1. Kung Bakit Dinadagit
ng Lawin ang mga Sisiw
Taga-lunsod sina Roy at Lorna. Ibig na ibig nila ang pagtira
sa bukid nina Lola Anding at Lolo Andres tuwing bakasyon. Marami at sariwa ang
pagkain sa bukid. Bukod dito, marami rin bagong karanasan at kaalaman ang
kanilang natutuhan.
Isang tanghali, habang nangangakyat ang magkapatid sa punong
bayabas, ay kitang-kita nila ang lawin na lumilipad pababa. Nagtakbuhan ang mga
sisiw sa ilalim ng damo. Naiwan ang inahing manok na anyong lalaban sa lawin.
Mabilis na bumaba sa punong bayabas ang magkapatid at
sinigawan nila ang lawin na mabilis na lumipad papalayo. Natawag ang pansin
nina Lola Anding at Lolo Andres sa sigaw ng magkakapatid. Mabilis silang nanaog
ng bahay at inalam kung ano ang nangyayari.
Kitang-kita po namin na dadagitin ng lawin ang mga sisiw ng
inahing manok kaya sumigaw po kami, paliwanang ni Roy.
Lolo, bakit po ba dinadagit ng lawin ang mga sisiw ng
inahing manok? tanong ni Lorna.
May magandang kuwento ang inyong Lola Anding na sasagot sa
inyong tanong na iyon, sagot ni Lolo Andres.
Halina na kayo sa upuang nasa lilim ng punong bayabas, wika
ni Lola Anding. Makinig kayong mabuti. Ganito ang kuwento.
Noong araw, magkaibigan si Inahing Manok at si Lawin.
Minsan, nanghiram ng singsing si Inahing Manok kay Lawin upang gamitin niya sa
pista sa kabilang nayon. Naroroon si Tandang at ibig niyang maging maganda sa
paningin nito. Tinanggal ni Lawin ang suot niyang singsing at ibinigay niya ito
kay Inahing Manok.
Ingatan mong mabuti ang singsing ko, Inahing Manok.
Napakahalaga niyan sapagkat bigay pa iyan sa akin ng aking ina.
Maluwag sa daliri ni Inahing Manok ang hiniram sa singsing
ngunit isinuot pa rin niya ito.
Salamat, Lawin, wika ni Inahing Manok. Asahan mong iingatan
ko ang iyong singsing.
Kinabukasan, maaga pa lamang ay nagbihis na si Inahing
Manok. Isinuot niya ang hiniram na singsing at pumunta na sa kabilang nayon.
Maraming bisita si Tandang at nagsasayawan na sila nang dumating si Inahing
Manok. Nang makita ni Tandang si Inahing Manok ay kaagad niyang sinalubong nito
at isinayaw. Masaya ang pista. Sari-sari ang handa ni Tandang. Tumagal ang
sayawan hanggang sa antukin na si Inahing Manok.
Pagkagising ni Inahing Manok ng umagang iyon ay napansin
niyang nawawala ang hiniram niyang singsing kay Lawin. Natakot si Inahing Manok
na baka tuluyang mawala ang hiniram niyang singsing. Kaya hanap dito, hanap
doon, kahig dito, kahig doon ang ginawa ni Inahing Manok. Ngunit hindi niya
makita ang nawawalang singsing. Nagalit si Lawin at sinabi na kapag hindi
nakita ni Inahing Manok ang singsing ay kukunin at kanyang dadagitin ang
magiging anak na sisiw ni Inahing Manok.
Araw-araw ay naghahanap si Inahing Manok ng nawawalang
singsing. Maging ang iba pang inahing manok ay naghahanap na rin ng nawawalang
singsing upang hindi dagitin ni Lawin ang kanilang mga sisiw. Ngunit hindi nila
makita ito hanggang tuluyan nang magkagalit si Lawin at si Inahing Manok.
Namatay na si Inahing Manok at namatay na rin si Lawin
ngunit magkagalit pa rin ang humaliling mga inahing manok at lawin. Magmula na
noon hanggang sa kasalukuyan ay di pa nakikita ang nawawalang singsing kaya
dinadagit pa ng lawin ang mga sisiw ng inahing manok.
2. Bakit May Pulang
Palong Ang Mga Tandang
Nakapagtataka kung bakit may pulang palong ang mga tandang.
Kapansin-pansin din na kapag pulang-pula ang palong ng tandang ay magilas na
magilas ito. Para bang binata na nagpapaibig sa mga dalaga.
Ayon sa kuwento, may mag-ama raw napadpad ng bagyo sa isang
baryo sa pulo ng Masbate. Ang ama ay nakilala ng mga tao sa nayon dahil sa
kawili-wiling mga palabas nito na mga salamangka o mahika. Tinawag nilang
Iskong Salamangkero ang kanilang bagong kanayon. Bukod sa pagiging magalang,
masipag, mapagkumbaba ay mabuting makisama sa mga taga nayon si Iskong
Salamangkero. Madali siyang nakapaghanap ng masasakang lupa na siyang
pinagmulan ng kanilang ikinabubuhay na mag-ama.
Kung anong buti ng ama ay siya namang kabaliktaran ng anak
nitong si Pedrito. Siya ay tamad at palabihis. Ibig ni Pedrito na matawag
pansin ang atensyon ng mga dalagita. Lagi na lamang siyang nasa harap ng
salamin at nag-aayos ng katawan. Ang paglilinis ng bahay at pagluluto ng
pagkain na siya lamang takdang gawain ni Pedrito ay hindi pa rin niya
pinagkakaabalahan ang pag-aayos ng sarili. Kapag siya ay pinagsasabihan at
pinangangaralan ng ama ay nagagalit siya at sinagot-sagot niya ito.
Isang tanghali, dumating sa bahay si Iskong Salamangkero
mula sa sinasakang bukid na pagod na pagod at gutom na gutom. Dinatnan niya na
wala pang sinaing at lutong ulam si Pedrito. Tinawag niya ang anak ngunit
walang sumasagot kaya pinuntahan niya ito sa silid. Nakita niya sa harap ng
salamin ang anak na hawak ang pulang-pulang suklay at nagsusuklay ng buhok.
Pedrito, magsaing ka na nga at magluto ng ulam. Gutom na
gutom na ako, anak, wika ni Iskong Salamangkero.
Padabog na hinarap ni Pedrito ang ama at kanyang sinagot
ito.
Kung kayo ay nagugutom, kayo na lamang ang magluto. ako ay
hindi pa nagugutom. At nagpatuloy ng pagsusuklay si Pedrito ng kanyang buhok.
Nagsiklab ang galit na si Iskong Salamangkero sa anak. Sinugod
niya si Pedrito at kinuha ang pulang suklay. Inihampas niya ito sa ulo ng anak
at malakas niyang sinabi Mabuti pang wala na akong anak kung tulad mong tamad
at lapastangan. Sapagkat lagi la na lamang nagsusuklay ang pulang suklay na ito
ay mananatili sana iyan sa tuktok ng iyong ulo. At idiniin ni Isakong
Salamangkero ang pulang suklay sa ulo ni Pedrito.
Dahil sa kapangyarihang taglay ni Isko bilang magaling na
salamangkero, biglang naging tandang ang anak na tamad at lapastangan. At ang
suklay sa ulo ni Pedrito ay naging pulang palong. Hanggang sa ngayon ay
makikita pa natin ang mapupulang palong sa ulo ng mga tandang.
3. Nakalbo ang Datu
Ang kuwentong ito ay tungkol sa ating kababayang Muslim. May
katutubong kultura ang mga Pilipinong Muslim tungkol sa pag-aasawa. Sa kanilang
kalinangan, ang isang lalaki ay maaaring mag-asawa nang dalawa o higit pa kung
makakaya nilang masustentuhan ang pakakasalang babae at ang magiging pamilya
nila.
May isang datu na tumandang binata dahil sa paglilingkod sa
kanyang mga nasasakupan. Lagi siyang abala sa pamamahala ng kanilang pook.
Nalimutan ng datu ang mag-asawa. Siya ay pinayuhan ng matatandang tagapayo na
kinakailangan niyang mag-asawa upang magkaroon siya ng anak na magiging
tagapagmana niya.
Napilitang mamili ang datu ng kakasamahin niya habang buhay.
Naging pihikan ang datu dahil sa dami ng magagandang dilag sa pinamumunuang
pamayanan. Sa tulong ng matiyagang pagpapayo ng matatandang bumubuo ng konseho,
natuto ring umibig ang datu. Ngunit hindi lamang iisang dilag ang napili ng
datu kundi dalawang dalagang maganda na ay mababait pa. Dahil sa wala siyang
itulak-kabigin kung sino sa dalawa ang higit niyang mahal kaya pinakasalan niya
ang dalawang dalaga.
Ang isa sa dalagang pinakasalan ng datu ay si Hasmin. Siya
ay batang-bata at napakalambing. Kahit na matanda na ang datu, mahal ni Hasmin
ang asawa. Mahal na mahal din siya ng datu kaya ipinagkaloob sa kanya ang bawat
hilingin niya. Dahil sa pagmamahal sa matandang datu, umisip si Hasmin ng
paraan upang magmukhang bata ang asawa.
Ah! Bubunutin ko ang mapuputing buhok ng datu. Sa ganito,
magmumukhang kasinggulang ko lamang siya.
Ganoon nga ang ginawa ni Hasmin. Sa tuwing mamamahinga ang
datu, binubunutan ni Hasmin ng puting buhok ang asawa. Dahil dito, madaling
nakakatulog ang datu at napakahimbing pa.
Mahal din ng datu si Farida, ang isa pa niyang asawa.
Maganda, mabait si Farida ngunit kasintanda ng datu. Tuwang-tuwa si Farida
kapag nakikita ang mga puting buhok ng datu. Kahit maganda siya, ayaw niyang magmukhang
matanda.
Tuwing tanghali, sinusuklayan ni Farida ang datu. Kapag
tulog na ang datu, palihim niyang binubunot ang itim na buhok ng asawa.
Dahil sa ipinakikitang pagmamahal ng dalawa sa asawa,
siyang-siya sa buhay ang datu. Maligayang-maligaya ang datu at pinagsisihan
niya kung bakit di kaagad siya nag-asawa. Ngunit gayon na lamang ang kanyang
pagkabigla nang minsang manalamin siya, Hindi niya nakilala ang kanyang sarili.
Kalbo! Kalbo, ako! sigaw ng datu.
Nakalbo ang datu dahil sa pagmamahal ni Hasmin at ni Farida.
4. Ang Punong Kawayan
Sa isang bakuran, may ilang punungkahoy na may kanya-kanyang
katangian. Mabunga ang santol, mayabong ang mangga, mabulaklak ang kabalyero,
tuwid at mabunga ang niyog. Ngunit sa isang tabi ng bakuran ay naroroon ang
payat na kawayan.
Minsan, napaligsahan ang mga punungkahoy.
Tingnan ninyo ako, wika ni Santol. Hitik sa bunga kaya mahal
ako ng mga bata.
Daig kita, wika ni Mangga. Mayabong ang aking mga dahon at
hitik pa sa bunga kaya maraming ibon sa aking mga sanga.
Higit akong maganda, wika ni Kabalyero. Bulaklak ko'y marami
at pulang-pula. Kahit malayo, ako ay kitang-kita na.
Ako ang tingnan ninyo. Tuwid ang puno, malapad ang mga dahon
at mabunga, wika ni Niyog. Tekayo, kaawa-awa naman si Kawayan. Payat na at wala
pang bulaklak at bunga. Tingnan ninyo. Wala siyang kakibu-kibo. Lalo na siyang
nagmumukhang kaawa-awa.
Nagtawanan ang mga punungkahoy. Pinagtawanan nila ang Punong
Kawayan.
Nagalit si Hangin sa narinig na usapan ng mga punungkahoy.
Pinalakas niya nang pinalakas ang kanyang paghilip. At isang oras niyang
pagkagalit ay nalagas ang mga bulaklak, nahulog ang mga bunga at nangabuwal ang
puno ng mayayabang na punungkahoy. Tanging ang mababang-loob na si Kawayan ang
sumunud-sunod sa hilip ng malakas na hangin ang nakatayo at di nasalanta.
5. Si Mariang
Mapangarapin
Magandang dalaga si Maria. Masipag siya at masigla. Masaya
at matalino rin siya. Ano pa't masasabing isa na siyang ulirang dalaga, kaya
lang sobra siyang pamangarapin. Umaga o tanghali man ay nangangarap siya. Lagi
na lamang siyang nakikitang nakatingin sa malayo, waring nag-iisip at
nangangarap nang gising. Dahil dito, nakilala siya sa tawag na Mariang
Mapangarapin. Hindi naman nagalit si Maria bagkos pa ngang ikinatuwa pa yata
niya ang bansag na ikinabit sa pangalan niya.
Minsan niregaluhan siya ng isang binata ng isang dosenang
dumalagang manok. Tuwang-tuwa si Maria! Inalagaan niyang mabuti ang alaalang
bigay sa kanya ng iisang manliligaw niya. Nagpagawa siya sa kanyang ama ng
kulungan para sa mga manok niya. Higit sa karaniwang pag-aalaga ang ginawa ni
Maria. Pinatuka niya at pinaiinom ang mga ito sa umaga, sa tanghali at sa
hapon. Dinagdagan pa ito ng pagpapainom ng gamot at pataba. At pinangarap ni
Maria ang pagdating ng araw na magkakaroon siya ng mga inahing manok na
magbibigay ng maraming itlog.
Lumipas ang ilang buwan hanggang sa dumating ang araw na
nag-itlog ang lahat na inahing manok na alaga ni Maria. Labindalawang itlog ang
ibinibigay ng mga inahing manok araw-araw. At kinuwenta ni Maria ang bilang ng
itlog na ibibigay ng labindalawang alagang manok sa loob ng pitong araw sa
isang linggo. Kitang-kita ang saya ni Maria sa kanyang pangarap.
At inipon na nga ni Maria ang itlog ng mga inahing manok sa
araw-araw. Nabuo ito sa limang dosenang itlog. At isang araw ng linggo ay pumunta
sa bayan si Maria. Sunong niya ang limang dosenang itlog. Habang nasa daan ay
nangangarap nang gising si Maria. Ipagbibili niyang lahat ang limang dosenang
itlog. Pagkatapos, bibili siya ng magandang tela, ipapatahi niya ito ng
magandang bistida at saka lumakad siya ng pakendeng-kendeng. Lalong pinaganda
ni Maria ang paglakad nang pakendeng-kendeng at BOG!
Nahulog ang limang dosenang itlog! Hindi nakapagsalita si
Maria sa kabiglaan. Saka siya umiyak nang umiyak. Naguho ang kanyang pangarap
kasabay ng pagbagsak ng limang dosenang itlog na kanyang sunung-sunong.
6. Si Juan at ang mga
Alimango
Isang araw si Juan ay inutusan ng kanyang inang si Aling
Maria. "Juan, pumunta ka sa palengke at bumili ng mga alimangong maiuulam
natin sa pananghalian. "Binigyan ng ina si Juan ng pera at pinagsabihang
lumakad na nang hindi tanghaliin.
Nang makita si Juan sa palengke ay lumapit siya sa isang
tinderang may tindang mga alimango at nakiusap na ipili siya ng matataba.
Binayaran ni Juan ang alimango at nagpasalamat sa tindera.
Umuwi na si Juan ngunit dahil matindi ang sikat ng araw at
may kalayuan din ang bahay nina Juan sa palengke ay naisipan ni Juan na
magpahinga sa ilalim ng isang punungkahoy na may malalabay na sanga. Naisip
niyang naghihintay sa kanya ang ina kaya't naipasya niyang paunahin nang
pauwiin ang mga alimango. "Mauna na kayong umuwi, magpapahinga muna ako,
ituturo ko sa inyo ang aming bahay. Lumakad na kayo at pagdating sa ikapitong
kanto ay lumiko kayo sa kanan, ang unang bahay sa gawing kaliwa ang bahay
namin. Sige, lakad na kayo."
Kinalagan ni Juan ang mga tali ng mga alimango at pinabayaan
nang magsilakad ang mga iyon. Pagkatapos ay humilig na sa katawan ng puno.
Dahil sa malakas ang hangin ay nakatulog si Juan. Bandang hapon na nang
magising si Juan. Nag-inat at tinatamad na tumayo. Naramdaman niyang kumakalam
ang knyang sikmura. Nagmamadali nang umuwi si Juan. Malayu-layo pa siya ay
natanaw na niya ang kanyang ina na naghihintay sa may puno ng kanilang hagdan.
Agad na sinalubong ni Aling Maria ang anak pagpasok nito sa tarangkahan.
"Juan, bakit ngayon ka lang umuwi, nasaan ang mga alimango?"
"Bakit po? Hindi pa po ba umuuwi?" Nagulat ang ina sa sagot ni Juan.
"Juan, ano ang ibig mong sabihin?" Nanay, kaninag umaga ko pa po
pinauwi ang mga alimango. Akala ko po ay narito na."
"Juan, paanong makauuwi rito ang mga alimango? Walang
isip ang mga iyon." Hindi naunawaan agad ni Juan ang paliwanag ng ina.
Takang-taka siya kung bakit hindi nakauwi ang mga alimango. Sa patuloy na
pagpapaliwanag ng ina ang mga alimango ay hindi katulad ng mga tao na may isip
ay pagpapaliwanag ni Juan na mali nga ang ginawa niyang pagpapauwi sa mga
alimango.
7. Naging Sultan si
Pilandok
Ang kinagigiliwang Juan ng katagalugan ay may katumbas sa
mga Maranaw - si Pilandok.
Si Pilandok ay nahatulang ikulong sa isang kulungang bakal
at itapon sa dagat dahil sa isang pagkakasalang kanyang ginawa.
Pagkalipas ng ilang araw, ang sultan ay nanggilalas nang
makita si Pilandok sa kanyang harap na nakasuot ng magarang kasuotan ng sultan.
Nakasukbit sa kanyang baywang ang isang kumikislap na ginituang tabak.
"Hindi ba't itinapon ka na sa dagat?" nagtatakang
tanong ng sultan kay Pilandok. "Siya pong tunay, mahal na Sultan,"
ang magalang na tugon ni Pilandok. "Paanong nangyaring ikaw ay nasa harap
ko at nakadamit nang magara? Dapat ay patay ka na ngayon," ang wika ng
sultan.
"Hindi po ako namatay, mahal na sultan sapgkat nakita
ko po ang aking mga ninuno sa ilalim ng dagat nang ako'y sumapit doon. Sila po
ang nagbigay sa akin ng kayamanan. Sino po ang magnanais na mamatay sa isang
kahariang masagana sa lahat ng bagay?" ang paliwanag ni Pilandok.
"Marahil ay nasisiraan ka ng bait," ang sabi ng ayaw maniwalang
sultan. "Nalalaman ng lahat na walang kaharian sa ilalim ng dagat."
"Kasinungalingan po iyan! Bakit po naririto ako ngayon?
Ako na ipinatapon ninyo sa gitna ng dagat. Ako na ikinulong pa ninyo sa hawla
ay naririto ngayon at kausap ninyo," ang paliwanag ni Pilandok. "May
kaharian po sa ilalim ng dagat at ang tanging paraan sa pagtungo roon ay ang
pagkulong sa hawla at itapon sa gitna ng dagat. Ako po'y aalis na at marahil ay
hinihintay na ako ng aking mga kamag-anak." Umakmang aalis na si Pilandok.
"Hintay," sansala ng sultan kay Pilandok.
"Isama mo ako at nais kong makita ang aking mga ninuno, ang sultan ng mga
sultan at ang iba ko pang kamag-anak." Tatawagin na sana ng sultan ang mga
kawal ngunit pinigil siya ni Pilandok at pinagsabihangwalang dapat makaalam ng
bagay na iyon. Dapat daw ay mag-isang pupunta roon ang Sultan sa loob ng isang
hawla.
"Kung gayon ay ilagay mo ko sa loob ng hawla at itapon
mo ako sa gitna ng dagat," ang sabi ng sultan. "Sino po ang mamumuno
sa kaharian sa inyong pag-alis?" ang tanong ni Pilandok. "Kapag
nalaman po ng iba ang tingkol sa sinabi ko sa inyong kaharian sa ilalim ng
dagat ay magnanais silang magtungo rin doon."
Sandaling nag-isip ang sultan at nakangiting nagwika,
"Gagawin kitang pansamantalang sultan, Pilandok. Mag-iiwan ako ngayon din
ng isang kautusang ikaw ang pansamantalang hahalili sa akin."
"Hintay, mahal na Sultan," ang pigil ni Pilandok. "Hindi po ito
dapat malaman ng inyong mga ministro."
"Ano ang nararapat kong gawin?" ang usisa ng
sultan. "Ililihim po natin ang bagay na ito. Basta't ipagkaloob ninyo sa
akin ang inyong korona, singsing at espada. Pag nakita ang mga ito ng inyong
kabig ay susundin nila ako," ang tugon ni Pilandok.
Pumayag naman ang sultan. Ibinigay na lahat kay Pilandok ang
hinihingi at isinakay sa isang bangka. Pagdating sa gitna ng dagat ay inihagis
ang hawlang kinalululanan ng sultan. Kaagad lumubog ang hawla at namatay ang
sultan. Mula noon si Pilandok na ang naging sultan.
8. Ang Diwata ng
Karagatan
Sa isang nayon, ang mga tao ay masaya at masaganang
namumuhay. Mapagpala ang kalikasan sa kanila. Ang pangunahing hanapbuhay nilay
ay ang pangingisda. Sagana sa maraming isda ang karagata. May isang diwatang
nagbabantay at nag-aalaga sa mga isda at ito'y nalalaman ng mga taganayon.
Ngunit may mga taong sakim, ibig nilang makahuli ng maraming-maraming isda
upang magkamal ng maraming salapi. Gumamit sila ng dinamita kaya't labis na
napinsala ang mga isda, pati ang maliliit ay namatay.
Nagalit ang diwata sa kasakiman ng mga tao kaya't mula noon
ay wala nang mahuli kahit na isda ang mga tao. Naghirap at nagutom ang mga tao
at naging pangit na rin ang karagatan na dati'y sakdal ganda. Nagpulong ang mga
taganayon at napagpasyahan nilang humingi ng tawad sa diwatang nangangalaga sa
karagatan. Nakiusap din silang ibalik na ang dating ganda ng karagatan at
gayundin ang mga isda. Nangako sila na hindi na gagamit ng anumang makasisira
sa kalikasan.
Mula nang sila'y humingi ng tawad sa diwata ay bumalik na
ang ganda ng karagatan at muling dumami ang mga isda. Nanaganang muli ang
kabuhayan ng mga tao.