Tuesday, June 25, 2013

Mga Halimbawa ng Pabula

Ano ang Pabula?
Ang pabula (fable sa English) ay isang uri ng kathang-isip na panitikan kung saan ang mga hayop o kaya mga bagay na walang-buhay ang gumaganap na mga tauhan, katulad ng leon at daga, pagong at matsing, at lobo at kambing. May natatanging kaisipang mahahango mula sa mga pabula, sapagkat nagbibigay ng mga moral na aral para sa mga batang mambabasa. Tinatawag din itong kathang kuwentong nagbibigay-aral.


 Mga Halimbawa ng Pabula 

1. Bakit Dala-Dala ni Pagong ang Kanyang Bahay
Noong mga unang araw ay sinusugong paminsan-minsan ng bathalang maykapal si Barangaw magmula sa alapaap upang tingnan kung maligaya ang ating mga ninuno.  Kung minsan si Barangaw ay nag-aanyong bahaghari upang pahintuin ang unos na maaaring makasira sa mga pananim.  Kung minsan ay nag-aanyong isang sultan, naglalagay ng putong, nagdadamit ng kundiman at palakad-lakad sa loob at labas ng balangay.  Isang baston o tungkod na nilalik na kamagong ang kanyang dala-dala tanda ng kapangyarihan.  Ito ang pinaparusa niya sa mga malulupit at mga masasama, at ito rin ang ginagamit niya sa paggawad ng gantimpala sa mabubuti.
Isang araw noong panahon ni Lakan Lumatay ay inutusan nga ni Bathala si Barangaw na mamasyal sa Malanday upang malaman ang mga daing ng mga aliping namamahay at aliping sagigilid.  Samantalang naglalakad si Barangaw, nakaalinig siya ng abot-abot na lagapak ng hagupit na kasabay ang malungkot na daing.  Bakit kaya? ang tanong ni Barangaw sa kanyang sarili walang kakilakilatis siyang nasok sa silid na pinanggagalingan ng daing ng taong hinahagupit ng lanubo ng bayabas.  Kitang-kita niyang namimilipit sa sakit ang taong hinahagupit na sa kahit saan tamaan! Kaawa-awang alipin! ang malungkot niyang nasabi.
Walang nakakita kay Barangaw sapagkat ang tagaputong niya ay maysa tagabulag, ngunit kitang-kita niya ang lahat.  Naroon si Lakan Lumatay at nakapamewang, pinag-abot-sikong nakabalita ang alipin at pinapalo ng walang patumangga ni Magbitag na siyang tagapagparusa ni Lakan.
Saan mo itinago ang iyong anak na dalaga? Ang tanong ni Magbitag, sandaling tinigilan ng palo ang alipin ito’y hubad baro, at ang katawan ay halos putok-putok sa sa kapapalo.
Hala, magsabi ka ng totoo.  Pag hindi’y mauutas ka.  Dapat mong ipagpasalamat na Lakan pa at puno natin ay may ibig sa anak mo.  Ano, magsasabi ka o hindi?
Hindi umimik si Barangaw.  Nakinig siya upang malaman ang puno’t dulo ng paghahagupit na yaon.  Hinintay na sumagot ang alipin, ngunit ito’y walang imik Matigas ang ulo, Hala lantakan mo uli! ang makapangyarihang utos ni Lakan Lumatay.  Pagkamatay ay itapon na ninyo sa ilog at ng lamunin ng buwaya.
Pagkaunat-unat ng Magbitag ng kanyang bisig upang hagupitin na naman ang aliping halos wala ng malay-tao.  Datapwa’t ng sasayad na sa katawan ang lanubo ang tagapagparusa ay biglang sinangga ng tungkod na kamagong ni Barangaw.  Nahulog sa lupa ang lanubo at nanginig ang buong katawan ng mabalasik na si Magbitag.
Si Barangaw ay galit na galit sa nakita niayang kalupitan ng punong dapat sanang magpasunod sa kahabag-habag na alipin.
Lakan Lumatay! Ikaw ba ang nag-utos na hagupitin ang aliping ito? ang tanong ni Barangaw.
Hulihin ang pangahas! ang mabangis na utos ni Lakan Lumatay sa kanyang mga kampon.  Paluhurin sa monggo at timbain sa tubig.

Sayang, sa gulogod mo sana naubos ang lanubo ko.  Kung hindi lamang sa utos ng puno ko, masasarapan ka!  Mata mo lang ang walang latay! At inakmang hagupitin si Barangaw.
Ngunit pinigil ni Barangaw ang lanubo, hinarap si Magbitag at ang wika: Malupit kang walang kaparam wala kang awa sa kapwa.  Ngayon din ay magsisi ka ng iyong mga kasalanan.
Dadaluhong sana si Magbitag ngunit ang mga paa nito ay parang natilos sa kinatatayuan at nawalan ng lakas.
Kaya si Lakan Lumatay naman ang nagtangkang humagupit kay Barangaw, ngunit ito’y nawalan din ng lakas.
Ah, malulupit, magagara ang inyong damit, maiinam ang inyong bihis ngunit wala kayong bait.  Binigyan pa naman kayo ng Lumikha ng puso’t diwa, ang bagay sa inyo ay ito! at anyong hahatawin ang kanyang tungkod.
Ngunit ang alipin ay natauhan noon at napasigaw.  Poon ko po patawarin mo po ang aking puno.  Ang akin pong anak ay itinatago ko nga!
Hindi itinuloy ang paghataw ni Barangaw.
Bakit mo itinago ang iyong anak? ang tanong sa alipin.
Ayaw ko ng anak ko na mahulog sa kamay ni Lakan.  May tunay po siyang iniibig: si Malaya, ayoko po namang piliting ibigin ng anak ko ang Lakan.  Ako po ang may sala.  Patawarin mo na po ang aking puno.
Mabuti kang kampon, aliping tapat hanggang wakas.  Bakit ang kalupitan ay sinusuklian mo ng katapatan? Dahil sa iyong hiling ay hindi ko papatayin ang iyong puno at ang humagupit sa iyo.  Subalit sila’y hindi makatao, kaya’t sila’y dapat parusahan.  Buhat ngayo’y mag-uusad silang tulad ng ibang hayop; ngunit ng sila’y may masilungan, dadalhin nila ang kanilang bahay.
Sinaling ang tungkod niya kay Lakan at si Magbitag, at ang wika sa mga ito: Mula ngayon ay dadalhin ninyo ang inyong bahay at kayo’y uusad upang huwag ng pamarisan.



2. Ang Aso at ang Uwak

May ibong uwak na nakakita ng karne na nakabilad sa araw.

Tinangay niya ito at lumipad nang malayo.

Sa dulo ng sanga ng isang puno, sinimulan niyang kainin ang karne.

Ngunit narinig niya ang malakas na boses ng isang aso na nagsabi:
"Sa lahat ng ibon, ang uwak ang pinaka-magaling. Walang kakumpara!"

Natuwa ang uwak at binukas ang bibig para humalakhak. Ang nangyari ay nalaglag ang karne mula sa kanyang bibig. Nahulog ito sa lupa kung saan kaagad sinunggaban ng aso. Ngayon alam na natin na ang papuri ay maaaring uri ng panloloko rin.

Aral:
Isang papuri minsan ay isang paglilinlang.



3. Bakit Laging Nag-Aaway ang Aso, Pusa At Daga
Noong unang panahon, ang mga hayop ay nakapagsasalita at nagkakaintindihan. Sila ay magkakaibigan. Ang daigdig ay napakapayapa at animo'y isang paraiso. Ang mga aso, pusa at daga ay mabubuting magkakaibigan. Sama-sama silang kumakain. Lagi silang nagbibigayan at nagtutulungan sa kani·kanilang mga suliranin. Subali't ang lahat ng ito ay nasira dahil lamang sa isang pangyayari.

Isang araw, umuwi ang aso na may dala-dalang buto para pagsaluhan nila ng kaniyang mga kaibigang pusa at daga. Wala doon sina pusa at daga dahil naghahanap pa rin ang mga ito ng pagkain. Nakarinig ng ingay ang aso sa pintuan ng bahay. Inilapag ng aso ang buto at tumakbo sa labas upang tingnan kung ligtas ang kaniyang amo.

Sa oras naman na iyon ay dumating ang daga. Malungkot siya dahil wala siyang nakuhang pagkain. Nakita niya ang buto. Kinuha niya ito at dinala sa bubungan ng bahay.

"Mamayang gabi ay may pagsasaluhan kami ng aking mga kaibigang aso at pusa." bulong ng daga sa sarili.

Pagbalik ng aso sa bahay ay nagulat ito ng makitang walana ang iniwang buto. Naghanap nang naghanap ang aso subalit hindi rin niya makita ang buto. Dumating ang pusa na wala ring dalang pagkain. Tinulungan niya ang asc sa paghahanap ng buto. Nakarating sila sa itaas ng bahay hanggang sa kinaroroonan ng daga. Nagulat ang aso at pusa. Akala nila ay sadyang kinuha ng daga ang buto para masolo niya ito.

Mabilis na lumapit ang pusa sa daga at pinagalitan ito. Nagpaliwanag ang daga nguni't hindi rin siya pinakinggan ng pusa. Nag-away silang dalawa kaya't ang buto ay nalaglag. Nasalo ito ng aso at dali-daling tumakbo hanggang sa likods ng bahay.

"Hah..hah.. hihintayin ko na lang sila ditl. Siguro mamaya ay magkakasundo na rin sila at masaya naming pagsasaluhan itong buto." bulong ng asong humihingal. Dahil sa pagod at matagal-tagal ding paghihintay sa pagdating ng dalawang kaibigan, kinain na ng aso ang ikatlong bahagi ng buto. Itinira niya ang parte ng daga at ng pusa.

Mainit pa ang ulo ng pusa dahil sagalit nang ito ay dumating sa kinaroroonan ng aso. Inabutan niya ang aso na kumakai ng mag-isa. Bigla niyang inangilan ang aso. Nagkasagutan silang dalawa hanggang sa sila ay magkasakitan ng katawan. Narinig ng may-ari ng bahay ang ingay na dulot ng pag-aaway ng aso at pusa. Inawat silang dalawa at pinaghiwalay. Naghiwalay ang aso at pusa na kapwa may tanim na galit sa isa't isa. Iyon na ang simula ng kanilang pagiging magkaaway.

Magmula noon, sa tuwing makikita ng asc ang pusa ay kinakahulan niya ito. Ang pusa naman ay di padadaig, lagi siyang sumasagot at lumalaban sa aso. At sa tuwi namang makikita ng pusa ang daga ay hinahabol niya ito. Dahil naman sa takot ang daga ay pumapasok sa isang maliit na lungga at lumalabas lamang doon kapag wala na ang pusa.




4. Ang Pagong at Ang Kalabaw
Isang araw ay nagkita ang kalabaw at ang pagong. Nais ng pagong na makipagkaibigan sa kalabaw. Tumawa lang nang malakas ang kalabaw at pakutyang sinabi na, "Hindi ang isang tulad mo ang nais kong kaibigan. Ang gusto ko ay iyong kasinlaki at kasinlakas ko, hindi tulad mong lampa na't maliit ay sobra pa ang kupad kumilos."

Ang pagong ay napahiya sa tinuran ng palalong kalabaw. "Sobra kang mapang-api. Minamaliit mo ang aking kakayahan dapata mong malaman na ang maliit ay nakakapuwing.

Napika si kalabaw. Hinamon niya ng karera si pagong upang mapatunayan nito ang kanyang sinasabi. Tinanggap naman ni pagong ang hamon ni kalabaw. "Kapag ako ay tinalo mo sa labanang ito ay pagsisilbihan kita sa habang panahon."

"Matibay ka talaga, ha. Pwes, kailan mo gustong umpisahan ang karera?" pakutyang sambit ng kalabaw.

"Bukas ng umaga, sa ding ito," ang daling sagot ng pagong.

Tuwang-tuwa si kalabaw dahil sigurado na niyang talo si pagong sa karera. Malaki siya at mabilis tumakbo. Subalit si pagong ay matalino, Kinausap niya ang apat na kaibigang pagong. Pinapuwesto niya ang mga ito sa tuktok bawat bundok hanggang sa ikalimang bundok.

Kinabukasan, maagang dumating si kalabaw. Tulad ng inaasahan, wala pa ang makakalaban niya sa karera" O, paano, dipa man ay nahuhuli ka na. Ano bang kondisyon ng ating karera?" tanong ng kaiabaw.

"Okay, ganito ang gagawin natin. Ang maunang makarating sa ikalimang tuktok ng bundok na iyon ay siyang panalo," sabi ng pagong.

Tulad ng dapat asahan, natabunan ng alikabok si pagong. Naunang sinapit ng kalabaw ang unang bundok ngunit laking gulat niya ay naroon na ang pagong na ang akala niya ay ang kanyang kalaban. Nagpatuloy sa pagtakbo si kalabaw hanggang sa ikalawang bundok. Ganon din ang kanyang dinatnan. Mayroon nanamang isang pagong doon. Galit na galit na nagpatuloy sa pagtakbo ang kalabaw hanggang sa ikatlong bundok." Muli ay may isang pagong na naman doon, ganoon din sa ikaapat at ikalimang bundok.

Dahilan sa matinding kahihiyan at galit sa kanyang pagkatalo kay pagong tinadyakan niya ng malakas ang pagong. Matigas ang likod nang pagong kaya hindi ito nasaktan sa halip ay. ang kalabaw ang umatungal ng iyak dahil sa sakit na dulot ng nabiyak ng kuko sa pagsipa sa mahina at maliit na pagong.




5. Ang Magkapitbahay na Kambing at Kalabaw
Magkapitbahay ang kalabaw at ang kambing. Isang umaga ay nagpunta sa kapitbahay ang kambing.

"Ako ay nagugutom. Tayo na sa kabila ng ilog. Maraming bunga ng mais. Kumain ka ng kumain ng sariwang damo, Kakain naman ako ng kakain ng mga murang mais ang sabi ng kambing sa kalabaw.

"Oo ,tayo na," ang sabi ng kalabaw.

"Pero hindi ako marunong lumangoy. Dalhin mo ako sa likod mo. "Ang wika ng kambing.

Sumakay nga ang kambing sa kalabaw. Ito naman ay lumangoy sa ilog hanggang sa kabilang ibayo. Kumain sila ng kumain doon. Mabilis kumain ang kambing. Ang kalabaw naman ay hihinay-hinay kumai.

Madaling nabusog ang kambing. Ang kalabaw naman ay hindi pa nabubusog. Nainip na ang kambing. Kaya nagyaya nang umuwi.

"Kapitbahay, gusto ko nang umuwi. Busog na akO," ang sabi ng kambing.

"Mabuti ka pa busog na," ang sagot ng kalabaw. "Maghintay kana muna."

Nayamot na ang kambing. Inisip kung paano niya mapatitigil sa pagkain ang kalabaw, Mayroon siyang naisib. Naglulundag ang kambing. Gumawa ito ng malaking ingay.

Dahil sa ingay na iyon ay narinig sila ng mga tao. Nagdatingan ang mga tao. Nakita nilang kumakain ang kalabaw. Hinambalos nila nang hinambalos ang kalabaw.

"Ano, kapitbahay, gusto mo na bang umuwi? ang tanong ng kambing sa kalabaw.

"Oo, tayo na nga. Sige, lundag nasa likod ko," ang sabi ng kalabaw, at lumakad nang papunta sa ilog.

Nang sila ay nasa gitna na ng ilog, huminto ang kalabaw. Tinanong niya kung bakit nag-ingay ang kambing.

"Ewan ko nga ba. Tuwing ako ay mabubusog, ay gawi ko na ang kumanta at magsayaw," ang sagot ng kambing.

Lumakad na rin sa tubig ang kalabaw. Walang anu-ano ay narating nila ang malalim na bahagi ng ilog. Muling hum into ang kalabaw.

"O. bakit kahuminto? ang tanong ng kambing.

"Alam mo kapag ako ay nasa tubig, ay siyempre gusto kong gumulong-gulong sa tubig," ang sabi ng kalabaw.

"Aba, huwag! Paano ako, mahuhulog ako sa tubig. Hindi naman ako marunong lumangoy," ang sigaw ng kambing.

"E alam mo kapitbahay, naging bisyo ko na ang gumulong-gulong sa tubig," at sinabayan nga ng gulong sa tubig.

Bumagsak sa tubig ang kawawang kambing. Hindi ito marunong lumangoy. Nalunod ang kambing.





6. Ang Pabula ng Daga at ng Leon
Isang daga ang nakatuwaang maglaro sa ibabaw ng isang natutulog na
leon. Kanyang inaakyat ang likuran ng leon at pagdating sa itaas ay
nagpapadausdos siya paibaba.

Sa katuwaan ay di niya napansin na nagising ang leon. Dinakma ng leon
ang daga at hinawakan sa buntot na wari bagang balak  siyang isubo at
kainin. Natakot at nagmakaawa ang daga.

"Ipagpaumanhin mo kaibigan. Hindi ko sinasadyang gambalain ka sa
pagtulog mo. Wala akong masamang hangarin. Nakatuwaan ko lang na
maglaro sa iyong likuran. Huwag mo akong kainin" sabi ng daga.

Nabakas ng leon sa mukha ng daga ang tunay na pagmamakaawa. 

"Sige, pakakawalan kita pero sa susunod ay huwag mong gambalain
ang pagtulog ko," sabi ng leon.

"Salamat kaibigan. Balang araw ay makagaganti rin ako sa kabutihan mo, "
sagot ng daga.

Lumipas ang maraming araw at minsan sa pamamasyal ng daga sa
kagubatan ay kanyang napansin ang isang lambat na nakabitin sa puno.
Lumapit siya upang mag-usisa at agad niyang nakilala ang leon na nahuli
sa loob ng lambat na ginawang bitag ng nangagaso sa kagubatan.

Dali-daling inakyat ng daga ang puno at nginatngat ang lubid na nakatali sa
lambat. Agad namang naputol ang lubid at bumagsak ang lambat kasama
ang leon sa loob. Mabilis na bumaba ang daga at tinulungan ang leon na
nakawala sa lambat.

"Utang ko sa iyo ang aking buhay," laking pasasalamat na sabi ng leon sa
kaibigang daga.


Aral:
Ang paghingi ng paumanhin sa kapwa ay sinusuklian ng pang-unawa.
Ang pag-unawa sa kapwa ay humahantong sa mabuting pagkakaibigan.
Huwag maliitin ang kakayahan ng iyong kapwa. Hamak man ang isang tao
ay maaari siyang makatulong ng malaki o makagawa ng bagay na lubhang
makabuluhan.





7. Ang Lobo at ang Ubas
Minsan ay inabot ng gutom sa kagubatan ang isang lobo (wolf). Nakakita siya
ng isang puno ng ubas na hitik ng hinog na bunga. "Swerte ko naman. Hinog
na at tila matatamis ang bunga ng ubas," ang sabi ng lobo sa sarili.

Lumundag ang lobo upang sakmalin ang isang bungkos ng hinog na ubas
subalit hindi niya maabot ang bunga. Lumundag siyang muli, at muli, at muli
pa subalit hindi pa rin niya maabot ang ubas.

Nang mapagod na ay sumuko rin sa wakas ang lobo at malungkot na umalis
palayo sa puno. "Hindi na bale, tiyak na maasim naman ang bunga ng ubas
na iyon," ang sabi niya sa sarili.


Aral:
Hindi lahat ng ating naririnig ay totoo na dapat nating paniwalaan. Kung
minsan ang sinasabi ng isang tao ay isa lamang "sour grape" o "maasim
na ubas" dahil hindi niya natamo ang isang hinahangad na makamtan.

Ang sour-graping o pagsasabi ng "sour grape" o "maasim na ubas" ay
maaaring pagtatakip lang sa isang pagkukulang o pampalubag-loob sa
sarili dahil sa pagkabigo ng isang tao na makamit ang kanyang gusto.





8. Ang Pabula ng Kabayo at ng Mangangalakal
Isang mangangalakal ang maghahatid ng dalawang sakong asin sa
palengke. Inilulan niya ang mga sako ng asin sa kanyang kabayo at
nagtungo sila sa palengke.

Nang tumatawid sila sa isang ilog na dinaanan ay hindi sinasadyang
nadulas at natumba ang kabayo. Napunit ang mga sako at ang ilang
bahagi ng asin ay nabuhos sa ilog at ang iba naman ay nalusaw dahil
sa pagkababad sa tubig. Hindi naman nasaktan ang kabayo at
napansin niya na lubhang gumaan ang pasan niyang dalawang sako
ng asin at siya ay natuwa

Nang sumunod na linggo ay magpupunta uli ang mangangalakal sa
palengke at naglulan na nman ng dalawang sakong asin sa kanyang
kabayo. nang mapalapit na sila sa ilog ay napagisip-isip ng kabayo:

"Kung magpapadulas ako sa ilog ay tiyak na gagaan uli ang pasan ko,"
ang sabi ng kabayo sa kanyang sarili.

Ganun na nga ang ginawa ng kabayo. Muling nabutas ang mga sako
at ibang asin ay nabuhos sa ilog at ang iba naman ay nalusaw. Nguni't
sa pagkakataong eto ay nakahalata ang mangangalakal na sadyang
nagpadulas ang kabayo sa ilog.

Pagdaan pa ng isang linggo ay muling magtutungo ang mangangalakal
sa palengke subalit sa pagkakataong eto ay apat na baldeng may
lamang alpombra ang kanyang inilulan sa kabayo - dalawang balde sa
magkabilang tabi ng kabayo.

"Aba, ok to, mas magaan ang pasan ko ngayon. Ganun  pa man ay
magpapadulas pa rin ako sa ilog para mas gumaan pa ang pasan ko,"
ang sabi ng kabayo sa kanyang sarili.

Pagdating sa ilog ay kusa na namang nagpadulas ang kabayo ngunit
laking gulat niya nang biglang bumigat ang kanyang pasan nang siya ay
malublob sa tubig. Ang apat na balde na may alpombra ay napuno ng
tubig at di hamak nanaging mas mabigat pa keysa sa dalawang
sakong asin.

Aral:
Ang pagiging tuso ay may katapat na panangga. Ang masamang
balakin ay may katapat na kaparusahan.





9. Si Pagong at Si Matsing (Isang Pabula)
Sina Pagong at Matsing ay matalik na magkaibigan. Mabait at matulungin si Pagong, subalit si Matsing ay tuso at palabiro. Isang araw sila ay binigyan ni Aling Muning ng isang supot ng pansit. “Halika Matsing, kainin natin ang pansit” nag-aayang sabi ni Pagong

“Naku baka panis na yan”sabi ni Matsing

“Ang nabuti pa, hayaan mo muna akong kumain n’yan para masiguro natin na walang lason ang pagkain” dagdag pa nito.

“Hindi naman amoy panis Matsing at saka hindi naman magbibigay ng panis na pagkain si Aling Muning” sabi ni Pagong

“Kahit na, ako muna ang kakain” pagmamatigas ni Matsing

Walang nagawa ang kawawang Pagong kundi pagbigyan ang makulit na kaibigan. Naubos ni Matsing ang pansit at walang natira para kay Pagong.

“Pasensya ka na kaibigan, napasarap ang kain ko ng pansit kaya wala ng natira. Sa susunod ka na lang kumain” paliwanag ng tusong matsing.

Dahil sa likas na mabait at pasensyoso si Pagong, hindi na siya nakipagtalo sa kaibigan.

Sa kanilang paglilibot sa kagubatan, nakakita si Pagong ng isang puno ng saging.

“Matsing! Matsing! tignan mo ang puno ng saging na ito. Maganda ang pagkakatubo. Gusto ko itong itanim sa aking bakuran para pag nagkabunga ay makakain natin ito” masayang sabi ni Pagong

“Gusto ko rin ng saging na ‘yan Pagong, ibigay mo na lang sa akin”sabi ni Matsing

“Pasensya ka na, gusto ko rin kasi nito.Kung gusto mo hatiin na lang natin.”

“Hahatiin? O sige pero sa akin ang itaas na bahagi. Ung parte na may mga dahon ha?” nakangising sabi ni Matsing

“Ha? sa akin ang ibabang bahagi?tanong ni Pagong

“Oo, wala akong panahon para magpatubo pa ng dahon ng saging kaya sa akin na lang ang itaas na parte”sabi ni Matsing

Umuwing malungkot si Pagong dala ang kalahating bahagi ng saging na may ugat. Samantalang si Matsing ay masayang umuwi dala ang madahon na bahagi ng puno.

Inalagaan ni Pagong ang kanyang halaman. Araw-araw dinidiligan niya ito at nilalagyan ng pataba ang lupa. Ganoon din ang ginawa ni Matsing. Subalit makalipas ang isang linggo, nalanta ang tanim na saging ni Matsing.

Si Pagong naman ay natuwa nang makita ang umuusbong na dahon sa puno ng saging. Lalo nitong inalaagaan ang tanim hanggang sa mamunga ito nang hitik na hitik.

Nainggit si Matsing nang makita ang bunga ng saging sa halaman ni Pagong.

“Aba, nagkabunga ang tanim mo. Paano nangyari iyon? Ang aking tanim ay nalanta at natuyo”sabi ni Matsing

“Inalagaan ko kasi ito ng mabuti. Sabi ni Mang Islaw Kalabaw, malaki ang pag-asang tutubo ang bahagi ng halaman na pinutol kung ito ay may ugat” paliwanag ni Pagong

“hmp kaya pala nalanta ang aking tanim”nanggigil na sambit ni Matsing

“Mukhang hinog na ang mga bunga nito. Halika, kunin natin” anyaya nito

“Gusto ko sana kaya lang masyadong mataas ang mga bunga. Hindi ko kayang akyatin.”sabi ni Pagong

“Kung gusto mo, ako na lang ang aakyat, ibibigay ko sa iyo ang lahat ng mga bunga. Basta’t bigyan mo lang ako ng konti para sa aking meryenda” sabi ni Matsing

Pumayag si Pagong sa alok ni Matsing. Subalit nang makarating na si Matsing sa taas ng puno. Kinain niya lahat ng bunga ng puno. Wala itong itinira para kay Pagong.

“Akin na lahat ito Pagong. Gutom na gutom na ako. Kulang pa ito para sa akin. Hahaha!” tuwang-tuwang sabi ni Matsing

Nanatili sa  itaas ng puno si Matsing at nakatulog sa sobrang kabusugan.

Galit na galit si Pagong sa ginawa ni Matsing. Habang natutulog ito, naglagay siya ng mga tinik sa ilalim ng puno. Nang magising si Matsing ay nakita niya ang mga tinik kaya’t humingi ito ng tulong kay Pagong.

“Pagong, tulungan mo ako! Alisin mo ang mga tinik na ito. Malapit ng dumilim at mukhang uulan ng malakas”pagmamakaawa ni Matsing

“Ayoko! Napakasalbahe mo. Lagi mo na lang akong iniisahan! Aalis muna ako. mukhang malakas ang ulan. Sa bahay ni Aling Muning muna ako habang umuulan.” sabi ni Pagong sabay alis papunta sa bahay ni Aling Muning

Makalipas ang ilang sandali, nagsimulang bumuhos ang malakas na ulan. Walang nagawa si Matsing kundi bumaba sa puno ng saging.

“Arrrraayyy! Aaaarayy! natutusok ako sa mga tinik Arrrrrrrrruuyyyyyy!!!!” daing ng tusong matsing

“Humanda ka bukas Pagong. Gaganti ako sa ginawa mo sa akin”bulong nito sa sarili

Kinabukasan, kahit mahapdi pa rin ang mga sugat ni Matsing, ay hinanap niya si Pagong. Nakita niya itong naglalakad sa may kakahuyan.

“Hoy Pagong humanda ka ngayon!” galit na sabi ni Matsing sabay huli sa pagong.

“Anong gagawin mo sa akin?” takot na tanong ni Pagong

“Tatadtarin kita ng pinong pino”sabi ni Matsing

Nag-isip ng paraan si Pagong para maisahan ang tusong matsing.

“Oo sige tadtarin mo ako ng pinong-pino at pagjputol putullin nang sa gayon ako ay dadami at susugurin ka namin ng mga parte ng katawan kong pinutol mo hahaha”sabi ni Pagong

Nag-isip ng malalin si Matsing

“Haha, susunugin na lang kita hanggang sa maging abo ka” sabi ni Matsing

“Hindi ka ba nag-iisip Matsing? Hindi kami tinatablan ng apoy! Nakikita mo ba ang makapal at matibay kong bahay? Kahit ang pinakamatinding apoy ay walang panama dito” pagyayabang ni Pagong

Nag-isip na naman ng malalim si Matsing. Hanggang sa maisipan niyang pumunta sa dalampasigan.

“Tignan natin kung saan ang tapang mo. Itatapon kita dito sa dalampasigan hanggang sa malunod ka! Hahaha!” sabi ni Matsing

Lihim na natuwa si Pagong. Nagpanggap itong takot sa dalampasigan.

“Naku huwag mo akong itatapon sa dalampasigan. Takot ako sa tubig at hindi ako marunong lumangoy. Parang awa mo na…” pagmamakaawa ni Pagong

Tuwang-tuwa si Matsing sa pagaakalang magagantihan na niya si Pagong. Todo lakas niya itong itinapon sa dalampasigan. Nagulat ito nang makitang marunong lumangoy si Pagong. Ang bilis-bilis ng pagkilos ni Pagong sa tubig. Kung mabagal ito sa lupa, ay parang ang gaan ng katawan nito sa tubig.

“Hahaha. Naisahan din kita Matsing. Hindi mo ba alam na gustong-gusto ko ang lumagoy sa dalampasigan at magbabad sa tubig? Salamat kaibigan!!! natutuwang sabi ni Pagong

Malungkot na umuwi si Matsing. Naisip niya na napakasakit pala na maisahan ng isang kaibigan. Naramdaman niya kung paano masaktan kapag naloloko ng isang kaibigan.

Mula noon nagbago na si Matsing. Hindi na sila muling nagkita ni Pagong.




10. Ang Pabula ng Kabayo at ng Kalabaw
Isang magsasaka ang nais manirahan sa ibang bayan kaya isang araway inipon niya ang kanyang mga gamit at inilulan sa kanyang alagangkabayo at kalabaw. Maaga pa ay sinimulan na nila ang mahabangpaglalakbay.Makaraan ang ilang oras ay nakaramdam ng matinding pagod at pang-hihina ang kalabaw dahil sa bigat ng kanyang pasang gamit.
" Kaibigang kabayo, di hamak na mas mabigat ang pasan kong gamit keysa sa iyo. Maaari bang tulungan mo ako at pasanin mo yung iba?"
 pakiusap ng kalabaw.
"  Aba, yan ang ipinataw sa iyong balikat ng ating amo kaya pagtiisanmo,"
 anang kabayo na lalo pang binilisan ang paglalakad."
Parang awa mo na tulungan mo ako. Di ko na kakayanin ang bigat ng dala ko. Nanghihina ako. Alam mo namang kailangan kong magpalamig sa ilog kapag ganito katindi ang init ng araw dahil madaling mag-init ang katawan ko
," pakiusap pa rin ng kalabaw.
" Bahala ka sa buhay mo
," naiinis na sagot ng kabayo.Makaraan pa ang isang oras at lalung tumindi ang init ng araw. Hindinagtagal at ang kalabaw ay iginupo ng bigat ng kanyang dala at siyaay pumanaw.Nang makita ng magsasaka ang nagyari ay kinuha niya ang lahat nggamit na pasan ng kalabaw at inilipat sa kabayo na bahagya namangmakalakad dahil sa naging napakabigat ng kanyang mga dalahin.
" Kung tinulungan ko sana si kasamang kalabaw ay hindi naging ganitokabigat ang pasan ko ngayon
," may pagsisising bulong ng kabayo sakanyang sarili.

Aral:
  Ang suliranin ng kapwa ay maaaring maging suliranin mo rin kung hindimo siya tutulungan. Ang makasariling pag-uugali ay may katapat nakaparusahan. Ang mga pasanin natin sa buhay ay gagaan kung tayo ay magtutulungan




11. Si Aso at si Ipis
Mataas ang mga punong nakapaligid sa bahay. Malawak din ang hardin sa likuran.Napaligiran ng mga palay at mga pananim ang bahat ni Mang Kardo.  Sa harap naman, malapit sa pintuan ay ang tulugan ng aso. Maliit lang ang bahay ngunit parang paraiso ang kapaligiran nito. Nag-iisa kasi ang bahay ni Mang Kardo sa bundok na iyon at ang kanyang kapithbahay ay sa kabilang bundok pa nakitira.
Araw ng lunes at abalang nagluluto si Mang Kardo sa loob ng bahay. Kaarawan kasi ng kanyang apo at isang surpresa ang kanyang inihanda. Nagluto siya ng pinakamasarap na kanin na kanyang ibinayo lamang kaninang umaga. ng Naghanda rin siya ng pinikpikan na sinamahan ng etag upang maslalo pang maging masarap ang kanilang ulam. At upang mas lalong maging masaya ang apo ay nagluto rin siya ng dalawang patong na cake para sa kanynag apo. Binilin niya ang kanyang aso na bantayan ang kanilang bahay dahil susunduin niya ang kanyang apo sa kabilang bundok. Sinabi niyang matatagalan pa ito kaya ang aso muna ang bahala sa kanilang bahay.
“Sige, mag-iingat ka sa pagbaba ng bundok, makakaasa ka na babantayan ko ang bahay pati narin ang mga niluto mong mga pagkain.” yan ang sabi ng aso. Naisip niya, siguradong bibigyan naman siya ng kanyang amo sa inihanda nitong pagkain kaya minabuti niyang bantayan ng mabuti ang bahay.
Tinawag ng Aso ang kaibigang Ipis at sinabing tulungan siya sa pagbabanatay ng bahay. Pinaakyat niya ito sa bubungan ng bahay para makita niya ang mga taong may masasamang balak at upang masabihan siya agad. Umakyat nga ang ipis ngunit nakita nito ang cake sa lamesa, bigla siyang nagutom. Hindi napigilan ni Ipis ang kanyang sarili kaya tinawag niya na rin ang kanyang mga anak at mga kapamilya na alam niyang gutom din. Kinain nila ang higit sa kalahati ng cake at humigop ng sabaw ng pinikpikan na may etag.
Nang umuwi si Mang Kardo kasama ang apo nito ay nagulat sila ng makita nila ang cake at ang ilang putahe na nagkakalat-kalat. Galit na galit si Mang Kardo. Tinawag niya ang aso at ikinulong ito sa pag-aakalang ito ang gumawa ng kalokohang iyon. Alam ng aso na ang kaibigang ipis ang gumawa ng bagay na ito, pero hindi niya ito sinabi sa kanyang amo.
Nakita ng ipis ang paghihirap ng Aso at naawa siya sa kanyang kaibigan. Nag-isip siya ng paraan para iligtas ang kaibigan ngunit wala siyang magawa kaya isang plano ang nabuo sa kanyang isip.
“Kawawa ang kaibigan ko. Kailangang ako ang magbayad sa kasalanang ginawa ko”. Naisaisip ni ipis.
Isang umagang naghahanda ng almusal si Mang Kardo ay umakyat ang ipis sa lamesa at sinadyang ipakita sa matanda ang paglantak sa almusal nito. Nakita ng aso ang ginagawa ng ipis at tinahulan niya ito. “Huwag ipis, kung makita ka ng amo ko ay ikulong ka katulad ko.” tahol pa nito, “hayaan mong malaman niya na ako ang gumagawa nito para makalaya ka.”sagot ni ipis.
Nakita nga ni Mang kardo ang ipis at sa isang hampas nito ng aklong hawak ay namatay ang ipis. Naisip niya na ito rin ang kumain sa handa ng kanyang apo, dahil dito ay pinakawalan niya at muling minahal ang aso.
Masaya ang aso na Malaya na siya, ngunit na hahabag naman siya sa kaibigang ipis.
“Sumalangit nawa ang iyong kaluluwa.” dalangin ng Aso.





12. Ang Mag-anak na Langgam
Malapit-lapit na naman ang tag-ulan kung kaya’t ang isang mag-anak na langgam ay abalang-abala sa paghahakot ng pagkain para sa kanilang pinagtataguan.

Huwag kayong lilihis ng landas patungo sa ating lungga, dahil sa may gawing kaliwa ay may munting kanal, sabi ni Tatay Langgam.

Hindi po kami lalayo, sabi ni Unang Munting Langgam.

Abala sa paghahakot ng mga pagkain ang bawat isa, kung kayat hindi nila napansing ang Bunsong Langgam ay unti-unting humiwalay sa pila.

Nakakapagod naman ang paghahakot ng pagkain, matagal pa naman ang tag-ulan ay naghahanda na kami, sabi sa sarili ng Bunsong Langgam.  Buti pa’y maghanap ako ng mas masarap na pagkain.

Walang anu-ano’y nakakita ng isang kendi na malapit na malapit sa kanal na ipinagbabawal na puntahan ng kanyang ama.

Siguro naman ay hindi ako mahuhulog sa kanal kung dahan-dahan kong kukunin ang kendi.

Sa kasabikan niyang makuha ang kendi ay hindi niya napansin ang munting sinulid na kinapatiran ng kanyang paa, kaya nawalan siya ng panimbang at tuloy-tuloy na nahulog sa kanal.

Hindi mapakali ang Amang Langgam nang hindi niya makita ang kanyang Bunsong anak sa pila.  Kaya dali-dali siyang umalis upang ito’y hanapin, hanggang sa siya’y mapadako sa ipinagbabawal na pook.  Pagtingin niya sa ibaba ay nakita niyang nakalutang sa tubig ang kanyang bunsong anak.

Masakit man sa kalooban ay naibulong niya sa kanyang sarili na: Iyan ang napapala ng mga anak na matigas ang ulo.




13. Ang Inahing Manok at Ang Kanyang Mga Sisiw
Isang inahing manok na may anak na tatlong sisiw ang naninirahan sa gitna ng taniman ng mais.  Isang araw, lumabas ng bahay ang magsasakang may-ari ng taniman at sinabing, "Panahon na upang anihin ko ang aking maisan!  Kailangan tawagin ko ang aking mga kapit-bahay upang tulungan ako sa aking pag-ani bukas!"

Narinig ito ng mga sisiw at agad iminungkahi sa kanilang ina, "Kailangang lumikas na tayo rito at humanap ng ibang matitirahan inang! Kung hindi, matatagpuan tayo rito ng mga magsisipag-ani bukas at huhulihin upang patayin!"

"Huwag kayong mabahala mga anak," ang wika ng inahing manok.   "Kung mga kapit-bahay lamang ang aasahan niya, hindi agad magsisipag-kilos ang mga iyon!  May panahon pa tayo upang manirahan dito."

Tama nga ang sinabi ng inahing manok.  Sapagkat kinabukasan nga'y walang mga kapit-bahay na dumating upang tumulong sa pag-ani ng magsasaka. 

"Kung hindi ko maasahan ang aking mga kapit-bahay, sa aking mga kamag-anak ako lalapit upang humingi ng tulong sa isasagawa kong pag-ani bukas!"

"Narinig ng mga sisiw ang sinabi ng magsasaka at dali-daling iminungkahi sa kanilang ina.  Ngunit muli, hindi nabahala ang inahing manok at sinabing, "Kung sa mga kamag-anak lamang siya aasa hindi magsisipagsunod ang mga iyon!  May mga trabaho ring dapat asikasuhin ang mga iyon at tiyak na hindi maasahan.  May panahon pa tayo para manirahan dito mga anak!"

Kinabukasan nga'y tama uli ang sinabi ni inahing manok.  Walang kamag-anak na dumating ang magsasaka upang tulungan siya sa pag-ani sa maisan.

Dahil dito, napilitan ang magsasakang tawagin ang kanyang anak at sinabing, "Bukas na bukas din, tayong dalawa na lamang ang aani sa ating pananim.   Wala tayong ibang maaasahan kundi ang ating mga sarili!"

Nang marinig iyon ng mga sisiw, dali-dali silang nagtungo sa kanilang ina at iminungkahi rito ang sinabi ng magsasaka.

Noon nagdesisyon ang inahing manok na lumisan sila sa lugar na iyon, at sinabing, "Kung sinabi ng magsasaka na siya na ang gagawa ng pag-ani, dapat tayong maniwala! Sapagkat totoong walang sinuman siyang maaasahan kundi ang kanyang sarili!"




14. Ang Aso  at ang Kanyang Anino

Isang aso ang nakahukay ng buto sa lupa.  Tuwang-tuwa siya at dali-daling hinawakan ang buto sa pamamagitan ng kanyang bibig.

Dinala niya ang buto upang iuwi sa kanyang tirahan, ngunit nang siya ay malapit na, napadaan siya sa isang ilog.   Pinagmasdan niya ang ilog at doo'y nakita niya ang sariling anino.  Sa pag-aakalang ibang aso iyon na may hawak-hawak ring buto sa bibig, tinahulan niya iyon nang tinahulan upang maangkin din ang butong pag-aari nito. 

Dahil dito, humulagpos mula sa kanyang bibig ang butong hawak-hawak at nahulog sa ilog.  Tinangay ng agos ang buto at hindi na uli nakuha pa ng sakim na aso.




15. Ang Uwak na Nagpanggap
Isang uwak ang nakakita ng mga lagas na balahibo ng pabo sa lupa.  Pinagmasdan niya iyon at nasiyahan sa iba't ibang kulay na taglay niyon.  At dahil sawa na siya sa pagiging isang itim na ibon, iyon ay kanyang pinulot isa-isa at saka idinikit sa kanyang katawan.  

Iyon lang at dali-dali siyang lumipad patungo sa grupo ng mga pabo at nagpakilala bilang kauri ng mga ito. 

Ngunit sadyang kilala ng mga pabo ang kanilang kauri, kaya naman hindi rin nagtagal ay nabisto ng mga ito ang nagkukunwaring uwak. 

Dahil dito, inalis ng mga pabo ang iba't ibang kulay na balahibong nakadikit sa katawan ng uwak.  Pagkuwa'y pinagtutuka nila ito hanggang sa takot na lumisan.  

Nang magbalik ang uwak sa kanyang mga kauri, hindi na rin siya tinanggap ng mga ito. At sinabing, "Hindi namin kailangan ang isang tulad mong walang pagmamahal sa sariling anyo!"




16. Ang Lobo At Ang Kambing
Isang lobo  ang nahulog sa balon  na walang tubig.  Sinikap niya ang tumalon upang maka-ahong palabas, ngunit lubhang malalim ang balon na kanyang kinahulugan. 

Noon dumating ang isang uhaw na uhaw na kambing.   Lumapit ito sa balon at narining ang tinig ng lobo. "Marami bang tubig sa loob ng balon?" tanong nito sa lobo.   "Oo, napakarami!" ang pagsisinungaling na sagot naman ng lobo. 

Hindi na nagdalawang-isip pa ang kambing. Agad itong tumalon sa balon.  At nalaman ngang siya'y niloko lamang ng lobo.  "Ngayo'y pareho na tayong bilanggo ng balon na ito," ang sabi ng lobo.  "Mamamatay tayo sa uhaw at gutom dito," ang sabi ng kambing. 

"Kung gusto mong makaalis dito, magtulungan tayo.  Mayroon akong naisip na paraan kung papaano nating gagawin iyon." 

"Papaano?"

Noon ipinatong ng lobo ang mga paa sa katawan ng kambing.  "Ako muna ang lalabas.  At kapag nakalabas na ako, at saka kita hahatakin palabas," pangako nito.  "Sige," ang sabi naman ng kambing. 

Nakalabas nga ng balon ang lobo sa tulong ng kambing.  Ngunit noong pagkakataon na ng kambing para tulungan nito'y agad iyong tumawa ng malakas. Pagkuwa'y sinabing, "Walang lobong manloloko kung walang kambing na magpapaloko." 

Malungkot na naiwanan ang kambing sa malalim na balon.




17. Ang Agila at ang Maya
Isang Agila ang kasalukuyang lumilipad sa kalawakan, buong yabang niyang iniladlad at ibinuka ang kanyang malalapad na pakpak. Habang patuloy siya sa kanyang paglipad ay nakasalubong niya ang isang maliit na ibong Maya at hinamon niya ito.
"Hoy Maya, baka gusto mong subukan kung sino sa ating dalawa ang mabilis lumipad?" buong kayabangan ni Agila, kaya naipasya niyang tanggapin ang hamon nito para maturuan niya ng leksyon.
"Sige! Tinatanggap ko ang hamon mo. Kailan mo gustong magsimula tayo?"
Natuwa ang Agila, himdi niya akalain na tatanggapin nito ang hamon niya.
"Aba, nasa sa iyon 'yan. Kung kailan mo gusto," buong kayabangang sagot ni Agila.
Napatingin ang Maya sa kalawakan. Nakita niyang nagdidilim ang kalangitan, natitiyak niyang ang kasunod niyon ay malakas sa pag-ulan.
"Sige Agila, gusto kong umpisahan na natin ang karera ngayon na. Pero, para lalong maging masaya ang paligsahan natin ay kailangang bawat isa sa atin ay magdadala ng kahit ano ng bagay. Halimbawa ang dadalhin ko ay asukal ikaw nman ay bulak."
Tumawa ang Agila sa narinig na sinabi ni Maya. Tuwang-tuwa talaga siya, bakit nga naman hindi eh, mas hamak na magaan ang bulak na dadalhin niya kumpara sa mabigat na asukal na dadalhin naman nito.
"O ano, Agila, payag ka ba?" untag ni Maya.
"Aba oo, payag na payag ako."
"Sige doon tayo mag-uumpisa sa ilog na 'yon at doon tayo hihinto sa ituktok ng mataas na bundok na iyon," wika pa ni Maya.
Gusto ng matawa ni Agila sa katuwaan dahil tiyak na ang panalo niya, subalit hindi siya nagpahalata.
At sisimulan nga nila ang paligsahan.
Habang nasa kalagitnaan na sila ng kalawakan ay siya namang pagbuhos ng malakas na ulan. Nabasa ang bulak na dala-dala ni Agila kaya bumigat ito ng husto. Nahirapan si Agila , kaya bumagal ang lipad niya.
Samantalang ang mabigat sa asukal na dala-dala naman ni Maya ay nabasa din ulan kaya natunaw ito. Napabilis ang lipad ni Maya.
Dahilan sa pangyayari, unang nakarating si Maya sa ituktok ng mataas na bundok at tinalo niya ang mayabang na Agila.

Aral:
Maging mapagpakumbaba sa lahat ng ating mga ginagawa. Huwag maging mayabang at huwag ding maliitin ang kakayahan ng ating kapwa.




18. Ang Pagong at ang Kuneho
Isang hapon, nagkita si Pagong at si Kuneho sa daan. Biniro ni Kuneho si Pagong sa kanyang maliliit na paa na naging dahilan kung bakit napakabagal niyang maglakad.
Nainsulto si Pagong sa mga biro ni Kuneho. Sa kagustuhan ni Pagong na patunayang mali si Kuneho sa kanyang mga paratang, hinamon niya si Kuneho at nagsabing, "Kung gusto mong subukin ang aking kakayahan, bakit hindi natin daanin sa isang paligsahan. Maaaring mabilis ka subalit malakas naman ang aking resistensya," ang hamon ni Pagong.
"Anong paligsahan ang nais mo?" tanong ni Kuneho.
"Kung gusto mo ay unahan na lang tayong makarating sa tuktok ng ikatlong bundok," sagot ni Pagong.
Nagalak si Kuneho sa hamon ni Pagong. Tiwala sa sariling magagapi niya si Pagong sa paligsahan. Bawat isa sa kanila ay nangumbida ng kanilang mga kaibigan upang saksihan ang kagila-gilalas na paligsahan.
Kinabukasan, umagang-umaga, marami ang nagsidalo. Dumating ang kalabaw na minsan na ring nakalaban ni Pagong, ang kabayo, baboy, palaka, bibe, manok, aso, pusa, kambing, baka, pato, lawin, usa, baboy ramo at marami pang iba. Hindi, magkamayaw ang mga hayop sa kasiyahan. Noon lang sila makakapanood ng ganoong klaseng labanan.
Ang unggoy ang nagbigay-hudyat ng pasimula ng paligsahan.
Sa pasimula pa lang ay naiwan na nang malayo si Pagong. Halos hindi na makita ni Kuneho si Pagong dahil sa kalayuan ng kanilang pagitan.
Narating ni Kuneho ang tuktok ng ikalawang bundok. Hindi na niya matanaw si Pagong.
"Ah, mabuti pa ay mamahinga muna ako. Malayo pa naman si pagong. Napakalayo ng agwat naming dalawa." ang sabi ni Kuneho sa kanyang sarili.
Naupo si Kuneho sa ilalim ng isang puno. Nang dahil sa kapaguran, hindi niya namalayang siya ay naidlip.
Samantala, si Pagong ay nakarating sa tuktok ng ikalawang bundok nang magtatanghali. Inabutan pa niya si Kunehong naghihilik. Himbing na himbing si Kuneho. Dala marahil ng kanyang kapaguran.
Magdadapit-hapon na nang matanaw ni Pagong ang rurok ng ikatlong bundok. Malapit na siya.
Noon palang nagising si Kuneho. Tinanaw niya ang ibaba ng bundok sa pag-aakalang nandoon pa rin si Pagong subalit wala pa rin. Sinimulan na niya muling tumakbo. Takbong walang pahinga. Laking gulat niya ng abutan niya si Pagong sa ituktok ng ikatlong bundok na namamahinga na. Hiyawan ang lahat ng hayop. Lahat sila ay bumati kay Pagong.
Si Kuneho naman ay hiyang-hiya sa pangyayari. Humingi siya ng paumanhin kay Pagong sa ginawa niyang pang-iinsulto. Simula noon ay nagging halimbawa na ng mga hayop na hindi dapat maliitin ang kanilang kapwa.

ARAL:
Mas mainam pa ang lumalakad nang mabagal na sigurado kaysa matulin na kung matinik ay malalim.

19 comments:

  1. This is really helpful. Thanks a lot.

    ReplyDelete
  2. ang laki ng maitulong nito sa akin

    ReplyDelete
  3. tatlong beses na ako nakakita ng project ko sa mga post mo slamat.....hahaha

    ReplyDelete
  4. wala po bang "ang langaw na gustong maging diyos?"

    ReplyDelete
  5. papost nmn po nung "Ang Langaw na nais maging Diyos"

    ReplyDelete
  6. Thank u po...dahil po sa inyo nagawa ko na po ang Project po namen. Sa filipino.

    ReplyDelete
  7. Maraming salamat po laki ng tulong ng site sa Literary Folio po namin :)

    ReplyDelete
  8. sino po ba ang author tas ano history nya kailangan ko po kasi saka si kuya chukoy po sya ba po ano po ba background nya wala po ba syang picture

    ReplyDelete
  9. Maraming salamat po malaki po tulong sa Propject po namin =D

    ReplyDelete
  10. Thank you po nakagawa ako ng assignment. :)

    ReplyDelete
  11. Hihi salamat dito ako kumuha para sa pamangkin ko ;)

    ReplyDelete
  12. Maraming salamat po. Malaking tulong sa amin ito. God bless.

    ReplyDelete
  13. thank you po sa buong kwento may the lord bless you po

    ReplyDelete