Ano ang Parabula?
Ang talinghaga,
talinhaga, o parabula ay isang maikling kuwentong may aral na kalimitang
hinahango mula sa Bibliya. Ang parabula ay nanggaling sa English word na
parable na nanggaling naman sa Greek word na parabole na ang ibig sabihin ay
maiksing sanaysay tungkol sa buhay na maaring mangyari o nangyayari na kung
saan nagtuturo tungkol sa ispiritwal o kagandahang asal na magiging gabay ng
isang taong nahaharap sa pangangailangang mamili o magdesisyon.
Isa itong maikling salaysay na maaaring nasa anyong patula o
prosa na malimit nangangaral o nagpapayo hinggil sa isang pangyayari, na
kadalasang isinasalarawan ang isang moral o relihiyosong aral. Taliwas sa
pabula, ang parabula ay walang inilalahok na tauhang hayop, halaman, bagay, at
puwersa sa kalikasan na pawang kumikilos at nagsasalita gaya ng tao. Isang
katangian nito ang pagiging isang kuwentong naglalahad o nagpapakita ng kung
paanong katulad ng isang bagay ang iba pang bagay. Karamihan sa mga talinghagang
nasa Bibliya ay mga kuwentong sinabi ni Hesus, na nagtuturo ng kung ano ang
katangian ng Kaharian ng Diyos.
Mga Halimbawa ng
Parabula
Ang Aso at ang Ibon
Isang araw, ang aso ay nakahuli ng isang ibon. Samantalang
pinagpapasasaan niya iyon, isang munting buto ang nahalang sa kanyang
lalamunan, Hindi niya maalis ang bikig na napakasakit. Sa matinding paghihirap
ay napahalinghing nang ubod- lakas.
Tumakbo siya kung saan-saan upang humanap ng makapa-aalis ng
kanyang bikig. Parang namamakaawang ipinangangako niya sa kaninumang mahilingan
ng tulong na ibibigay niya ang anumang mayroon siya sa makapag aalis ng kaniyang
bikig at tinik sa kanyang lalamunan.
Tumihaya na ang aso at ibinuka ang kanyang bunganga.
Ipinasok naman ng pusa ang kanyang ulo hanggang leeg upang alisin ang bikig.
Pagkabunot ng bikig, ang pusa ay nagsalita, "Akin na ang aking
gantimpala." Umuungol ang aso. Inilabas ang matatalim na pangil.
"Magpasalamat ka, at naipasok mo ang iyong ulos sa aking bunganga at
nailabas mo pa rin nang hindi napahamak", wika ng aso na waring
nanunumbat.
Ang Pulubi
Minsan may dalawang pulubi na nasa lansangan na namamalimos
ng barya sa mga nagdaraan. Isang gabi, sila'y ginising mula sa pagkakahimbing
ng isang nakasisilaw na liwanag. At mula sa liwanag na iyon ay may namataan
silang isang pambihirang nilalang.
Maganda ang damit at gawa sa mamahaling bato ang kasuotan nito.
Natuwa ang dalawang pulubi. "Ito na marahil ang hari ang mga hari,"
ang sabi ng isa. "Tama! Pagkakalooban niya tayo ng kayamanan, at hindi na
uli tayo kailangan pang mamalimos!"
Lumapit nga sa kanila ang hari at sila'y kinausap. "Ano
ang maaari ninyong ihandog sa akin?" ang tanong nito. Nagtaka and isang
pulubi. Bakit sila pa ang magbibigay? Ang naisaloob niya.
Samantalang ang ikalawang pulubi ay nagmamadaling nagbukas
ng kanyang sako at kumuha ng pinakamalaking piraso ng tinapay na mayroon siya.
"Anong gagawin mo?" ang tanong ng naunang pulubi dito. "Iaalay
ko sa kanya ang pinakamalaki kong tinapay." "Nababaliw ka na ba? At
papaano ka?" "Karapat-dapat lamang ipagkaloob sa hari ang nararapat
para sa kanya at ito ang aking gagawin!"
Inalay nga ng pulubing yaon ang malaking piraso ng tinapay.
"Ito lang po ang aking maipagkakaloob," ang sabi pa nito sa
hari." Ngunit ito na po ang pinakamalaking bagay sa buhay ko. Nawa'y
tanggapin ninyo." Tinanggap ng hari ang tinapay na alay ng pulubi.
Nang balingan nito ang isa pang pulubi ay nakita nitong
nagkukumahog ng naghahagilap ang pulubing iyon sa paghahanap ng maipagkakaloob.
Sa wakas, nakakita rin ito ng pinakamaliit na butil ng mais. Inalay nito sa
hari ang naturang butil ng mais. "Heto lang ang maaari kong ipagkaloob sa
inyo," ang sabi pa nito. Iyon lang at tinanggap iyon ng hari. At bigla
ngang naglaho ang liwanag at nawala na rin ang hari. Maya-maya'y may napansin
ang isang pulubi sa buhat-buhat niyang sako. Animo bumigat iyon. Nang buksan
niya iyon, laking gulat niya sa nakita! Sa loob ng sako ay may nakalagay na
ginto! Isang malaking piraso ng ginto na 'sing laki ng tinapay na ipinagkaloob
niya sa hari! Napalunok ang isa pang pulubi nang makita iyon. Nang bisitahin
din niya ang kanyang sako, hindi siya nagulat nang makita niyang nakalagay na
ginto doon. Gintong 'sing liit ng isang butil ng mais na ipinagkaloob niya.
MENSAHE:
Kung ano ang itinanim, siyang aanihin. Kung ano ang
ipinagkaloob natin sa Diyos ay siya rin nating tatanggapin.
Ang Kambing at ang
Magsasaka
Isang araw ay nahulog ang kambing sa balon. Umatungal ito ng
umatungal na nakapagpataranta sa magsasakang may-ari ng kambing.
Wala siyang malamang gawin para maiakyat niya ito mula sa
malalim na balon. Kaya minabuti niyang tabunan na lang ng lupa ang balon kasama
ang kambing. Tutal matanda na ang kambing at ang balon naman ay wala ng tubig
na makukuha.
Kaya humingi siya ng tulong sa mga kapitbahay upang
matabunan kaagad ang balon para matigil na ang pa-atungal ng kambing.
Lalong umatungal ang kambing nang maunawaan niya ang gustong
gawin ng magsasaka. Ibabaon siya ng buhay.
Ilang sandali lang ay tumahimik na ang kambing. Dumukwang
ang magsasaka kung bakit wala ng ingay na nanggagaling sa balon. Nakita niya
ang kambing na nakatayo sa lupang kanilang itinatabon. Tuwing may itinatapon na
lupa ay niluluksuhan ng kambing para makarating siya sa itaas. Hanggang nang
mapupuno na ang balon, ay tumalon ang kambing sa itaas na ikinagulat ng mga
tao.
Para rin yang mga taong nagtatapon sa inyo ng dumi. Kagaya
ng kambing ay tinatapakan lang niya at pinapalis ang dumi hanggang sa siya ay
makarating sa itaas.
Ang Gutom Na Aso
Mayroong isang malupit na mapang-alipin na hari kaya ang
diyos na si Indra ay nagbalatkayong isang mangangaso.
Kasama niya ang Demonyong si Matali na nag-anyong
napakalaking aso, sila ay bumaba sa lupa. Pagpasok nila sa palasyo ay umatungal
nang napakalungkot kung kaya ang mga gusali ay nayanig ang kailaliman nito. Ang
malupit na hari ay nag-utos na dalhin ang mangangaso sa kaniyang harapan at
tinanong ang dahilan ng pag-aalulong ng aso.
Sabi ng mangangaso, "Ang aso ay gutom ". Kaya
dali-daling nag-utos ang hari na kumuha ng pagkain. Pagkatapos ubusin ang
hinandang pagkain, umalulong ulit ang aso. Nag-utos ulit na magdala ng pagkain
ang hari para sa aso hanggang maubos ang kanilang inimbak na pagkain, hindi pa
rin huminto ang aso sa kaaalulong. Naging desperado ang hari. Siya ay
nagtanong, "Walang makakabusog sa asong iyan?" "Wala",
sagot ng mangangaso. "Maliban siguro kung ipapakain ang balat ng kaniyang
mga kaaway. "At sino ang mga kaaway niya ?" urirat ng hari.
Sumagot ang mangangaso: Ang aso ay [atuloy na aalulong
hanggang may naguguton na tao sa kaharian at ang kaniyang mga kaaway ay ang mga
malulupit na umaapi sa mahihirap.
Ang hari na tinutukoy ng Mangangaso ay naalala ang kaniyang
masasamang gawi at siya ay nagtika at sa unang pagkakataon ay nakinig siya sa
pangaral ng kabutihan.
Ang Parabula ng
Asarol
Isang magsasaka ang nag-araro ng kaniyang bukid araw-araw
nang mga nagdaang taon. Mahirap na trabaho pero sagana naman siya. Isang araw
ay tinanong niya ang sarili niya bakit nagpapakahirap siya.
May isang monghe na kumatok sa bahay niya at humihingi ng
limos. Naisip niya na maganda ang buhay ng monghe, walang masyadong
responsibilidad.
Kaya, nagpasya siyang iwanan ang kaniyang mga ari-arian at
magmonghe rin.
Pagkataos niyang umalis sa bahay, naramdaman niyang walang
kalaman-laman ang kaniyang mga kamay. Nahirati kasi siyang laging hawak ang
asarol sa araw-araw at ngayon ay para siyang nanibago.
Bumalik siya sa kaniyang bahay, kinuha niya ang asarol at
nag-isip siya kung ano ang gagawin niya doon. Nanghihinayang siyang itapon yon
dahil yon ay matalim at makintab dahil sa dalas nang gamit niya.
Binalot niya ito at itinago sa loob ng bahay. Pagkatapos ay
umalis ulit siya.
Ang magsasaka ay nagpumilit matupad ang mga kinakailangan
para maging mabuting monghe. Pero, hindi niya mapigilan ang pagbabalik-alala sa
kaniyang asarol tuwing mapapadaan sila sa isang taniman. Umuuwi siya at
hinihimas ang asarol pagkatapos ay balik ulit siya sa templo.
Dumaan ang pito hanggang walong taon, naramdaman niyang tila
hindi siya masaya ay malayang monghe pagkataos niyang magpakabanal. Mayroong
sagabal at iyon ang nagpapabigat sa kaniyang kalooban. Umuwi siya sa bahay,
kinuha niya ang asarol at itinapon niya sa lawa.
Pagkatapos lumubog ang asarol. tuwang-tuwang nagsisigaw ang
magsasaka nang,
"Nanalo ako, Nagwagi ako.
Nang oras na yon ay dumaraan ang hari ang batalyon nito mula
sa matagumpay na pakikidigma. Narinig niya ang monghe at tinanong, "Ano
ang iyong napanalunan? Bakit ka napakasaya?"
"Natalo ko ang masasamang damdamin na nasa aking puso.
Pinalaya ko na ang aking sarili sa mga materyal na bagay na siyang nagpapabigat
sa aking nais na maging isang nilalang.
Namasdan ng hari na masaya talaga ang monghe dahil sa siya
ay malaya na sa mga pagnanasa sa mga bagay na materyal.
Nag-isip din siya."Nanalo nga ako pero ako ba ay
masaya? Kinamkam ko ang mga lupang hindi sa akin. Hindi ito ang tunay na
tagumpay.
Napag-isip din ng hari na ang tunay na matagumpay ang
karaniwang tao na napalaya ang sarili sa pag-iimbot ng mga bagay na
makakapagpaligayang pang materyal ay ang tunay na nagwagi.
Ang Pariseo at
Kolektor ng Buwis
Siya'y nagwika ng parabula sa mga taong naniniwala na sila
ay nasa katwiran at gumagawa ng tama kaya kanilang kinamumuhian ang iba na
inaakala nilang makasalanan.
"Dalawang lalaki ang pumunta sa templo upang magdasal;
ang isa ay Pariseo at ang isa ay kolektor ng buwis.
Ang Pariseo ay tumayo at nagdasal ng ganito:
Panginoon, nagpapasalamant ako at hindi ako katulad ng ibang
tao na mga makasalanan,
mapagkurakot, mga mapang-apid sa hindi nila asawa o kaya
katulang ng kolektor ng buwis na narito. Ako ay nag-aayuno dalawang beses,
isang Linggo at nagbibigay bahagi sa bawa't aking kinita."
Ang kolektor ng buwis na nakatayo sa hindi kalayuan ay hindi
man lang nagtaas ng kaniyang mata sa langit nguni't kaniyang tinapik ang
kaniyang dibdib at nagwikang
Panginoon, kaawaan mo ako, isang makasalanan.
Ang sinasabi ko sa inyo, itong taong humingi ng awa ay
tumanggap ng awa kaysa sa doon sa taong itinaas ang sarili niya sa mata ng
Diyos. Ang mapagmalaki ay ginagawang aba at ang nagpapakababa ay siyang
pinupuri.
(Luke 18:9-14)
Ang Nawala at
Natagpuang Anak
May isang mayaman na may dalawang anak na lalaki. Ang
pinakabata ay lumapit sa ama at hiningi ang kanyang mana.
Kaya ang ginawa ng matanda ay hinati niya ang kaniyang
kayamanan sa dalawa. Ilang araw ang nakalipas, umalis ang bunsong anak at
nangibang bayan. Inubos niya ang lahat ng ibinigay sa kaniya ng ama.
Nagkaroon ng matinding taggutom sa bansang iyon kaya
napilitan siyang mamasukan sa isang mamamayan na nagpadala sa kaniya sa bukid
bilang tagapagpakain ng baboy.
Habang nagtitiis siyang kumain ng kaning baboy dahil wala
namang ibinibigay sa kanyang pagkain, naalala niya ang kaniyang ama at ang mga
katulong nito sa kanilang sariling pataniman.
Naisip niyang bakit siya magtitiis na mamatay sa gutom
habang ang mga katulong ng kaniyang ama ay sagana sa pagkain.
Minabuti niyang umuwi at humingi ng patawad at handa siyang
magtrabaho kahit na bilang katulong lang. Malayo pa lang siya ay natanaw na
siya ng kaniyang ama na tumakbo at siya ay niyakap at hinalikan.
Tinawag nito ang kaniyang mga katulong at inutusang bihisan
ang kaniyang anak ng magarang kasuotan, bigyan ng sapatos at singsing sa
kaniyang daliri. Iniutos din niya ang magpatay ng baka upang ipadiwang ang
pagbalik ng kaniyang anak.
Ang panganay niyang anak na nasa pataniman ay narinig ang
musika at ang pagsasaya habang siya ay papalapit sa bahay. Tinanong niya ang
isa sa mga utusan kung ano ang kasayahang yaon. Nalaman niya na nadiriwang ang
kaniyang ama sa pagbalik ng kaniyang anak.
Nagalit ang panganay na anak at ayaw niyang pumasok para
sumali sa pagdiriwang.
Sinumbatan niya ang kaniyang ama tungkol sa kaniyang
pagsisilbi dito na parang alipin subalit ni minsan ay hindi siya binigyan ng
kahit maliit na kambing para magsaya kasama ang kaniyang mga kaibigan. Pero
nang dumating ang kaniyang kapatid na nilustay ang kaniyang mana sa mga
masasamang babae, ito ay binigyan pa ng pagsalubong.
Sinagot siya ng kaniyang ama na siya ay naroong kasama niya
at lahat ng kasaganaang tinatamasa niya ay kasama siya samantalang ang kapatid
niya ay nawala at bumalik. Tila siya namatay na nabuhay ulit.
(Luke 15:11-32)
Ang Parabula ng Ama,
Anak at Kalabaw
Isang mapagmahal na pamilya ang nakatira sa isang bundok.
Ang ama’y magsasaka samantalang mabuting may-bahay ang ina. Isang lalake ang
anak ng mag-irog na naninirahan sa bundok. Pitong na taon na ngayon ang
kanilang anak.
Nang minsang bumaba sa bukid ang ama ay isinama niya ang
kanyang anak upang makatulong kahit papaano at nang malibang na rin. Dala rin
nila ang kalabaw na siyang mag-aararo sa lupang tatamnan. May kalayuan ang
pinag-aanihang bukid ng ama. Kinakailangang dumaan ng apat na baryo bago
marating ang bukid.
Masayang-masaya ang batang lalake habang tinutulungan ang
kanyang ama sa pagtatrabaho sa bukid. Nanghuhuli rin siya ng maliliit na
langgam at ng luntiang tipaklong sa pagkakataong nag-aararo ang ama. Maligaya
naman ang ama habang pinagmamasdan ang kanyang anak.
Magdidilim na at pagod na ang ama. Tumigil na rin ang
kalabaw sa paggawa dahil sampung kwadro na ang binungkal nito. Kaya naisipan na
ng ama na umuwi at niyaya na nga ang anak.
Habang sila’y naglalakad patungo sa bundok na kanilang
tinitirhan ay napadaan sila sa isang baryo. Hapung-hapo ang ama kaya naisip ng
anak na ang ama na lang ang ipasakay sa kalabaw sa halip na siya. Hawak ng bata
ang lubid na nakatali sa kalabaw na kinasasakyan ng ama. Napansin nilang
nag-uusap ang ilang ale sa isang banda ng baryo. Narinig na lamang nila: “Hay
naku, anong klase ama ‘yan? Kabata-bata ng anak inaalila nang ganyan. At siya,
komportableng nakasakay sa kalabaw.”
Napahiya ang ama sa kanyang narinig. Kaya bago tumawid sa
sunod na baryo ay bumaba na ito at ibinuhat ang anak pasakay sa kalabaw.
Hapung-hapo sa paglalakad ang ama habang hawak ang lubid ng kalabaw. Ngunit
nakarinig na naman sila ng mga komento mula sa mga tagabaryo. “Ano ba naman
iyang batang ‘yan? Nakita na ngang pagud na pagod ang ama sa pag-aaro nang
buong araw sa bukid hinayaan pa ang ama na maglakad. Napakawalang utang na loob
sa amang kumakayod para sa pamilya.” Kaya bago tumungo sa ikatlong baryo ay
ibinaba ng ama ang anak.
Magkahawak kamay ang mag-ama habang naglalakad kasama ang
kalabaw. Nang maabot ang ikatlong baryo, nanghina ang mag-ama sa narinig mula
sa isang tagaroon: “Katangahan naman ang ibinigay sa mag-amang ito. Ang layo ng
bukid na pinanggalin. Pagod pa sa paggawa roon. Naglakad. Hindi man lamang
naisip sakyan ang kalabaw. Ano pa ang silbi nito? Tsik...tsik...” Sumakay sa
kalabaw ang dalawa. Sakay sila ng kalabaw hanggang maabot ang ikaapat at
panghuling baryo.
“Kawawa naman ang kalabaw. Maghapong nag-araro sa bukid,
napapagod din ‘yan. Siguro kung nakapagsasalita lamang ang kalabaw na iyan
siguradong magrereklamo na ‘yan. Itong mag-ama, napakalupit! Wala man lang
konsiderasyon sa kalagayan ng hayop. Kahit hayop, napapagod at may pakiramdam
din.” Narinig na lamang nilang sabi ng isang lalake habang lumalagok ng tuba sa
tindahang nadaanan.
Nang makarating ng bahay, hindi maintidihan ng babae sa
itsura ng kanyang mag-ama.
Salamat talaga...Malaking tulong po ito sa assignment ko...
ReplyDeleteBig help to my Home Work! Kamsa Hamnida! :)
ReplyDeleteIt was a big help to me☺thank you😉
ReplyDeleteIt was a big help to me☺thank you😉
ReplyDeletenapakalaking tulong po ito sa mga mag-aaral.maraming salamat po sa info.
ReplyDelete