Ano ang Pangatnig?
Tinatawag na pangatnig ang mga kataga o lipon ng mga salitang nag-uugnay sa dalawang salita,
parirala sa kapwa parirala at sugnay sa kapwa sugnay upang maipakita ang dalawa
o higit pang kaisipan sa loob ng pangungusap. Ang pangatnig ay ginagamit din sa
mga pangungusap na tambalan, hugnayan at langkapan.
Ito ay nahahati sa dalawang pangkat :
1. Pangatnig na nag-uugnay sa magkatimbang na yunit.
(o, ni, maging, at, ‘t, ngunit, kundi) - pinagbubuklod ang
kaisipang pinag-uugnay
Halimbawa:
Nakakuha ako ng tubig at tinapay.
Nakatulog ako’t nakapahinga.
Mangongopya ka ba o makikipagkwentuhan ka na lamang?
(ngunit, subalit, datapwat, bagamat, pero) - pangatnig na
panalungat; sinasalungat ng ikalawang kaisipan ang ipinahahayag ng nauuna.
Halimbawa:
Matalino si Villar subalit maraming isyung naglalabasan
kaugnay sa kanya.
Mabait siya pero istrikto.
2. Pangatnig na nag-uugnay sa di-magkatimbang na yunit.
(kung, kapag, pag)
Halimbawa:
Iboboto ko siya kung wala nang ibang tatakbo na kasintalino
niya.
(dahil sa, sapagkat, palibhasa) - nagpapakilala ng sanhi o
dahilan
Halimbawa:
Maraming isyung naglalabasan kaugnay sa ilang politiko,
palibhasa malapit na naman ang eleksyon.
(kaya, kung gayon, sana) - pangatnig na panlinaw
Halimbawa:
Wala raw siyang kasalanan kaya humarap pa rin siya sa media.
Mga uri ng pangatnig:
1. Pamukod - ginagamit sa pagbukod o pagtatangi, gaya ng: o,
ni, maging, at man.
Halimbawa:
a. Ikaw man o ako ay hindi maghahangad na siya ay mabigo.
b. Batid ko ang pagkapanalo ng ating grupo kung si Roger man
ang piliing lider natin.
c. Walang diprensiya sa akin maging si Jose ang magwagi sa
paligsahan.
d. Ni sermunan ni saktan ay hindi ko ginagawa sa aking anak.
2. Panubali - nagsasabi ito ng pag-aalinlangan, gaya ng:
kung, kapag, pag, sakali, disin sana.
Halimbawa:
a. Kung uulan, hindi matutuloy ang ating palatuntunan.
b. Hindi tayo matutuloy sa sine kapag hindi umuwi nang maaga
ang tatay.
c. Pag umulan, hindi makakapunta rito si Boyet.
d. Hindi tayo makakahuli ng maraming isda sakaling lumitaw
ang buwan.
3. Paninsay - kapag sinasalungat ng unang bahagi ng
pangungusap ang ikalawang bahagi nito. Gaya ng: ngunit, datapwat, subalit, bagaman,
samantala, kahiman, kahit.
Halimbawa:
a. Nakatakda siyang umani ng tagumpay kahit (kahit na)
maraming naninira sa kanya.
b. Nakatapos si Ramon ng medisina bagaman tindera lang sa
palengke ang kanyang ina.
c. Nanalo pa ring musa si Rosa datapwat may mga kaibigang
bomoto sa kalaban niya.
d. Maganda nga ang kaibigan mo ngunit suplada naman.
4. Pananhi - nagbibigay ito ng dahilan o katuwiran para sa
pagkaganap ng kilos. Ang mga ito ay: dahil sa, sanhi sa, sapagkat, mangyari.
Halimbawa:
a. Namaos siya dahil sa matagal na pagtatalumpati.
b. Sanhi sa init ng panahon kaya siya nilagnat.
c. Umapaw ang ilog sapagkat walang tigil ang ulan.
d. Nahilo si Anna mangyari ay ikot siya nang ikot.
5. Panapos - nagsasabi ito ng nalalapit na katapusan ng
pagsasalita, gaya ng: upang, sa lahat ng ito, sa di-kawasa, sa wakas, at sa
bagay na ito.
Halimbawa:
a. Sa di-kawasa, ang pulong ay tinapos na.
b. Makukuha ko na rin sa wakas ang inaasam kong promosyon sa
trabaho.
c. Sa lahat ng ito, dapat tayong magkaisa.
d. Sa bagay na ito, nasa ating mga kamay na ang paghuhusga.
6. Panlinaw - ginagamit ito upang ipaliwanag ang bahagi o
kabuuan ng isang banggit.
Halimbawa:
a. Nagkasundo na ang mag-asawa, kung gayon magsasama na
silang muli.
b. Nahuli na ang tunay na maysala kaya makakawala na si
Berto.
7. Panimbang - ginagamit sa paghahayag ng karagdagang impormasyon at kaisipan, gaya ng: at - saka,
pati, kaya, anupa’t.
Halimbawa:
a. Sina Jose at Pedro ay nagtungo sa bukid.
b. Pati ang gamit ng iba ay kanyang iniligtas.
c. Anupa't pinagbuti niya ang kanyang pag-aaral para
makaahon sa kahirapan.
d. Nagtanim siya ng upo at saka patola.
8. Pamanggit - gumagaya o nagsasabi lamang ng iba, tulad ng:
daw, raw, sa ganang akin/iyo, di umano.
Halimabawa:
a. Sa ganang akin, ang iyong plano ay mahusay.
b. Siya raw ang hari ng sablay.
c. Di umano, mahusay umawit si Blanca.
d. Masisipag daw ang mga taga-Ilokos.
9. Panulad - tumutulad ng mga pangyayari o gawa, tulad ng:
kung sino…siyang, kung ano…siya rin, kung gaano…siya rin.
Halimbawa:
a. Kung ano ang mga nangyayari noon, siya ring mangyayari
ngayon
b. Kung sino ang unang tumakbo, siyang mananalo.
c. Kung gaano ang iyong itinulong, siya ring ibibiyaya sa
iyo.
Source: http://teksbok.blogspot.com
No comments:
Post a Comment