Maragtas (Epikong
Bisayas)
Ang epikong Maragtas ay kaysayan ng sampung magigiting,
matatapang at mararangal na datu. Ang kasaysayan ng kanilang paglalakbay mula
Borneo patungo sa pulo ng Panay ay buong kasiyahan at pagmamamalaking
isinalaysay ng mga taga-Panay.
Ayon sa ilang ulat at pananaliksik na pinagtahi-tahi at
pinagdugtung-dugtong, ganito ang mga pangyayari:
Ang Borneo noon ay nasa pamumuno ng isang malupit at
masamang sultan na si Sultan Makatunao. Kinamkam niya ang lahat ng yaman ng
nasasakupan. Kanya ring pinupugayan ng dangal ang mga babae, pati ang mga asawa
at anak na dalaga ng mga datu na nasa ilalim niya.
Isang araw, si Pabulanan, ang asawa ni Datu Paiborong, ang
nais halayin at angkinin ng masamang sultan. Nalaman ni Datu Paiborong ang
tangka ni Sultan Makatunao. Nagbalak ang magigiting na datu na manlaban kay
sultan Makatunao. Nag-usap-usap silang palihim. Naisipan sin nilang humingi ng
tulong kay Datu Sumakwel.
Si Sumakwel ay mabait, magalang at matalino. Alam niya ang
kasaysayan ng maraming bansa at marami siyang alam kung tungkol sa paglalayag.
Dinalaw ni Datu Paiborong at ni Datu Bangkaya si Sumakwel. Ipinagtapat ng
dalawa ang paglaban na nais nilang gawin. Ayaw ni Sumakwel sa balak na
paglaban.
Pinuntahan ni Sumakwel si Datu Puti. Si Datu Puti ay punong
ministro ni Makatunao. Sinabi ni Sumakwel ang suliranin ng mga datu at ang
balak na paglaban. Ipinasiya nina Sumakwel at Datu Puti ang palihim na pag-alis
nilang sampung datu sa Borneo. Hindi nila magagapi si Makatunao. Maraming dugo
ang dadanak at marami ang mamamatay. Ayaw ni Datu Puti na mangyari ang ganoon.
Iiwan nila ang kalupitan ni Sultan Makatunao at hahanap sila ng bagong lupain
na maaaring pamuhayan nila nang malaya at maunlad. Sila'y mararangal na datu na
mapagmahal sa kalayaan.
Nagpulong nang palihim ang sampung datu. Sila'y tatakas sa
Borneo. Palihim silang naghanda ng sampung malalaking bangka, na ang tawag ay
biniday o barangay. Naghanda sila ng maraming pagkain na kakailanganin nila sa
malayong paglalakbay. Hindi lamang pagkain ang kanilang dadalhin kundi pati ang
mga buto at binhi ng halamang kanilang itatanim sa daratnan nilang lupain.
Madalas ang pag-uusap ni Sumakwel at ni Datu Puti. Batid ni Sumakwel ang
malaking pananagutan niya sa gagawin nilang paghanap ng bagong lupain. Silang
dalawa ni Datu Puti ang itinuturing na puno, ang mga datung hahanap ng malayang
lupain.
Isang hatinggabi, lulan sa kanilang mga biniday o barangay,
pumalaot ng dagat ang sampung datu kasama ang kanilang asawa at mga anak at
buong pamilya pati mga katulong. Sa sampung matatapang na datu, anim ang may
asawa at apat ang binata. Si Sumakwel ay bagong kasal kay Kapinangan, si Datu
Bangkaya ay kasal kay Katorong na kapatid ni Sumakwel. Ang mag-asawang si Datu
Paiborong at Pabulanan, si Datu Domangsol at ang asawang si Kabiling, ang
mag-asawang si Datu Padihinog at Ribongsapaw, Si Datu Puti at ang kanyang
asawang si Pinampangan. Ang apat na binatang datu ay sina Domingsel,
Balensuela, Dumalogdog at Lubay.
Ang mga tag-Borneo ay kilala sa tawag na Bisya o Bisaya.
Malakas ang loob nila na pumalaot sa dagat pagkat batid nila ang pagiging
bihasa ni Datu Puti at ni Sumakwel sa paglalayag. Nakita nang minsan ni
Sumakwel ang isang pulo makalagpas ang pulo ng Palawan. Alam niya na ang
naninirahan dito ay mga Ati, na pawang mababait at namumuhay nang tahimik. Alam
din niya kung gaano kayaman ang pulo.
Nasa unahan ang barangay ni Datu Puti. Makaraan ang ilang
araw at gabi nilang paglalakbay, narating nila ang pulo ng Panay. Ang matandang
pangalan nito ay Aninipay.
Bumaba si Datu Puti at naglakad-lakad. Nakita niya ang isang
Ati. Siya ay katutubo sa pulong oyon. Pandak, maitim, kulot ang buhok at sapad
ang ilong. Sa tulong ng kasama ni Datu Puti na marunong ng wikain ng katutubo
ay itinanong niya kung sino ang pinuno sa pulong iyon at kung saan ito
nakatira. Ipinabalita ni Datu Puti kay Marikudo na silang mga Bisaya mula sa
Borneo ay nais makipagkaibigan.
Si Marikudo ay siyang hari ng Aninipay. Siya ay mabuting
pinuno. Ang lahat sa pulo ay masaya, masagana at matahimik na namumuhay. Walang
magnanakaw. Ang lahat ay masipag na gumagawa. Kilala rin sila sa pagiging
matapat at matulungin sa kapwa.
Dumating ang takdang araw ng pagkikta ng mga Ati sa pamumuno
ni Marikudo at ng mga Bisaya sa pamumuno ni Datu Puti. May isang malaking sapad
na bato sa baybay dagat. Ito ang kapulungan ng mga Ati. Ito ang Embidayan. Dito
tinanggap ni Marikudo ang mga panauhin. Nakita niya na mabait at magalang ang
mga dumating. Ipinaliwanag ni Datu Puti ang kanilang layong makipanirahan sa
pulo ng Aninipay. Nais nilang bilhin ang lupain. Sinabi ni Marikudo na tatawag
siya ng pulong, ang kanyang mga tauhan at saka nila pagpapasyahan kung
papayagan nilang makipanirahan ang mga dumating na Bisaya.
Muling nagpulong ang mga Ati at mga Bisaya sa Embidayan.
Nagpahanda si Marikudo ng maraming pagkaing pagsasaluhan ng mga Ati at mga
Bisaya. Dumating mula sa Look ng Sinogbuhan ang mga Bisaya lulan ng sampung
barangay. Nakaupo na sa Embidayan si Marikudo kasama ang kanyang mga tauhan.
Katabi ni Marikudo ang kanyang asawa na si Maniwantiwan. Nakita ng mga Ati ang
maraming handog ng mga Bisaya. Ang mga lalaking Ati ay binigyan ng mga Bisaya
ng itak, kampit at insenso. Ang mga babaeng Ati ay binigyan naman ng kuwintas,
panyo at suklay. Ang lahat ay nasiyahan. Nagpakita ng maramihang pagsayaw ang
mga Ati. Tumugtog ang Bisaya sa kanilang solibaw, plota, at tambol habang ang
mga lalaki naman ay nagsayaw pandigma, ang sinurog.
Nag-usap sina Marikudo at Datu Puti. Ipinakuha ni Datu Puti
ang isang gintong salakot at gintong batya mula sa kanilang barangay. Ibinigay
niya ito kay Marikudo. Nakita ni Maniwantiwan ang mahabang-mahabang kuwintas ni
Pinampangan. Ito'y kuwintas na lantay na ginto. Ibig ni Maniwantiwan ang ganoon
ding kuwintas. Pinigil ni Maniwantiwan ang bilihan, kung hindi siya magkakaroon
ng kuwintas. Madaling ibinigay ni Pinampangan ang kuwintas niya kay
Maniwantiwan.
Itinanong ni Datu Puti kung gaano kalaki ang pulo. Sinabi ni
Marikudo, na kung lalakad sa baybay dagat ng pulo simula sa buwang kiling
(Abril o buwan ng pagtatanim) ay makababalik siya sa dating pook pagsapit ng
buwan ng bagyo-bagyo (Oktubre o buwan ng pag-aani).
Ang lupang kapatagan ay ibinigay ng mga Ati sa mga Bisaya.
Ibinigay rin nila ang kanilang mga bahay. Ang mga Ati ay lumipat ng paninirahan
sa bundok.
Madaling isinaayos ni Datu Puti ang mga Bisaya. Si Datu
Bangkaya kasama ang kanyang asawa na si Katurong at anak na si Balinganga at
kanilang mga tauhan at katulong ay tumira sa Aklan. Sumunod na inihatid ni Datu
Puti sina Datu Paiborong at asawang si Pabulanon at ang kanyang dalawang anak
na si Ilehay at si Ilohay. May mga tauhan ding kasama si Datu Paiborong na
kakatulungin niya sa pagtatanim ng mga buto at binhi na iiwan ni Datu Puti at Datu
Sumakwel. Sina Lubay, Dumalogdog, Dumangsol at Padahinog ay kasama ni Sumakwel.
Sila ay sa Malandog naman maninirahan. Nagpaalam si Datu Puti kay Sumakwel.
Kanyang pinagbilinan si Sumakwel na pamunuang mahusay ang mga Bisaya.
Nag-aalala si Datu Puti tungkol sa kalagayan ng iba pang Bisaya sa Borneo sa
ilalim ng pamumuno ng malupit na si Makatunao.
Matapos magpaalam kay Sumakwel, umalis na ang tatlong
barangay, kay Datu Puti ang isa, at ang dalawa pa ay sa dalawang binatang datu
na sina Datu Domingsel at Datu Balensuela. Narating nila ang pulo ng Luzon.
Dumaong ang tatlong barangay sa Look ng Balayan. Ipinasya ng dalawang datu na
dito na sa Taal manirahan kasama ang mga Taga-ilog. Isang araw lamang at umalis
na sina Datu Puti at Pinampangan upang bumalik sa Borneo.
salmat
ReplyDelete