Ano ang Tanaga?
Ang tanaga ay isang maikling katutubong Pilipinong tula na
naglalaman ng pang-aral at payak na pilosopiyang ginagamit ng matatanda sa
pagpapagunita sa mga kabataan. Binubuo ito ng apat na taludtod, at bawat
taludtod ay may pitong pantig. May tugmang isahan (aaaa) ang sinaunang anyo
nito, ngunit pinasukan ng eksperimentasyon ng mga makata sa paglipas ng
panahon. Kabilang sa mga pagbabago ang pagpapasok ng tugmaang inipitan (abba),
salitan (abab), at sunuran (aabb).
Ilan sa mga katangian ng tanaga ang masining na
pagkasangkapan sa talinghaga (metaphor), ang pagtitimpla ng mga imahen, ang
pagpapaindayog ng tunog ng mga salita, at ang banayad na pagpapahiwatig mula sa
inilalarawan, inihahambing, o inilalahad na bagay, pangyayari, o tagpo.
Halimbawa ng Tanaga
Anay
Reynang nakahilata,
Alipi'y nangaypapa,
Lumawit man ang dila,
Sundalo'y tatalima.
Kamote
Itinanim na binhi,
Lumaki at ngumiti,
Nang hukayi't tagbisi,
Kasinlaki ng binti.
Isip-Kolonyal
Ang anyo mo ay sipi,
Nalimot na ang lahi.
Sa dayuha'y natali,
Sarili'y inaglahi.
Aso
Mataas sa pag-upo,
Mababa 'pag tumayo.
Kaibigan kong ginto,
Karamay at kalaro.
Makopa
Kampanilya ni Kaka,
Kulay rosas ang mukha.
Piping tunog ang ngawa,
Makatas 'pag nginuya.
Pusa
Matanda na ang nuno,
Hindi pa naliligo.
Sa tubig nagtatago,
Tinik ang sinusuyo.
Sandok
Tangkay itong kakaiba,
Ang dahon ay nag-iisa.
Walang ugat, walang sanga,
Kasa-kasama ni Ina.
Makahiya
Nahihiya ang dalaga,
Mukha'y ayaw ipakita.
Nagtatago sa balana,
Sa hipo ay umaalma.
Hapunan
Iniluto sa tahuri
Ang isdang napakalaki
Inihain isang gabi
Kasabay ng kanin pati.
Bulaklak sa Kasal
Makulay ang ramilyete,
Tangan-tangan ng babae.
Sa kasal ay importante,
Daig pa ang diyamante.
Kasuy
Amoy nito ay mabango,
Kung mamasda'y malilito,
Ang nakalabas ay buto,
Na para bang nagtatampo
Kawayan
Naaayon sa kuwento,
Nilalang ay galing dito,
Walang pinto, puro kwarto,
Doble sarado-kandado.
Kaibigan
Ang katoto kapag tunay
hindi ngiti ang pang-alay
kundi isang katapatan
ng mataus na pagdamay.
Kabibi
Kabibi, ano ka ba?
May perlas, maganda ka;
Kung idiit sa taynga,
Nagbubunitunghininga!
Palay
Palay siyang matino,
Nang humangi’y yumuko;
Nguni’t muling tumayo
Nagkabunga ng ginto
Tag-init
Alipatong lumapag
Sa lupa — nagkabitak,
Sa kahoy nalugayak,
Sa puso — naglagablab!
Pag-ibig
Wala iyan sa pabalat
at sa puso nakatatak,
nadarama’t nalalasap
ang pag-ibig na matapat.
Sanggol
Pag ang sanggol ay ngumiti
nawawala ang pighati,
pag kalong mo’y sumisidhi
ang pangarap na punyagi.
Pananampalataya
Ang taong bukas-pala
Ay madaling umunlad
Kamay ay nakalahad
Sa biyaya N'yang gawad.
Kalikasan
Sa tikatik na ambon
Umaawit ang dahon,
Sumisilong ang ibon,
Sumasayaw ang alon.
Bayan
'Pag palasyo'y pinasok
Ng buwayang niluklok
Sistema'y mabubulok
Baya'y maghihimutok.
Nagbibigay aral
Mag-ipon sa'yong gusi
Nang ika'y may mahasi.
Pagdating ng tagbisi*
ay 'di ka magsisisi.
Kurakot
Inumit na salapi
Walang makapagsabi
Kahit na piping saksi
Naitago na kasi.
Mataas Pa
Itong dumapong langaw
Sa tuktok ng kalabaw
Ay tiyak masisilaw,
Sa sikat na tinanaw.
Sipag
Magsikhay ng mabuti
Sa araw man o gabi
Hindi mamumulubi
Magbubuhay na hari.
Slow
Hindi ko rin malaman,
Hindi maunawaan
Mapurol kong isipan,
Isalang sa hasaan.
Tunay Na Yaman
Ako ay Filipino
Kulay tanso ng mundo
Ngunit tunay kong ginto
Nasa aking sentido.
Pipi
Puso ko’y sumisigaw
May bulong na mababaw,
Hindi naman lumitaw
Tinig ko’t alingawngaw!
Filipino
Tagalog ang wika ko
Hindi sikat sa mundo
Ngunit lantay at wasto
At dakilang totoo.
Ikaw Lang
Dasal ko sa Bathala
Sana’y makapiling ka
Sa luha ko at dusa
Ikaw ang aking sigla.
Paslit
Maraming mga bagay,
Na sadyang lumalatay,
Isip ko’y walang malay,
Sa hiwaga ng buhay?
Tanaga
Ang tanaga na tula
Ay sining at kultura
Tatak ng ating bansa
Hanggang wakas ng lupa.
No comments:
Post a Comment