Sa pagtakas nila ay nakasalubong sila ng isang lalaki na may dala-dalang palakol at balak silang patayin. Bago sila maabutan ng lalaki ay nakaakyat na si Dulaw sa isang puno upang tumakas. Samantala wala namang mangahas na siya ay lusubin kaya naipasiya ni Ya-u na tawagin ang mga sundalong Español ng Sakbawan.

At noon nga si Guwela na kumander ng Garison ay umakyat sa kaitaasan ng Kalinga na kasama ang mga sundalo. Iniutos niya na dakpin si Dulaw na nakaupo pa rin sa puno. Napag-alaman niya na marami ang tutol sa ginawa niya kaya wala na siyang lakas na lumaban nang siya ay lagyan ng posas. Sa utos pa rin ni Guwela siya ay dinakip at nakulong sa Sakbawan.

Makalipas ang tatlong taon na pagkakabilanggo, naging payat na siya. Humingi si Dulliyaw ng nganga kay Dulaw. Kinuha ni Dulaw ang huling nganga sa bahay at ito’y pinagpirapiraso. Bago niya ito maibigay kay Dulliyaw bigla na lamang itong nawala.

Samantala, sa pook na Magobya naliligo si Duranaw. Sa paliligo niya sa ilog ay nakapulot siya ng nganga. Kinain niya ito nang walang alinlangan.

Matapos nguyain ang nganga ay bigla na lamang itong nagbuntis hanggang sa siya ay magsilang ng isang malusog na lalaki at pinangalanan niya itong Banna. Tatlong taon ang lumipas. Si Banna ay mahilig makipaglaro sa mga Agta, subalit siya’y madalas na tinutukso ng kanyang mga kalaro. Sinasabi na kung siya raw ang tunay na Banna ang ibig sabihin ay siya ang anak ni Dulaw na nakulong sa Sakbawan. Sinumbong niya ito sa kanyang ina ngunit pinabulaanan ito ng kanyang ina.

Sa isang iglap, si Banna ay naging malakas at naghangad ng paghihiganti. Isang mahiwagang pangyayari ang nagdala kay Banna pati ng kanyang mga kasama sa Sakbawan. At doon ay kanyang pinatay si Dulliyaw. Sinabi ng isang kasama ni Banna kay Dulaw na si Banna ay kanyang anak, iyon lang at sila ay dali-daling sumakay sa isang bangka at sa isang iglap ay nakarating sila sa pook ng Magobya. Mula noon ay nauso na ang kasalan sa kanilang pook.





Tuwaang (Epiko ng mga Bagobo)

Ang Tuwaang, epiko ng mga Bagobo, ay isang mahabang tula na nagsasalaysay ng mga kabayanihan ni Tuwaang. Si Tuwaang ay siyang puno ng Kuaman. Balita siya sa katapangan, lakas at kakisigan. Isang araw tumanggap si Tuwaang ng balita na may isang dilag na nagmula sa kalangitan ng Buhong na nakarating sa kaharian ni Batooy upang humingi ng tulong. Tinawagan ni Batooy si Tuwaang. Nagpaalam si Tuwaang sa kapatid niyang babae na kinagigiliwan iyong tawaging Bai, ibig niyang tulungan ang nasabing dalaga. Ayaw mang pumayag ni Bai sapagkat ang gagawin ni Tuwaang ay lubhang mapanganib, hindi rin napigil si Tuwaang sa gagawin niyang pagsaklolo. Sumakay si Tuwaang sa kidlat. Ang karaniwan niyang sasakyan ay hangin. Ngunit sa pagkakataong ito'y humingi siya ng pasintabi sa hangin sa hindi ito ang gamiting sasakyan sapagkat siya'y nagmamadali.

Dumaan muna si Tuwaang sa lupain ng Binata ng Pangavukad. Dinulutan si Tuwaang ng itso (ikmo at bunga). Ang pagdudulot ng itso sa panauhin ay kaugalian ng mga Muslim. Pumunta si Tuwaang at ang Binata ng Pangavukad sa lupain ni Batooy. Pagdating nila roon, dahil sa kagandahang lalaki ni Tuwaang ay halos hinimatay ang mga tao sa laki ng paghanga sa binata ng Kuaman. Pumanhik si Tuwaang at sa laki ng pagod dahil sa paglalakbay ay nakatulog siya sa pagkakaupo sa tabi ng dalagang may lambong ng kadiliman, ang dalaga ng Buhong. Nang magising si Tuwaang, dinulutan ang dalawa ng itso at sila'y ngumanga. Mula pa ng dumating sa lupain ni Batooy ay walang nais kausapin ang dalagang may lambong ng kadiliman. Hinintay niya si Tuwaang upang dito sabihin ang kanyang malaking suliranin. Nagkagusto ang binata ng Pangumanon sa dalaga. Malaki naman ang pag-ayaw ng dlaga, subalit nais kunin ng Binata ng Pangumanon ang dalaga sa dahas. Kaya napilitan siyang humingi ng saklolo kay Tuwaang at kay Batooy.

Hindi pa gaanong natatagalan ang pag-uusap ni Tuwaang at ng dalaga ng Buhong ay dumating naman ang Binata ng Pangumanon. Walang taros na pinagtataga ng Binata ng Pangumanon ang tauhan ni Batooy. Para lamang tumatabas ng puno sa isang tubuhan at sa ilang saglit nakabulagta nang lahat ang mga kawal at tauhan ni Batooy.

Nanaog si Tuwaang at nagharap ang dalawang malakas at makapangyarihang lalaki. Ginamit ni Tuwaang ang kanyang kampilan. Sa lakas ng pagtatagaan ay naputol ito. Itinapon ni Tuwaang ang puluhan nito at kaagad na tumulong ang punong malivutu. Gayon din ang nangyari sa binata ng Pangumanon. Ginamit naman ni Tuwaang ang iba pang sandata niyang palihuma, gayon din ang balaraw hanggang nabali rin sa puluhan ang mga ito. At sabay na nagtapon ng baling puluhan ang dalawa at ito'y naging punong maunlapay. Nang magkaubusan na sila ng mga armas, sinunggaban ng Binata ng Pangumanon si Tuwaang at ibig durugin sa kanyang binti. Hindi nasaktan si Tuwaang. Sinunggaban naman ni Tuwaang ang Binata ng Pangumanon at tinangkang ihampas sa malaking bato. Nang sasayad na ang katawan, ang bato ay naging alabok. Tinawagan ng Binata ng Pangumanon ang kanyang patung. Ito'y isang dangkal na bakal na ipinulupot kay Tuwaang. Ang patung ay bumuga ng apoy. Inunat ni Tuwaang ang kamay at namatay ang apoy. Tinawagan naman ni Tuwaang ang kanyang patung at nagliyab ang binata ng Pangumanon at namatay.

Ngumanga si Tuwaang at ibinuga ang tabug ng nganga sa mga tauhan ni Batooy at sila'y nabuhay na lahat. Iniuwi ni Tuwaang ang dalaga sa Kuanan. Pagdating nila sa Kuaman ay may ligalig na nagaganap. Pagkatapos na magapi ni Tuwaang ang kalaban, minabuti niyang doon na sila sa bayan ng Katu-san manirahang lahat. Inilulan ni Tuwaang sa sinalimba, isang ginituang sasakyang lumilipad ang lahat niyang tauhan. Pinasan ni Tuwaang sa magkabila niyang balikat ang dalagang Buhong at ang kapatid na si Bai at pumunta rin sila sa Katu-san, ang lupaing walang kamatayan.







Maragtas (Epikong Bisayas)

Ang epikong Maragtas ay kaysayan ng sampung magigiting, matatapang at mararangal na datu. Ang kasaysayan ng kanilang paglalakbay mula Borneo patungo sa pulo ng Panay ay buong kasiyahan at pagmamamalaking isinalaysay ng mga taga-Panay.

Ayon sa ilang ulat at pananaliksik na pinagtahi-tahi at pinagdugtung-dugtong, ganito ang mga pangyayari:

Ang Borneo noon ay nasa pamumuno ng isang malupit at masamang sultan na si Sultan Makatunao. Kinamkam niya ang lahat ng yaman ng nasasakupan. Kanya ring pinupugayan ng dangal ang mga babae, pati ang mga asawa at anak na dalaga ng mga datu na nasa ilalim niya.

Isang araw, si Pabulanan, ang asawa ni Datu Paiborong, ang nais halayin at angkinin ng masamang sultan. Nalaman ni Datu Paiborong ang tangka ni Sultan Makatunao. Nagbalak ang magigiting na datu na manlaban kay sultan Makatunao. Nag-usap-usap silang palihim. Naisipan sin nilang humingi ng tulong kay Datu Sumakwel.

Si Sumakwel ay mabait, magalang at matalino. Alam niya ang kasaysayan ng maraming bansa at marami siyang alam kung tungkol sa paglalayag. Dinalaw ni Datu Paiborong at ni Datu Bangkaya si Sumakwel. Ipinagtapat ng dalawa ang paglaban na nais nilang gawin. Ayaw ni Sumakwel sa balak na paglaban.

Pinuntahan ni Sumakwel si Datu Puti. Si Datu Puti ay punong ministro ni Makatunao. Sinabi ni Sumakwel ang suliranin ng mga datu at ang balak na paglaban. Ipinasiya nina Sumakwel at Datu Puti ang palihim na pag-alis nilang sampung datu sa Borneo. Hindi nila magagapi si Makatunao. Maraming dugo ang dadanak at marami ang mamamatay. Ayaw ni Datu Puti na mangyari ang ganoon. Iiwan nila ang kalupitan ni Sultan Makatunao at hahanap sila ng bagong lupain na maaaring pamuhayan nila nang malaya at maunlad. Sila'y mararangal na datu na mapagmahal sa kalayaan.

Nagpulong nang palihim ang sampung datu. Sila'y tatakas sa Borneo. Palihim silang naghanda ng sampung malalaking bangka, na ang tawag ay biniday o barangay. Naghanda sila ng maraming pagkain na kakailanganin nila sa malayong paglalakbay. Hindi lamang pagkain ang kanilang dadalhin kundi pati ang mga buto at binhi ng halamang kanilang itatanim sa daratnan nilang lupain. Madalas ang pag-uusap ni Sumakwel at ni Datu Puti. Batid ni Sumakwel ang malaking pananagutan niya sa gagawin nilang paghanap ng bagong lupain. Silang dalawa ni Datu Puti ang itinuturing na puno, ang mga datung hahanap ng malayang lupain.

Isang hatinggabi, lulan sa kanilang mga biniday o barangay, pumalaot ng dagat ang sampung datu kasama ang kanilang asawa at mga anak at buong pamilya pati mga katulong. Sa sampung matatapang na datu, anim ang may asawa at apat ang binata. Si Sumakwel ay bagong kasal kay Kapinangan, si Datu Bangkaya ay kasal kay Katorong na kapatid ni Sumakwel. Ang mag-asawang si Datu Paiborong at Pabulanan, si Datu Domangsol at ang asawang si Kabiling, ang mag-asawang si Datu Padihinog at Ribongsapaw, Si Datu Puti at ang kanyang asawang si Pinampangan. Ang apat na binatang datu ay sina Domingsel, Balensuela, Dumalogdog at Lubay.

Ang mga tag-Borneo ay kilala sa tawag na Bisya o Bisaya. Malakas ang loob nila na pumalaot sa dagat pagkat batid nila ang pagiging bihasa ni Datu Puti at ni Sumakwel sa paglalayag. Nakita nang minsan ni Sumakwel ang isang pulo makalagpas ang pulo ng Palawan. Alam niya na ang naninirahan dito ay mga Ati, na pawang mababait at namumuhay nang tahimik. Alam din niya kung gaano kayaman ang pulo.

Nasa unahan ang barangay ni Datu Puti. Makaraan ang ilang araw at gabi nilang paglalakbay, narating nila ang pulo ng Panay. Ang matandang pangalan nito ay Aninipay.

Bumaba si Datu Puti at naglakad-lakad. Nakita niya ang isang Ati. Siya ay katutubo sa pulong oyon. Pandak, maitim, kulot ang buhok at sapad ang ilong. Sa tulong ng kasama ni Datu Puti na marunong ng wikain ng katutubo ay itinanong niya kung sino ang pinuno sa pulong iyon at kung saan ito nakatira. Ipinabalita ni Datu Puti kay Marikudo na silang mga Bisaya mula sa Borneo ay nais makipagkaibigan.

Si Marikudo ay siyang hari ng Aninipay. Siya ay mabuting pinuno. Ang lahat sa pulo ay masaya, masagana at matahimik na namumuhay. Walang magnanakaw. Ang lahat ay masipag na gumagawa. Kilala rin sila sa pagiging matapat at matulungin sa kapwa.

Dumating ang takdang araw ng pagkikta ng mga Ati sa pamumuno ni Marikudo at ng mga Bisaya sa pamumuno ni Datu Puti. May isang malaking sapad na bato sa baybay dagat. Ito ang kapulungan ng mga Ati. Ito ang Embidayan. Dito tinanggap ni Marikudo ang mga panauhin. Nakita niya na mabait at magalang ang mga dumating. Ipinaliwanag ni Datu Puti ang kanilang layong makipanirahan sa pulo ng Aninipay. Nais nilang bilhin ang lupain. Sinabi ni Marikudo na tatawag siya ng pulong, ang kanyang mga tauhan at saka nila pagpapasyahan kung papayagan nilang makipanirahan ang mga dumating na Bisaya.

Muling nagpulong ang mga Ati at mga Bisaya sa Embidayan. Nagpahanda si Marikudo ng maraming pagkaing pagsasaluhan ng mga Ati at mga Bisaya. Dumating mula sa Look ng Sinogbuhan ang mga Bisaya lulan ng sampung barangay. Nakaupo na sa Embidayan si Marikudo kasama ang kanyang mga tauhan. Katabi ni Marikudo ang kanyang asawa na si Maniwantiwan. Nakita ng mga Ati ang maraming handog ng mga Bisaya. Ang mga lalaking Ati ay binigyan ng mga Bisaya ng itak, kampit at insenso. Ang mga babaeng Ati ay binigyan naman ng kuwintas, panyo at suklay. Ang lahat ay nasiyahan. Nagpakita ng maramihang pagsayaw ang mga Ati. Tumugtog ang Bisaya sa kanilang solibaw, plota, at tambol habang ang mga lalaki naman ay nagsayaw pandigma, ang sinurog.

Nag-usap sina Marikudo at Datu Puti. Ipinakuha ni Datu Puti ang isang gintong salakot at gintong batya mula sa kanilang barangay. Ibinigay niya ito kay Marikudo. Nakita ni Maniwantiwan ang mahabang-mahabang kuwintas ni Pinampangan. Ito'y kuwintas na lantay na ginto. Ibig ni Maniwantiwan ang ganoon ding kuwintas. Pinigil ni Maniwantiwan ang bilihan, kung hindi siya magkakaroon ng kuwintas. Madaling ibinigay ni Pinampangan ang kuwintas niya kay Maniwantiwan.

Itinanong ni Datu Puti kung gaano kalaki ang pulo. Sinabi ni Marikudo, na kung lalakad sa baybay dagat ng pulo simula sa buwang kiling (Abril o buwan ng pagtatanim) ay makababalik siya sa dating pook pagsapit ng buwan ng bagyo-bagyo (Oktubre o buwan ng pag-aani).

Ang lupang kapatagan ay ibinigay ng mga Ati sa mga Bisaya. Ibinigay rin nila ang kanilang mga bahay. Ang mga Ati ay lumipat ng paninirahan sa bundok.

Madaling isinaayos ni Datu Puti ang mga Bisaya. Si Datu Bangkaya kasama ang kanyang asawa na si Katurong at anak na si Balinganga at kanilang mga tauhan at katulong ay tumira sa Aklan. Sumunod na inihatid ni Datu Puti sina Datu Paiborong at asawang si Pabulanon at ang kanyang dalawang anak na si Ilehay at si Ilohay. May mga tauhan ding kasama si Datu Paiborong na kakatulungin niya sa pagtatanim ng mga buto at binhi na iiwan ni Datu Puti at Datu Sumakwel. Sina Lubay, Dumalogdog, Dumangsol at Padahinog ay kasama ni Sumakwel. Sila ay sa Malandog naman maninirahan. Nagpaalam si Datu Puti kay Sumakwel. Kanyang pinagbilinan si Sumakwel na pamunuang mahusay ang mga Bisaya. Nag-aalala si Datu Puti tungkol sa kalagayan ng iba pang Bisaya sa Borneo sa ilalim ng pamumuno ng malupit na si Makatunao.

Matapos magpaalam kay Sumakwel, umalis na ang tatlong barangay, kay Datu Puti ang isa, at ang dalawa pa ay sa dalawang binatang datu na sina Datu Domingsel at Datu Balensuela. Narating nila ang pulo ng Luzon. Dumaong ang tatlong barangay sa Look ng Balayan. Ipinasya ng dalawang datu na dito na sa Taal manirahan kasama ang mga Taga-ilog. Isang araw lamang at umalis na sina Datu Puti at Pinampangan upang bumalik sa Borneo.





Labaw Donggon (Epikong Bisaya)

Si Labaw Donggon ay anak ni Anggoy Alunsina at Buyung Paubari. Siya ay napakakisig na lalaki na umibig kay Abyang Ginbitinan. Binigyan niya ng maraming regalo ang ina ni Abyang Ginbitinan na si Anggoy Matang-ayon upang pumayag lamang na makasal ang dalawa. Inimbita niya ang buong bayan sa kanilang kasal. At hindi nagtagal ay umibig siyang muli sa isang magandang babae na nagngangalang Anggoy Doronoon. Niligawan niya ito at hindi nagtagal ay nagpakasal.

At muli ay umibig si Labaw sa isa pang babae na nagngangalang Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata. Ngunit ang babae ay nakasal na kay Buyung Saragnayan na katulad niya na may kapangyarihan din.

Patayin mo muna ako bago mo makuha ang aking asawa, sabi ni Buyung Saragnayan sa kanya.

Handa akong kalabanin ka, sagot ni Labaw kay Saragnayan.

Naglaban sila ng maraming taon gamit ang kanilang mga kapangyarihan ngunit hindi mapatay ni Labaw si Saragnayan. Mas malakas ang kapangyarihan ni Saragnayan kaysa kay Labaw.

Natalo si Labaw at siya ay itinali at ikinulong sa kulungan ng baboy ni Saragnayan. Samantala ang kanyang mga asawa na si Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon ay nanganak sa kanilang panganay. Tinawag ni Abyang ang kanyang anak na Asu Mangga at si Anggoy Doronoon na Buyung Baranugun. Gustong makita si Labaw ng kaniyang dalawang anak at nagpasya na hanapin siya. Sa tulong ng bolang kristal ni Buyung Barunugun ay nalaman nlla na bihag siya ni Saragnayan. Ang dalawang magkapatid ay nagtagumpay sa pagpapalaya sa kanilang ama na napakatanda na at ang kanyang katawan ay nababalutan na ng mahabang buhok.

Kailangan nyo munang malaman ang sikreto ng kapangyarihan ni Saragnayan bago ninyo siya labanan! sabi ni Labaw sa kanyang dalawang anak.

Opo ama, sagot ni Baranugun. Ipapadala ko sina Taghuy at Duwindi kay Abyang Alunsini upang itanong ang sikreto ng kapangyarihan ni Saragnayan.

Nalaman ni Batanugun kay Abyang na ang hininga ni Saragnayan ay itinatago at pinangangalagaan ng isang baboy ramo sa kabundukan. Siya at si Asu Mangga ay nagtungo sa kabundukan upang patayin ang baboy ramo. Kinain nila ang puso nito na siyang buhay ni Saragnayan

Biglang nanghina si Saragnayan. Alam niya kung ano ang nangyari. Nagpaalam na siya kay Nagmalitong Yawa. Handa na siyang upang ka1abanin ang dalawang anak ni Labaw. Si Baranugun lamang ang humarap sa kanya sa isang madugong laban. Napatay siya ni Baranugun sa isang mano-manong laban. Pagkatapos ng labanan ay hinanap nila ang kanilang ama. Nakita nila na siya ay nakasilid sa lambat ni Saragnayan. Natakot sila sa mga kapatid ni Saragnayan. Pinatay silang lahat ni Baranugun at pinalaya si Labaw sa lambat.

Nang makita ni Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon si Labaw ay napaiyak sila sa pighati. Nalaman nilang hindi na makarinig si Labaw, hindi na rin nito nagamit ang pag-iisip. Pinaliguan nila ito, binihisan at

pinakain. Inalagaan nila ito ng mabuti. Samantala, si Buyung Humadapnon at Buyung Dumalapdap, mga bayaw ni Anggoy Ginbitinan ay ikinasal kina Burigadang Pada Sinaklang Bulawan at Lubaylubyok Hanginon Mahuyukhuyukon. Ang dalawang babae ay ang magagandang kapatid ni Nagmalitong Yawa.

Nang malaman ni Labaw Donggon ang kasal sinabi nito sa dalawang asawa na nais niyang mapakasalan si Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata.

Gusto kong magkaroon ng isa pang anak na lalaki! sabi ni Labaw Donggon.

Nagulat sina Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon sa sinabi ng asawa at dahil mahal na mahal nila ang asawa ay tinupad nila ang kahilingan nito. Humiga si Labaw sa sahig at pumatong ang dalawang babae sa kanya, naibalik ang kanyang lakas at sigla ng isip. Masayang-masaya si Labaw at ang kanyang tinig ay umalingawngaw sa buong lupain.





Indarapatra at Sulayman (Epikong Mindanao)

Si Indarapatra ay ang matapang na hari ng Mantapuli. Nabalitaan niya ang malimit na pananalakay ng mga dambuhalang ibon at mababangis na hayop sa ibang panig ng Mindanao. Labis niyang ikinalungkot ang mga nangyayaring ito sa mga naninirahan sa labas ng kaharian ng Mantapuli.

Ipinatawag ni Indarapatra ang kanyang kapatid na si Sulayman, isang matapang na kawal. Inutusan ni Indarapatra si Sulayman upang puksain ang mga ibon at hayop na namiminsala sa mga tao. Agad na sumunod si Sulayman. Bago umalis si Sulayman, nagtanim si Indarapatra ng halawan sa may durungawan. Aniya kay Sulayman, "Sa pamamagitan ng halamang ito ay malalaman ko ang nangyayari sa iyo. Kapag namatay ang halamang ito, nanganaghulugang ikaw ay namatay."

Sumakay si Sulayman sa hangin. Narating niya ang Kabilalan. Wala siyang nakitang tao. Walang anu-ano ay nayanig ang lupa, kaya pala ay dumating ang halimaw na si Kurita. Matagal at madugo ang paglalaban ni Sulayman at ni Kurita. Sa wakas, napatay rin ni Sulayman si Kurita, sa tulong ng kanyang kris.

Nagtungo naman si Sulayman sa Matutum. Kanyang hinanap ang halimaw na kumakain ng tao, na kilala sa tawag na Tarabusaw. Hinagupit nang hinagupit ni Tarabusaw si Sulayman sa pamamagitan ng punongkahoy. Nang nanlalata na si Tarabusaw ay saka ito sinaksak ni Sulayman ng kanyang espada.

Pumunta si Sulayman sa Bundok ng Bita. Wala rin siyang makitang tao. Ang iba ay nakain na ng mga halimaw at ang natirang iba ay nasa taguan. Luminga-linga pa si Sulayman nang biglang magdilim pagkat dumating ang dambuhalang ibong Pah. Si Sulayman ang nais dagitin ng ibon. Mabilis at ubos lakas ng tinaga ito ni Sulayman. Bumagsak at namatay ang Pah. Sa kasamaang palad nabagsakan ng pakapak ng ibon si Sulayman na siya niyang ikinamatay.

Samantala, ang halaman ni Sulayman sa Mantapuli ay laging pinagmamasdan ni Indarapatra. Napansin niyang nanlata ang halaman at alam niyang namatay si Sulayman.

Hinanap ni Indarapatra ang kanyang kapatid. Nagpunta siya sa Kabalalan at nakita niya ang kalansay ni Tarabusaw. Alam niyang napatay ito ng kapatid niya. Ipinagpatuloy ni Indarapatra ang paghahanap niya kay Sulayman. Narating niya ang bundok ng Bita. Nakita niya ang patay na ibong Pah. Inangat ni Indarapatra ang pakpak ng ibon at nakita ang bangkay ni Sulayman. Nanangis si Indarapatra at nagdasal upang pabaliking muli ang buhay ni Sulayman. Sa di kalayua'y may nakita siyang banga ng tubig. Winisikan niya ng tubig ang bangkay at muling nabuhay si sulayman. Parang nagising lamang ito mula sa mahimbing na pagtulog. Nagyakap ang magkapatid dahil sa malaking katuwaan.

Pinauwi na ni Indarapatra si Sulayman. Nagtuloy pa si Indarapatra sa Bundok Gurayu. Dito'y wala ring natagpuang tao. Nakita niya ang kinatatakutang ibong may pitong ulo. Sa tulong ng kanyang engkantadong sibat na si juris pakal ay madali niyang napatay ang ibon.

Hinanap niya ang mga tao. May nakit siyang isang magandang dalaga na kumukuha ng tubig sa sapa. Mabilis naman itong nakapagtago. Isang matandang babae ang lumabas sa taguan at nakipag-usap kay Indarapatra. Ipinagsama ng matandang babae si Indarapatra sa yungib na pinagtataguan ng lahat ng tao sa pook na iyon. Ibinalita ni Indarapatra ang mga pakikilaban nilang dalawa ni Sulayman sa mga halimaw at dambuhalang ibon. sinabi rin niyang maaari na silang lumabas sa kanilang pinagtataguan. Sa laki ng pasasalamat ng buong tribu, ipinakasal kay Indarapatra ang anak ng hari, ang magandang babaeng nakita ni Indarapatra sa batisan.






Darangan (Epikong Maranao)

Mayroong isang hari sa isang malayong kaharian sa Mindanao ang may dalawang anak na lalaki. Ang nakatatanda ay si Prinsipe Madali at ang nakababata ay si Prinsipe Bantugan. Sa murang edad ay nagpakita si Prinsipe Bantugan ng magagandang katangian na higit sa kanyang nakatatandang kapatid na si Prinsipe Madali. Laging sinasabi ng kanilang guro sa kanilang ama na si Prinsipe Bantugan ay napakatalino. Mabilis siyang matuto, kahit sa paggamit ng espada at palaso. Taglay niya ang lakas na kayang makipaglaban sa tatlo o limang tao sa mano-manong labanan.

Ang unang tanda na siya ay magiging isang magaling na sundalo nang makita siya nang mapatay niyang mag-isa ang isang malaking buwaya na pumatay sa ilang taong bayan. Hindi makapaniwala ang mga taong bayan sa kanilang nakita pagkatapos ng pagtutuos.

Napakalakas niya! ang sabi ng isang matandang lalaki nang makita ang patay na buwaya.

Paano na kaya ang isang tao na ganito kabata na patayin ang buwaya? Sinasapian siguro siya ng mga diyos! sabi naman ng isa.

Halika, pasalamatan natin ang prinsipe sa pagpatay niya sa halimaw! sabi ng pinuno ng bayan.

Nang umabot na si Prinsipe Bantugan sa kanyang kabinataan, siya ay naging pinakamagaling na sundalo sa kaharian. Lagi niyang pinamumunuan ang mga sundalo sa labanan. At lagi silang nagwawagi laban sa mga kalabang kaharian. Ang kanyang pangalan ay naging bukambibig ng lahat ng mga sundalo ng mga kalapit na kaharian. Hindi nagtagal ay wala nang kaharian na nangahas kumalaban sa kanila. Kapayapaan at pag-unlad ang naghari sa kaharian dahil natamo nilang respeto at pagkilala ng mga kalapit kaharian.

Nang mamatay ang kanilang ama, ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Prinsipe Madali ang hinirang na bagong hari. Nagkaroon ng protesta sa mga nasa ranggo. Nais nila na si Prinsipe Bantugan ang maging bagong hari. Kahit ang mga ordinaryong mamamayan ay nagsasabi na si Prinsipe Bantugan ang mas karapat-dapat maging hari sa dalawang prinsipe.

Si Prinsipe Bantugan ay matapang at malakas kaya niya tayong protektahan laban sa mga kaaway! sabi ng isang matanda sa pamilihan.

Sang-ayon ako sa iyo, sagot ng matandang lalaki. Hindi ito pinansin ni Prinsipe Bantugan. Alam niya na ang kanyang kapatid ang karapatdapat na tagapagmana ng trono dahil si Prinsipe Madali ang panganay sa kanilang dalawa. Siya mismo ang nagpatunay sa kanyang kapatid.

Nararapat lamang na ang kapatid ko ang maging bagong hari dahil napag-aralan na niya kung paano magpatakbo ng gobyerno, sinabi niya sa kapwa niya sundalo at mga ministro sa kaharian. Alam niya kung paano ang pamamalakad sa ugnayang panlabas. At marami siyang magandang ideya upang mapaganda ang buhay ng bawat mamamayan!

Tumango na lamang ang mga ministro at mga kawal. Ngunit nagkaroon ng isang bitak sa pagitan ni Prinsipe Bantugan at Prinsipe Madali. Sapagkat si Prinsipe Bantugan ay hindi lamang matapang at malakas, siya rin ay napakakisig. Maraming magagandang babae sa kaharian ang nahuhumaling sa kanya. Kahit ang mga babaeng gusto ng kanyang kapatid na si Prinsipe Madali ay sumuko sa kanyang gayuma. Dahil sa galit at inggit, nagpahayag ang hari ng kautusan.

Hindi ko gusto na kahit sino, kahit sino, ang makikipag-usap sa aking kapatid na si Prinsipe Bantugan. Sino man ang makita na nakikipag-usap sa kanya ay ipapakulong o kaya ay parurusahan ng malubha.

Nalungkot si Prinsipe Bantugan sa iniutos ng kanyang kapatid. Nakita niya ang sarili na parang mayroong nakakahawang sakit. Lahat ay lumalayo sa kanya, kahit ang mga kababaihan. Kahit ang mga taong kanyang minahal. Walang gustong kumausap sa kanya sa takot na baka makulong maparusahan ng hari. Dahil hindi na niya matagalan ang mga ito, nagpasiya ang prinsipe na lisanin ang kaharian at manirahan sa malayong lugar kung saan siya nanirahan habambuhay.







Bidasari (Epikong Mindanao)

Ang epikong Bidasari ng Kamindanawan ay nababatay sa isang romansang Malay. Ayon sa kanilang paniniwala, upang tumagal ang buhay ng tao, ito'y pinaalagaan at iniingatan ng isang isda, hayop, halaman o ng punongkahoy.

Ang salaysay ng Bidasari ay ganito:

Ang kaharian ng Kembayat ay naliligalig dahil sa isang dambuhalang ibon. Ang ibong ito ay mapaminsala sa mga pananim at maging sa buhay ng tao. Ang ibong ito ay ang ibong garuda. Kapag dumarating na ang garuda, mabilis na nagtatakbuhan ang mga tao upang magtago sa mg yungib. Takot na takot sila sa ibong garuda pagka't ito'y kumkain ng tao.

Sa pagtatakbuhan ng mga tao, nagkahiwalay sa pagtakbo ang sultan at sultana ng Kembayat. Ang sultana ng Kembayat ay nagdadalantao noon. Sa laki ng takot ay naisilang niya ang sanggol na babae sa may tabi ng ilog. Dahil sa malaking takot at pagkalito naiwan niya ang sanggol sa bangka sa ilog.

May nakapulot naman ng sanggol. Siya ay si Diyuhara, isang mangangalakal mula sa kabilang kaharian. Kanyang pinagyaman at iniuwi sa bahay ang sanggol. Itinuring niya itong anak. Pinangalanan nila ang sanggol ng Bisari. Habang lumalaki si Bidasari ay lalo pang gumaganda. Maligaya si Bidasari sa piling ng kanyang nakikilalang magulang.

Sa kaharian ng Indrapura, ang sultang Mongindra ay dalawang taon pa lamang kasal kay Lila Sari. Mapanibughuin si Lila Sari. Natatakot siyang umibig pa sa ibang babae ang sultan. Kaya lagi niyang itinatanong sa sultan, kung siya'y mahal nito na sasagutin naman ng sultan ng : mahal na mahal ka sa akin. Hindi pa rin nasisiyahan ang magandang asawa ng sultan. Kaniyang itinanong na minsan sa sultan: Hindi mo kaya ako malimutan kung may makita kang higit na maganda kaysa akin? Ang naging tugon ng Sultan ay: Kung higit na maganda pa sa iyo, ngunit ikaw ang pinakamaganda sa lahat. Nag-alala ang sultana na baka may lalo pang maganda sa kanya at ito ay makita ng sultan. Kaya't karakarakang inutusan niya ang matapat niyang mga kabig na saliksikin anh kaharian upang malaman kung may babaeng higit na maganda sa sultana.

Nakita ng mga tauhan ni Lila Sari si Bidasari at siya ay higit na maganda kaysa kay Lila Sari.

Inanyayahan ng Sultana si Bidasari sa palasyo upang diumano ay gagawing dama ng sultana. Ngunit pagsapit doon, si Bidasari ay lihim na ikinulong ni Lila Sari sa isang silid at doon pinarurusahan.

Nang hindi na matiis ni Bidasari ang mga pagpaparusa sa kanya, sinabi niyang kunin ang isdang ginto sa halamanan ng kanyang ama. Kapag araw ito'y ipinakukuwintas kay Lila Sari at sa gabi'y ibinabalik sa tubig at hindi maglalaon si Bidasari ay mamamatay. Pumayag si Lila Sari. Kinuha niya ang isdang ginto at pinauwi na niya si Bidasari.

Isinuot nga ni Lila Sari ang kuwintas ng gintong isda sa araw at ibinabalik sa tubig kung gabi. Kaya't si Bidasari ay nakaburol kung araw at muling nabubuhay sa gabi. Nag-alala si Diyuhara na baka tuluyang patayin si Bidasari. Kaya nagpagawa siya ng isang magandang palasyo sa gubat at doon niya itinira nang mag-isa si Bidasari.

Isang araw, ang Sultan Mongindra ay nangaso sa gubat. Nakita niya ang isang magandang palasyo. Ito'y nakapinid. Pinilit niyang buksan ang pinto. Pinasok niya ang mga silid. Nakita niya ang isang napakagandang babae na natutulog. Ito ay si Bidasari. Hindi niya magising si Bidasari. Umuwi si Sultan Mongindra na hindi nakausap si Bidasari. Bumalik ang sultan kinabukasan. Naghintay siya hanggang gabi. Kinagabihan nabuhay si Bidasari. Nakausap siya ni Sultan Mongindra. Ipinagtapat si Bidasari ang mga ginawa ni Lila Sari. Galit na galit ang sultan. Iniwan niya si Lila Sari sa palasyo at agad niyang pinakasalan si Bidasari. Si Bidasari na ang naging reyna.

Samantala, pagkaraan ng maraming taon ang tunay na mga magulang ni Bidasari ay matahimik nang naninirahang muli sa Kembayat. Nagkaroon pa sila ng isang supling. Ito'y si Sinapati. Nang pumunta sa Kembayat ang isang anak ni Diyuhara ay nakita niya si Sinapati, anak ng sultan at sultana ng Kembayat.

Si Sinapati ay kamukhang-kamukha si Bidasari. Kinaibigan nito si Sinapati at ibinalita ang kapatid niyang si Bidasari sa kamukhang-kamukha ni Sinapati. Itinanong ni Sinipati sa mga magulang kung wala siyang kapatid na nawawalay sa kanila. Pinasama ng ama si Sinapati sa Indrapura. Nang magkita si Bidasari at si Sinapati ay kapwa sila nangilalas dahil sa silang dalawa ay magkamukhang-magkamukha. Natunton ng Sultan ng Kembayat ang nawawala niyang anak na si Bidasari. Nalaman ng sultan ng Indrapura na ang kanyang pinakasalang si Bidasari ay isa palang tunay na prinsesa.







Biag ni Lam-ang (Epikong Ilocano)

Sa lambak ng Nalbuan sa baybayin ng Ilog Naguilian sa La Union ay may mag-asawang kilala sa pangalang Don Juan at Namongan.

Nang malapit nang magsilang ng sanggol si Namongan, nilusob ng tribo ng Igorot ang nayon at pinatay ang maraming tauhan ni Don Juan. Sa laki ng galit, nilusob naman ni Don Juan ang mga Igorot upang ipaghiganti ang mga tauhan niya. Hindi na nakabalik si Don Juan sa kanyang nayon. Ang naging balita, siya ay pinugutan ng ulo ng mga Igorot.

Isinilang ni Namongan ang kanyang anak. Ang sanggol ay nagsalita agad at siya na ang pumili ng pangalang Lam-ang at siya na rin ang pumili ng kanyang magiging ninong.

Nang malaman ni Lam-ang ang masakit na nangyari sa kanyang ama, sumumpa siyang ipaghihiganti niya ito. Sa gulang na siyam na buwan pa lamang, ay malakas, matipuno at malaking lalaki na siya. Ayaw man siyang payagan ng kanyang ina upang hanapin ang bangkay ng kanyang ama, ay nagpilit din si Lam-ang na makaalis.

Kasama niya sa pagtungo sa lupain ng mga Igorot ay isang mahiwagang tandang, ang tangabaran, at mahiwagang aso. Baon rin niya ang kanyang talisman mula sa punong saging. Sa tulong ng kanyang talisman ay madali niyang nalakbay ang mga kabundukan at kaparangan. Sa laki ng pagod ni Lam-ang, siya ay nakatulog. Napangarap niya ang mga Igorot na pumatay sa kanyang ama na nagsisipagsayaw at nililigiran ang pugot na ulo ng kanyang ama. Nagpatuloy si Lam-ang sa paglalakbay at narating ang pook ng mga Igorot. Nakita niya ang ulo ni Don Juan na nasa sarukang, isang haliging kawayan.

Hinamon ni Lam-ang ang mga Igorot. Pinauwi ng mga Igorot si Lam-ang upang sabi nila'y huwag matulad sa ginawa nila kay Don Juan. Sumigaw ng ubos lakas si Lam-ang at nayanig ang mga kabundukan. Ang tinig niyang naghahamon ay narinig ng marami kaya't dumating ang maraming Igorot at pinaulanan si Lam-ang ng kanilang mga sibat. Hindi man lamang nasugatan si Lam-ang. Nang maubusan ng sibat ang mga Igorot ay si Lam-ang naman ang kumilos. Hinugot niya ang mahaba niyang itak at para lamang siyang tumatabas ng puno ng saging, na pinagpapatay niya ang mga nakalaban.

Umuwi si Lam-ang sa Nalbuan. Naligo siya sa Ilog Amburayan sa tulong ng mga dalaga ng tribu. Dahil sa dungis na nanggaling kay Lam-ang, namatay ang mga isda sa Ilog Amburayan at nagsiahon ang mga igat at alimasag sa pampang.

Matapos mamahinga ay gumayak na si Lam-ang sa pagtungo sa Kalanutian upang manligaw sa isang dilag na nagngangalang Ines Kannoyan. Kasama ni Lam-ang ang kanyang mahiwagang tandang at mahiwagang aso.

Sa daan patungo sa Kalanutian ay nakalaban niya ang higanteng si Sumarang. Pinahipan ni Lam-ang sa hangin si Sumarang at ito ay sinalipadpad sa ikapitong bundok.

Sa tahanan nina Ines ay maraming tao. Hindi napansin si Lam-ang. Tumahol ang mahiwagang aso ni Lam-ang. Nabuwal ang bahay. Tumilaok ang mahiwagang tandang. Muling tumayo ang bahay. Napansin si Lam-ang.

Ipinagtapat ng tandang at aso ang kanilang layunin. Nais pakasalan ni Lam-ang si Ines. Hindi naman tumutol ang mga magulang ni Ines kung magbibigay si Lam-ang ng panhik o bigay-kaya na kapantay ng kayamanan nina Ines.

Nagpadala si Lam-ang ng dalawang barkong puno ng ginto at nasiyahan ang mga magulang ni Ines.

Si Ines at si Lam-ang ay ikinasal nang marangya at maringal sa simbahan. Pagkatapos ng kasalan, bilang pagtupad sa kaugalian ng mga tao sa Kalanutian, kailangang manghuli si Lam-ang ng mga isdang rarang. Nakikinikinita ni Lam-ang na may mangyayari sa kanya. Na siya ay makakain ng pating berkahan. Ipinagbilin ni Lam-ang ang dapat gawin sakaling mangyayari ito.

Si Lam-ang ay sumisid na sa dagat. Nakain siya ng berkahan. Sinunod ni Ines ang bilin ni Lam-ang. Ipinasisid niya ang mga buto ni Lam-ang. Tinipon ito at tinakpan ng saya ni Ines. Inikut-ikutan ng mahiwagang tandang at mahiwagang aso. Tumilaok ang tandang at tumahol ang aso.

Walang anu-ano'y kumilos ang mga butong may takip na saya. Nagbangon si Lam-ang na parang bagong gising sa mahimbing na pagkakatulog.

Nagyakap si Lam-ang at si Ines. Kanilang niyakap din ang aso at tandang. At namuhay silang maligaya sa mahabang panahon.







Bantugan (Epikong Mindanao)

 Si Prinsipe Bantugan ay kapatid ni Haring Madali sa kaharian ng Bumbaran. Ang prinsipe ay balita sa tapang at kakisigan, kaya't maraming dalaga ang naaakit sa kanya. Dahil sa pangyayaring ito, si Haring Madali ay naiinggit sa kapatid. Nag-utos siya na ipinagbabawal na makipag-usap ang sinuman kay Prinsipe Bantugan. Ang sinumang mahuling makipag-usap sa prinsipe ay parurusahan. Nalungkot si Prinsipe Bantugan at siya'y naglagalag, siya'y nagkasakit at namatay sa pintuan ng palasyo ng Kaharian ng Lupaing nasa Pagitan ng Dalawang Dagat. Ang hari rito at ang kapatid niyang si Prinsesa Datimbang ay naguluhan. Hindi nila kilala si Bantugan. Tumawag sila ng pulong ng mga tagapayo. Habang sinasangguni nila ang konseho kung ano ang gagawin sa bankay, isang loro ang pumasok. Sinabi ng loro na ang bangkay ay si Prinsipe Bantugan na mula naman sa Bumbaran at ibinalita naman ang pangyayari kay Haring Madali.

Nalungkot si Haring Madali. Dali-dali siyang lumipad patungo sa langit upang bawiin ang kaluluwa ni Bantugan. Nang makabalik si Haring Madali, dala ang kaluluwa ni Bantugan, ay dumating din si Prinsesa Datimbang na dala naman ang bangkay ni Bantugan. Ibinalik ang kaluluwa sa katawan ni Bantugan. Nabuhay na muli si Bantugan at nagdiwang ang buong kaharian pati na si Haring Madali.

Samantala, nakarating naman ang balita kay Haring Miskoyaw na namatay si Bantugan, ang matapang na kapatid ni Haring Madali. Nilusob ng mga kawal niya ang Bumbaran. Itinigil ang pagdiriwang at nakilaban ang mga kawal ng Bumbaran. Nanlaban din si Prinsipe Bantugan subalit dahil sa siya ay nanglalata pa dahil sa bagong galing sa kamatayan, siya ay nabihag. Siya'y iginapos, subalit nang magbalik ang dati niyang lakas, nilagot ni Bantugan ang kanyang gapos at buong ngitngit niyang pinuksa ang mga kawal ni Haring Miskoyaw. Nailigtas ni Bantugan ang kaharian ng Bumbaran. Ipinagpatuloy ng kaharian ang pagdiriwang. Nawala na ang inggit sa puso ni Haring Madali. Dinalaw si Bantugan ang lahat ng mga prinsesang kanyang katipan. Pinakasalan niyang lahat ito at iniuwi sa Bumbaran na tinanggap naman ni Haring Madali nang malugod at buong galak. Namuhay si Bantugan ng maligaya ng mahabang panahon.






Alim (Epiko ng mga Ifugao)

Ang epikong Alim ng mga Ifugao ay nagsasalaysay ng isang panahong ang lupain ay saganang-sagana. Maging ang mga ilog at dagat ay sagana sa isda. Ang mga kagubatan ay maraming mga hayop na madaling hulihin. Walang suliranin ang mga tao tungkol sa pagkain. Pag ibig nilang kumain, wala silang gagawin kundi pumutol ng biyas na kawayan at naroroon na ang bigas na isasaing. Ang biyas ng kawayan ay siya ring pagsasaingan. Noon, ang daigdig ay patag na patag maliban sa dalawang bundok : ang Bundok ng Amuyaw at ang Bundok ng Kalawitan.

Dumating ang panahong hindi pumatak ang ulan. Natuyo ang mga ilog. Namatay ang mga tao. Humukay ang ilang natitirang tao ng ilog. Ang tubig ay bumalong. Natuwa ang mga tao at sila ay nagdiwang. Subalit bumuhos ang malakas na ulan, umapaw ang mga ilog. Tumaas nang tumaas ang tubig. Nagsipagtakbo ang mga tao sa dalawang bundok subalit inabot din sila ng baha. Nalunod na lahat ang mga tao maliban sa magkapatid na sina Bugan at Wigan.

Nang bumaba na ang baha, nagpaningas ng apoy si Bugan sa bundok ng Kalawitan. Nakita ito ni Wigan sa kanyang kinaroroonan sa bundok ng Amuyaw. Pumunta si Wigan kay Bugan. Nalaman nilang silang dalawa lamang magkapatid ang natirang tao sa daigdig. Nagtayo ng bahay si Wigan na tinirahan nila ni Bugan. Pagkaraan ng ilang panahon, si Bugan ay nagdalantao. Dahil sa malaking kahihiyan tinangka ni Bugan na magpakamatay.

Pinigil siya ng isang matanda. Ito'y bathala ng mga Ifugao, si Makanungan. Ikinasal ni Makanungan si Wigan at si Bugan. Nagkaroon sila ng siyam na anak, limang lalaki at apat na babae. Nang dumating sila sa hustong gulang, ang apat na lalaki ay ikinasal sa apat na babae. Ang bunsong lalaki na si Igon ang natirang walang asawa. Namuhay silang masagana.

Paglipas ng ilang panahon, nakaranas sila ng tagtuyot. Wala silang ani. Naalala ni Wigan at ni Bugan si Makanungan. Sila'y nanawagan dito at hinandugan nila ng alay na daga. Patuloy pa rin ang tagtuyot. Naisipan nilang si Igon ang patayin at siyang ihandog sa Bathala. Natapos ang pagsasalat at tuyot.

Subalit nagalit si Makanungan sa ginawa nilang pagpatay at paghahandog ng buhay ni Igon. Isinumpa niya ang mga anak nina Wigan at Bugan. Sinabi niyang maghihiwa-hiwalay ang magkakapatid - sa timog, sa hilaga, sa kanluran, sa silangan. Kapag sila'y nagkita-kita, sila'y mag-aaway at magpapatayan. Kaya't ang mga tribong ito ng mga tao sa kabundukan, magpahangga ngayon ay naglalaban at nagpapatayan.






Agyu (Epikong Manobo)

Ang pinanggagalingan ng kabuhayan ng mga Ilianon ay pangongolekta ng sera. Ipinapalit nila ang sera sa mga Moro, sa kanilang mga pangunahing pangangailangan tulad ng palay, asin at asukal. Nagkaroon ng di pagkakaunawaan si Agyu at ang datu ng mga Moro dahil sa pagkakautang nila ng isang daang tambak ng sera. Upang maiwasan ang madugong labanan, si Agyu at ang kaniyang pamilya ay umalis sa Ayuman at pumunta ng Ilian. Ngunit hindi hahayaan ng mga Moro na mamuhay sila ng payapa. Sinundan nila ang mga ito upang patayin siya at ang kanyang pamilya. Lumaban si Agyu at ang kanyang pamilya ng buong tapang at lumabas na panalo sa laban sa mga Moro. Pagkatapos ng tagumpay ay naisip ni Agyu na lisanin ang Ilian at pumunta ng Bundok ng Pinamatun. Doon ay nagtayo sila ng mga bahay sa paanan ng bundok.

Isang araw ay pumunta si Agyu sa bundok ng Sandawa upang manghuli ng baboy ramo. Umuwi siya na dala ang kanyang huli habang ang kanyang kapatid na lalaki na si Lono at mga kapatid na babaing sina Yambungan at Ikwagan ay nakahanap ng pulot pukyutan. Hinati nila ang baboy ramo at pulot pukyutan sa kanila at sa kanilang mga alipin.
Bakit ayaw mong kumuha ng karne at pulot para sa iyo, at sa iyong asawa sa Ayuman, Banlak? tanong ni Agyu sa kanyang kapatid na lalaki. Ang asawa ni Banlak na si Mungan ay naiwan sa Ayuman sapagkat nagkaroon ito ng ketong.

Hindi pumayag si Banlak sa ideya. Nagboluntaryo na lamang si Lona na pumunta sa Ayuman dala ang karne at pulot para kay Mungan. Nang makarinig siya ng malakas na boses na nagsasabl kay Mungan na tanggapin na ang imortalidad sa pamamagitan ng pagkain ng mga diyos.

Nang bumalik si Lono sa Panamutan, sinabi niya kay Agyu at Banlak kung ano ang narinig. Nais ni Banlak na makita si Mungan ngunit pinigilan sila ni Agyu. Bagkus ay binagtas ni Agyu ang daan pababa ng Ayuman upang makita si Mungan ngunit huli na ang lahat. Pumunta na si Mungan sa langit. Ang natira lamang ay isang gintong bahay. At nang bumalik siya sa Pinamutan, iniwan nilang muli ang lugar at nagpunta sa Tigyangdang. Ngunit hindi nila nakita ang kapayapaan sa Tigyangdang. Napakaraming kaaway ang nagpapaalis sa kanila sa Tigyangdang. At kahit anong gawin nila ay hindi nila matalo ang kalaban.

Nang' dumating ang pang-apat na araw ng pakikipaglaban ay lumapit ang kanyang batang anak na si Tanagyaw.

Payagan mo akong 1umaban, ama, sabi niya.

Ngunit napakabata mo pa, anak, sinabi niya rito.

Marahil nga ay bata ako ngunit ako ay matalino, ama, pilit ni Tanagyaw.

Humayo ka at nawa ay tulungan. ka ng mga diyos. Ingatan mo ang sarili mo!

At umalis na si Tanagyaw upang pumunta sa labanan. At natalo niya ang mga kalaban.

Nais ng pinuno ng mga kalaban na makasal si Tanagyaw sa anak nitong babae na si Buy-anon ngunit tumanggi ito dahil napakabata pa nila. Umabot si Tanagyaw sa bayan ng Baklayon at iniligtas ang bayan laban sa mga kaaway. Pinatay niya si Bagili, ang anak ng pinuno ng mga kaaway ng Baklayon. Nais ng datu ng Baklayon na ipakasal ang kanyang anak na si Paniguan kay Tanagyaw ngunit hindi pa ito handa na mag-asawa. At nang bumalik si Tanagyaw sa Tigyangdang ay nagpunta si Paniguan sa Tigyangdang, nagtungo si Paniguan sa kanya. Sinabi nito kay Agyu na nais nitong pakasalan si Tanagyaw. Sumang-ayon-si Agyu at ikinasal sina Tanagyaw at Paniguan.

Sa kabilang dako, hindi tumigil ang pag-atake sa sambahayan ni Agyu. Paminsan-minsan ay mayroong mga kaaway na umaatake sa mga pamayanan at pinapatay ang mga tao at mga hayop ni Agyu. Ngunit matanda na upang lumaban si Agyu. Upang kalabanin ang mga kaaway, nagsuot si Tanagyaw ng baluti na kasing tigas ng metal na sa lakas ay hindi maigalaw ng hangin. Pagkatapos ay kinalaban niya ang mga kaaway at lumabas na panalo. Ngunit hindi pa handang sumuko ang mga kalaban. Sinugod ng anak ng datu si Tanagyaw gamit ang ginintuang espada. Ginamit ni Tanagyaw ang gintong tungkod at nagawang patayin ang anak ng datu at ang kanyang mga kasama at tumakas sa bundok dahil sa takot.

Napanuto na si Agyu. Nalalaman niya na maghahari na ang kapayapaan sa kanilang kaharian. Ngayon ay tatamasain na nila ang magandang buhay na mailap sa kanila noong una. Ang ani ay masagana at ang mga hayop ay dumarami na sa bilang. Isang araw tinawag niya ang anak na si Tanagyaw.

Ibinibigay ko na sa iyo ang Sunglawon. Ipagtatanggol mo ito at pamahalaan ito ng may hustisya at pagpapahalaga sa mga tao.

Tutuparin ko po ito sa tulong ng mga diyos, ama sagot ni Tanagyaw.


Sa sumunod na umaga, sina Tanagyaw at Paniguan kasama ang kanilang mga alipin ay nagsimulang maglakbay patungo sa Sunglawon. Handa na sila upang magsimula ng isang pamilya.

7 comments: