Ang kuwento ng Florante at Laura ay
nagsisimula sa isang madilim na gubat sa may dakong labas ng bayang Albanya,
malapit sa ilog Kositong na ang tubig ay makamandag. Dito naghihimutok ang
nakataling Florante na inusig ng masamang kapalaran. Ang mga gunita niya ay
naglalaro sa palagay niya ay nagtaksil na giliw na si Laura, sa kanyang
nasawing ama, at kahabag-habag na kalagayan ng bayan niyang mahal.
Sa gubat ay nagkataong may
naglalakad na isang Moro na nagngangalang Aladin. Narinig niya ang tinig ni
Florante at dali-dali niya itong tinunton. Dalawang leon ang handang sumakmal
sa lalaking nakatali. Pinatay ni Aladin ang dalawang mababangis na hayop at
kanyang kinalagan at inalagaan si Florante hanggang sa muling lumakas.
Ikinuwento ni Florante ang kanyang
buhay. Siya ay anak nina Duke Briseo at Prinsesa Floresca. Muntik na siyang
madagit ng buwitre at iniligtas siya ng kanyang pinsang si Menalipo na
taga-Epiro. Sinambilat ng isang halkon ang kwintas niyang diyamante. Pinadala siya ng kanyang ama sa Atena upang
mag-aral sa ilalim ng gurong si Antenor. Natagpuan niya doon ang kanyang
kababayang si Adolfo na kanya ring lihim na kaaway. Iniligtas siya ni Menandro
sa mga taga ni Adolfo nang minsang magtanghal sila ng dula sa kanilang
paaralan. Tapos ay nakatangap si Florante ng liham tungkol sa pagkamatay ng
sinisinta niyang ina.
Pagkabalik niya sa Albanya kasama
ang matalik niyang kaibigang si Menandro, pinatay niya si Heneral Osmalik na
kumubkob sa Krotona. Nagkaroon siya ng mga tagumpay sa labimpitong kahariang
di-pa-binyagan matapos niyang iligtas si Laura sa hukbo ni Aladin na umagaw sa
Albanya nang siya’y nakikipaglaban sa ibang bayan. Natalo din niya ang Turkong
hukbo ni Miramolin at iba pa. Nagwakas ang kanyang pagsasalaysay sa pandarayang
ginawa sa kanya ni Adolfo matapos kunin ang trono ng Albanya at agawin sa kanya
si Laura.
Nagpakilala ang Moro na siya’y si
Aladin, kaaway na mahigpit ng relihiyong Kristiyano at ng bayan ni Florante.
Ang kanyang kapalaran ay sinlagim ng kay Florante. Inagaw sa kanya ng kanyang
amang si Sultan Ali-Adab ang kanyang kasintahang si Flerida.
Pagkatapos ng pagsasalaysay ay
narinig nila ang dalawang tinig na nag-uusap. Tumayo ang dalawang lalaki at
nakita nila sina Laura at Flerida na nag-uusap. Si Flerida’y tumakas sa Persya
upang hanapin si Aladin at nang mapagawi siya sa may dakong gubat ay
nasumpungan niya si Laura na ibig gahasain ni Adolfo, pinana niya ito at
naligtas si Laura sa kamay ng sukab.
Ikinuwento ni Laura ang paghuhuwad
ni Adolfo sa lagda ng kanyang ama upang madakip si Florante. Isinalaysay niya
ang pamimilit ni Adolfo sa kanya at pagdadala sa gubat.
Sa ganoon ay nabatid nina Florante
at Aladin na ang kani-kanilang mga katipan ay pawang tapat sa kanila. Sina
Florante at Laura ay matagumpay na naghari sa Albanya at sina Aladin at
Flerida, pagkatapos na maging binyagan at pagkamatay ni Sultan Ali-Adab, ay
naghari sa Persya.
No comments:
Post a Comment