Noong unang panahon sa malayong
reyno ng Berbanya, mapayapa at masayang namumuhay ang mga mamamayan nito na di
nakakakilala ng ligalig. Ito ay utang ng
lahat sa mabuting pamamalakad ng mabait na Haring Fernando at ng kanyang
butihing maybahay na si Reyna Veleriana.Tatlong makikisig na binata ang
kanilang mga anak na kapwa lugod ang mga kanilang puso. Isa sa kanila ang nakatadhanang magmana ng
setro at korona ng kaharian ng Berbanya.
Si Don Pedro ang panganay sa tatlo,
at siya ay naniniguro na siya ang magiging tagapagmana ng korona. Malakas siya, matikas at kinagugulatan ng
lahat sa paghawak ng espada. Sumunod sa
panganay ay si Don Diego, ang binatang taring kung turingan, malilikot ang mga
mata at tunay na mabilis sa mga dalaga.
Siya’y mahusay din sa espada. At
ang bunso ay si Don Juan na bagama’y mahiyain at may katangiang mababang-loob
ay tunay na kaakit-akit at itinitibok ng puso ng mga kadalagahan sa buong sakop
ng kaharian. Sino sa tatlo ang karapat-dapat na magmana ng trono? Iyan ang kaisipang bumabagabag sa kalooban ng
matandang Haring Fernando. Sa labis na
pag-iisip na iyon at dahil na din sa katandaan marahil ay naratay ang hari sa
isang di maipaliwanag na pagkakasakit.
Ipinatawag ang mga magagaling na
manggagamot. Subalit hindi matuklasan ng
mga dalubhasa ng reyno kung ano ang sanhi ng kanyang karamdaman. Nagdulot ito ng labis na pag-aalala sa
reyna. Ang pagkakasakit ng hari ay
ikinabahala ng labis ng buong kaharian.
Ito’y labis ding dinamdam ng bunsong anak na si Don Juan subalit hindi
nina Don Pedro at Don Diego na waring ang pagkakasakit ng ama ay isang bagay na
dapat agahan kundi man malaon nang kainipan. Nang gabing iyon, habang
tinatangay ng nakahihibang na lagnat ang balisang hari sa kanyang himlayan ay
isang waring panaginip ang kaniyang gunita.
Isang pagkaganda-gandang diwata na mistulang sugo ng langit ang nanaog
upang ihatid sa kanya ang balita sa magsisilbing lunas sa kaniyang karamdaman.
Dahil hanggang ngayo’y hindi pa
napagpasiyahan ng hari kung sino ang magiging tagapagmana ng kaharian. Ang kaniyang karamdaman ay ibinigay sa hari
upang matulungan siyang magpasiya. Dito
nakasalalay ang kinabukasan ng kaharian ng Berbanya. Kung sinuman sa mga anak ng hari ang
makakapagpagaling ay siyang karapat-dapat na maging tagapagmana ng setro at
korona. Sa Bundok ng Enkantadong Tabor ay namumugad ang Ibong Adarna, kung sino
sa anak ng hari ang makakahuli at magdadala nito sa hari ay siya ang kaniyang
pipiliin. Sa sandaling madala na ang
ibon at marinig itong umawit, ang hari ay gagaling. Isinalaysay ng hari kay Reyna Valeriana ang
panaginip na dumalaw sa kanya. Ito ay
nagbigay ng ibayong pag-asa sa kanyang nanlulumong kalooban dahil sa
karamdaman.
At hindi nga nagtagal ay gumayak na
si Don Pedro upang patunayan sa lahat na siya ang tunay na tagapagmana ng setro
at korona. Ipinagbunyi ng buong lugod ng
mga mamamayan ang paglisan ni Don Pedro upang hanapin ang Ibong Adarna. Ang lahat ay umaasang magtatagumpay ang
prinsipe sa pagkuha ng lunas na magpapagaling sa minamahal nilang hari.
Kung ilang araw na binagtas ni Don
Pedro ang kasukalan ng gubat.
Nagpapahinga lamang siya upang kumain at matulog sa paghahangad na
makarating agad sa patutunguhan. Nang
sapitin niya ang rumaragasang ilog ay lalo siyang nagsikap na iyon ay
matawid. Sa kabilang pampang naroon ang
Bundok Tabor na kanyang hinahanap.
Inakyat niya ang matarik na daanan ng Bundok Tabor. Abot-abot ang kanyang hingal nang sapitin
niya ang tuktok ng bundok. Kasalukuyang
pinapawi niya ang matindi niyang gutom nang may dumating na isang matanda at
humihingi sa kanya ng pagkain. Hindi
niya ito binigyan ng pagkain.
Pinasok ni Don Pedro ang kakahuyan
ng Bundok Tabor. Unti-unti nang lumatag
ang kadiliman nang matanawan ni Don Pedro ang isang kakaibang puno. Lumalalim ang gabi at nabagot sa paghihintay
ang prinsipe hanggang sa siya ay dalawin ng matinding antok. Nang sumapit ang hatinggabi ay nakatulog na
si Don Pedro at hindi niya naulinigan ang pagaspas ng mga pakpak ng Ibong
Adarna na patungo sa punong pinagkakanlungan niya. Dumapo ito sa sanga ng puno sa ibabaw ng
tinutulugang lugar ni Don Pedro. Nang
matiyak ng Ibong Adarna na natutulog si Don Pedro ay nagsimula itong umawit ng
buong lambing. Makapitong ulit umawit
ang Ibong Adarna at sa lambing ng mga awit ay humanda ang Ibong Adarna upang
matulog subalit ito ay dumumi muna. At
sa ilalim ng puno ay napatakan ng dumi ng ibon ang nahihimbing na
prinsipe. Noon din ay naging bato si Don
Pedro at buong tiwasay na natulog ang Ibong Adarna na parang walang nangyari.
Lumipas ang marami pang mga araw,
at sa palasyo ay ipinatawag naman ni Haring Fernando si Don Diego. Dinatnan ni Don Diego ang kanyang inang reyna
at amang hari na naghihintay. Sinabi ni
Haring Fernando na ilang araw nang wala si Don Pedro kaya siya ay nangangamba
na baka hindi ito nagtagumpay kaya naman kay Don Diego na ngayon nakasalalay
ang kanyang kaligtasan. Buong-puso naman
na sumunod ang prinsipe sa hari.
Naglakbay noon din si Don Diego.
Sa kasamaang palad ay sinapit din niya ang nangyari kay Don Pedro at
naging bato din. Nabigo na naman ang
hari na magamot ang kanyang karamdaman.
Si Don Juan ay labis na nag-aalala
sa kanyang mga kapatid. Ipinasya niyang
dumulog sa kanyang amang hari at nagpaalam na siya naman ang maglalakbay. Aalamin niya kung ano ang nanyari sa kanyang
mga kapatid at para mahuli at maiuwi na din sa palasyo ang Ibong Adarna.
Hindi nag-aksaya ng panahon si Don
Juan. Noon din, matulin niyang binagtas
ang madilim na kagubatan. Mula sa
malagim na kagubatan ay walang gulat naman niyang tinawid ang rumaragasang ilog
at sinapit niya ang kabilang pampang na walang anumang sakunang naganap. Kakain na lamang sana si Don Juan nang
mapalingon siya sa may kakahuyan sa pagkarinig sa panaghoy ng isang nilalang na
dumaraing. Likas na may busilak na
kalooban si Don Juan kaya binigyan niya ito ng pagkain. Tinanong ng matanda kung ano ang sadya ni Don
Juan. Sinabi niya ang dahilan ng kanyang
paglalakbay, na hinahanap niya ang kanyang dalawang kapatid at ang Ibong
Adarna, na siyang tanging lunas sa kanyang amang may karamdaman. Nang malaman ng matanda ang kanyang pakay,
mahigpit na itong nagbilin: Bago mo
pangahasan ang paghuli sa Ibong Adarna ay makipagkita ka muna sa ermitanyo na
naninirahan sa isang kuweba sa Bundok ng Tabor.
Ang pag-akyat sa Bundok Tabor ay agad
sinimulan ni Don Juan. Nang sapitin niya
ang tuktok ng bundok ay buong panggigilalas niyang nakita ang malaparaisong
pangitain doon at ang punong may mga dahong pilak na kanyang sadya. Tunay siyang humanga sa kagandahang ibinihis
ng kalikasan at sa luntiang kapaligirang kanyang pinagmamasdan. Kapagdaka’y hinanap niya ang kuweba ng
ermitanyo na mahigpit na ibinilin ng matandang pulubi. Pinuntahan niya at magiliw siyang tinanggap
ng matandang ermitanyo. Ipinaghain pa
siya ng nito ng makakain. Namangha si
Don Juan nang makita na ang inihain sa kanya ay siya ding tinapay na inilimos
niya sa matandang pulubi. Paanong ang
tinapay na ipinagkaloob niya sa ketongin ay naputa sa ermitanyo? Si Don Juan na din ang sumagot sa kanyang
sarling katanungan.
Sinabi sa kanya ng ermitanyo,
Sapagkat naipamalas mo ang kabutihan ng kalooban ng mga sandaling sapitin mo
ang pook na ito ay nakatalaga ako ngayon na tulungan kang mahuli ang Ibong
Adarna.
Ang Ibong Adarna ay isang
engkantadong ibon na hindi mahuhuli ng gayun-gayon lamang. Mahiwaga ang kanyang awit at ang mapatakan ng
kanyang dumi ay nagiging bato.
Siya ay humahapon sa punong may mga
pilak na dahon kung sumasapit na ang hatinggabi. At sinumang naghihintay sa kanya ay
napipilitang makatulog sa pitong ulit na pag-awit sa ginagawa niya. Sa bawat awit niya ay nag-iiba ang anyo ng
kanyang mga plumahe. wika ng
ermitanyo.
Binigyan siya ng ermitanyo ng
pitong dayap. At mahigpit na ibinilin
na: Sa bawat awitin ng Ibong Adarna ay susugatan mo ang iyong bisig at pipigaan
ng dayap ang sugat upang sa kirot na mararamdaman ay hindi makatulog sa kabila
ng malambing niyang awit.
Pagkatapos ng pitong awit ay
magbabawas ang Ibong Adarna bago matulog.
Iwasan mong mapatakan ka noon kundi ay magiging bato ka. Ang taling gintong ito ang tanging mabisa
upang siya ay talian.
At isang bagay pa, sa sandaling
mahuli mo na ang Ibong Adrana ay sumalok ka ng tubig sa bukal na malapit sa
puno at ibuhos mo sa dalawang batong nasa ilalim ng puno upang bumalik ulit sa
dating anyo ang dalawa mong kapatid, sabi ng ermitanyo bago umalis si Don Juan.
Si Don Juan ay nagtungo sa
kinatitirikan ng puno sa Bundok ng Tabor.
Inabot siya doon ng hatinggabi sa paghihintay at di kawasa’y naulinigan
niya ang pagaspas ng mga pakpak na hudyat na ang Ibong Adarna ay dumarating na
upang humapon sa puno. Pagdapo sa sanga
ay pitong ulit na umawit ang Ibong Adarna ng buong tamis at lambing at pitong
ulit na nag-iba ng anyo ang kanyang plumahe.
Pitong ulit din na sinugatan ni Don Juan ang kanyang bisig at pinigaan
iyon ng dayap upang hindi makatulog sa lambing ng mga awiting iyon.
Matapos dumumi ang Ibong Adarna ay
natulog ito at agad namang inakyat ni Don Juan.
Pagkatapos niyang mahuli ang Ibong Adarna, pumunta agad siya sa ilog
upang kumuha ng tubig para ibuhos sa kanyang mga kapatid. Noon din ay nagbalik sa kanilang dating mga
anyo sina Don Pedro at Don Diego.
Gayon na lamang ang tuwa ni Don
Juan nang muling makita ang kanyang mga kapatid. Ipinaliwanag ni Don Juan ang buong pangyayari
sa dalawang kapatid at noon din ay pinagharian ang kanilang mga puso ng matinding
inggit. Nang magbukang liwayway, tinungo
nila Don Juan ang kuweba ng ermitanyo upang magpasalamat at magpaalam. Sila ay pinakain nito at ginamot din ang mga
sugat ni Don Juan. Pagkapahinga, ay
pinauwi na sila ng ermitanyo at pinayuhang walang manloloko o magtataksil isa
man sa kanila.
Hindi sumunod sa ermitanyo ang
dalawang prinsipe na si Don Pedro at si Don Diego. Si Don Juan ay walang awang pinagtulungang
bugbugin ng magkapatid na pinaghaharian ng inggit at pag-iimbot.
Nang makita nilang wala ng lakas at
halos hindi na humihinga si Don Juan, kinuha nila ang Ibong Adarna. Iniwan ng dalawa ang inaasahan nilang
mamamatay na si Don Juan at matulin silang nagbalik sa kaharian ng Berbanya.
Isang mabunying pagsalubong ang
inukol ng mamamayan ng reyno ng Berbanya sa dalawang animo’y mga bayaning
nagbalik. Ngunit pagdating nila doon ay
lulugo-lugo na ang ibon at ayaw nitong umawit.
Sinabi ng Ibong Adarna na aawit lamang siya sa harap ng tunay na
nakahuli sa kanya, at ito ay si Don Juan na binugbog ng dalawang kapatid na
prinsipe.
Si Don Juan naman ay halos di
makatayo sa kanyang kalagayan dahil sa natamo niyang matinding
pambubugbog. Kaya’t siya’y matimtim na
nanalangin sa Birheng Maria upang siya ay tulungan. Parang tinugon naman ang kanyang panalangin,
dahil may dumating na isang matanda at siya ay ginamot.
Agad na umuwi sa kaharian si Don
Juan sa pangambang hindi niya maabutang buhay ang kanyang amang hari. Pagdating ni Don Juan, noon din ay
pumailanglang at napuno ang buong silid ng matamis at malambing na awitin ng
Ibong Adarna. At sa pag-awit na iyon ng
Ibong Adarna, agad na gumaling ang karamdaman ni Haring Fernando.
Nagpatawag ng isang pagpupulong ang
hari sa konseho. Napagkaisahan na
parusahan ang dalawang prinsipe sa pamamagitan ng pagtapon sa dalawa upang
hindi na makasama ni Don Juan. Ngunit sa
kabaitang taglay ni Don Juan ay hindi niya hinayaang maparusahan ang kanyang
mga kapatid.
Dahil sa Adarna, gumaling si Haring
Fernando, kaya naman pinabantayan niya ang Ibong Adarna sa tatlo niyang
anak. Kung sinuman ang magpapakawala
nito ay mapaparusahan ng kamatayan.
Sina Don Pedro at Don Diego ay
likas na may kasamaang ugali. Isang
gabi, nang si Don Juan ang nagbabantay ay tila nakatulog. Marahang lumapit si Don Pedro sa ibon at ito
ay kanyang pinakawalan. Lumipad papalayo
ang Ibong Adarna sa kaharian ng Berbanya.
Nang magising si Don Juan ay laking pagtataka niya nang makitang wala na
ang Ibong Adarna. Natakot si Don Juan
dahil alam niyang mapaparusahan siya ng kamatayan. Napagpasiyahan ni Don Juan na umalis upang
hanaping muli ang Ibong Adarna.
Nang magising si Haring Fernando,
nakita niyang wala na sa hawla ang Ibong Adarna. Tinanong niya sina Don Pedro at Don Diego
kung sino ang nagpakawala sa Adarna. Ang
isinagot ng dalawa ay si Don Juan. Akala
ng dalawa ay naisahan na nila ang kanilang bunsong kapatid ngunit dahil sa
nawawala si Don Juan, ay agad inutos ng amang hari sa kanila na hanapin si Don
Juan.
Nang natagpuan nila si Don Juan sa
Bundok ng Armenia, napag-isip-isip nina Don Pedro at Don Diego na kung isasama
nila ang kapatid kay Haring Fernando ay tiyak na malalaman nito ang totoong
nangyari. Kaya naman kinumbinse nilang
dalawa na manirahan na lamang silang magkakapatid sa Bundok ng Armenia. Doon ay wari’y wala silang lungkot na
dinaranans. Kung wala sila sa batis,
sila ay nasa bukid. Isang araw ng
paglalakbay, nakakita sila ng balon.
Gusto ni Don Juan na maabot ang ilalim ng balon. Dahil si Don Pedro ang panganay ay siya ang
nangunang bumaba. Dahan-dahan siyang
nagpatihog sa ilalim ng balon. May 30
dipa pa lamang ang lalim at habang inaabot ang kalaliman nito, binatak na niya
ang lubid. Ito ang hudyat na siya ay
hilahin na paitaas nina Don Diego at Don Juan.
Sumunod naman si Don Diego, ngunit nakakatatlong dipa pa lamang ay
umahon na siya.
Si Don Juan naman ang sumubok magpatihulog
sa balon. Narating niya ang
pinakamababang bahagi ng balon at kinalag niya ang tali upang siya ay
maglakad. Namangha siya sa pook na
kanyang nakita at nabighani nang makita niya si Donya Juana. Iniligtas niya ito mula sa kamay ng higanteng
nagbabantay dito. Hinikayat niyang
umalis na si Donya Juana, ngunit nag-atubili itong umalis sa dahilan na hindi
niya maiiwan ang kanyang bunsong kapatid na si Donya Leonora na hawak naman ng
isang serpiyenteng mabagsik na may pitong ulo.
Sa palasyo nagpunta sina Don Juan at Donya Juana. Namangha din si Don Juan sa kagandahan ni
Donya Leonora. Natalo ni Don Juan ang
serpiyente. Dahil sa pagmamadali ay
naiwan ni Donya Leonora ang kanyang singsing na diyamante at ang nadala lang
niya ay ang kanyang alagang hayop na lobo.
Agad tinalian ni Don Juan sina
Prinsesa Juana at Prinsesa Leonora para mai-akyat palabas ng balon. Hinila naman nina Don Pedro at Don Diego ang
lubid pataas. Nagkagusto kaagad si Don
Pedro kay Donya Leonora sa una pa lamang pagkakita dito. Paalis na sila nang maalala ni Donya Leonora
ang naiwan niyang singsing na diyamante.
Nagkusang-loob si Don Juan na kunin ang singsing. Muli siyang bumababa sa balon, ngunit sampung
dipa pa lamang siyang nakakababa ay agad nang pinutol ni Don Pedro ang lubid.
Nalungkot ng labis si Donya Leonora
sa nangyari kay Don Juan. Nang sila ay
aalis na, pinagbilinan niya ang kanyang alagang hayop na lobo na tulungan nito
si Don Juan. Nakarating ng maayos sina
Don Pedro, Don Diego, Donya Juana at Donya Leonora sa kaharian ng
Berbanya. Ikinasal si Don Diego kay
Donya Juana samantalang si Don Pedro naman ay nabigo ang pag-ibig kay Donya
Leonora.
Nakarating ang lobo sa kinaroroonan
ni Don Juan at ginamot nito si Don Juan.
Kinuha ni Don Juan ang singsing ni Donya Leonora at umuwi na ito pabalik
ng Berbanya. Sa paglalakad ni Don Juan,
siya ay napagod. Nagpahinga siya sa
isang punongkahoy at nakatulog. Siya
namang pagdating ng Ibong Adarna, dumapo sa puno at nagsimulang kumanta.
Ayon sa kanyang kanta, si Juan ay naaalala
ni Donya Leonora. Ngunit, mayroon pang
mas maganda kay Donya Leonora. Ito ay si
Donya Maria Blanca na anak ni Haring Salermo ng kaharian ng Delos Cristal. Si Donya Maria ay maipagkakapuri ni Don Juan
sa kanyang amang Haring Fernando, sabi pa ng awit ng Ibong Adarna.
Sa kaharian naman ng Berbanya ay
nagdadalamhati si Donya Leonora sa tila patay na si Don Juan dahil sa tagal ng
pagkakawala nito.
Samantala, si Don Juan ay limang
buwan nang naglalakbay. Sa kanyang
paglalakbay ay nakita niya ang isang ermitanyo na hanggang baywang ang
balbas. Binigyan ni Don Juan ang matanda
ng kapirasong damit. Nagulat ang
ermitanyo pagkakita sa damit, sabay sinabi nitong, Hesus na Panginoon ko, isang
galak ko na itong pagkakita sa baro Mo.
Ipinaliwanag ni Don Juan sa
ermitanyo kung anong dahilan at siya naparoon sa lugar na iyon. Ayon sa kanya, hinahanap niya ang kaharian ng
Delos Cristal, ngunit wala naman nakakaalam kung saan ito. Sinabi ng ermitanyo na magpunta siya sa
ikapitong bundok na kinaroroonan ng isang matandang ermitanyo at doo'y
magtanong.
Nang makarating na siya sa
matandang ermitanyo, tinanong niya kung saan makikita ang kaharian ng Delos
Cristal. Ngunit hindi din alam nito kung
saan matatagpuan iyon. Kaya’t tinanong
ng ermitanyo ang kanyang mga alagang ibon at isang agila. Sinabi ng agila kung saan matatagpuan ang
kaharian. Laking tuwa ni Don Juan dahil
makikita na niya ang kaharian ng Delos Cristal at higit sa lahat si Donya Maria
Blanca na may higit na kagandahan.
Sumakay si Juan sa likod ng agila
at sila ay lumipad na. Narating nila ang
kaharian ng Delos Cristal. Sinabi ng
agila kay Juan na huwag kakalimutan ang kanyang bilin: Mamayang ika-apat, ang
tatlong prinsesa ay maliligo at nakadamit na kalapati. Ikaw ay magtago at huwag magpapakita. Pagkasabi ng kanyang habilin, lumipad na ang
agila. Iniwan na sa kaharian ng Delos
Cristal si Juan.
Dumating nga ang tatlong prinsesa
sa oras na binanggit ng agila. Ang
kagandahan ni Donya Maria ay talagang kaakit-akit. Sabay-sabay na naligo ang tatlong
prinsesa. Habang naliligo, lumabas ang
kapilyuhan ni Don Juan at tinago ang damit ni Donya Maria.
Pagkaraan ng ilang sandali, natapos
na sa paliligo ang tatlong prinsesa. At
nagsimula nang magbihis ngunit hindi makita ni Donya Maria ang kanyang damit,
kaya siya nagalit.
Pagkaraan ng ilang sandali, lumabas
na si Don Juan, sabay lumuhod sa harap ni Donya Maria. Kaagad sinabi ni Juan ang kanyang pag-ibig
kay Maria. Pinatayo siya ni Donya Maria
Juan at marahang sinabihan ito na tingnan niyang mabuti ang mga batong
nakabakod sa palasyo. Ang mga iyon ay
mga taong naengkanto ng kanyang ama : mga prinsipe, kabalyero at konde. Naging bato sila dahil hindi sila nakatupad
sa iniatas ng kanyang amang hari.
Sinabi ni Maria kay Juan, Mamayang
ika-lima, ang aking ama ay magigising at
ikaw ay makikita. Kapag tinanong ka kung ano ang sadya mo dito. Sabihin mong hihingin mo ang kamay ng isa sa
mga prinsesa. Kapag niyaya kang pumanik
sa palasyo ay tumanggi ka sapagkat mamamatay ka. Kung ikaw ay magpapatuloy, kahit na ano ang
ipagawa sa iyo ng aking ama ay tanggapin mo.
Ako ang bahala!
Pagkaalis ng prinsesa, nagising si
Haring Salermo. Kaagad ngang nakita si
Juan. Kinumbida ng hari si Juan na
pumanik sa palasyo ngunit gaya ng ibinilin ni Donya Maria, tumanggi si
Juan. Sinabi ni Don Juan na nais niyang
hingin ang kamay ng isa sa mga prinsesa at nakahanda siyang sundin ang anumang
iutos ng hari.
Kaya naman tinawag ni Haring
Salermo ang isang utusan at nagpakuha ng isang salop ng trigo. Binigyan niya ng isang mahigpit na pagsubok
si Juan. Inutusan niyang tibagin ni Don
Juan ang bundok at patagin iyon. Pagkatapos
ay isabog ang trigo. Sa gabi ding iyon
ay anihin at gawing tinapay. Ang tinapay
na magagawa ay kailangang nasa hapagkainan na niya pagdating ng umaga.
Pagkakuha ni Juan ng trigo, agad
siyang umuwi. Hinintay ni Donya Maria na
makatulog ng mahimbing ang lahat.
Nagtungo siya sa bahay ng potrero na siyang pook tipanan nila ni Juan. Kaagad na sinabi ni Juan kay Maria ang
ipinagagawa ng hari. At gaya ng
naipangako ni Maria kay Juan na siya ang bahala sa lahat ng iutos ng kanyang
ama, agad na naisakatuparan ang lahat ng hiling ni Haring Salermo.
Si Haring Salermo ay nagtataglay ng
kapangyarihan ng mahika negra samantalang si Donya Maria ay mahika blanka ang
taglay. Daig niya ang kapangyarihan ng
kanyang amang hari.
Nagulat si Haring Salermo nang
makita niya kinabukasan ang mainit na tinapay sa ibabaw ng kanyang mesa. Ipinatawag niya si Don Juan. Ipinakita ni Haring Salermo ang isang prasko
na mayroong 12 negrito. Ipinaliwanag ng
hari na kanyang pakakawalan ang mga negrito sa karagatan. Ang mga pinakawalang mga negrito ay
kailangang niyang hulihing isa-isa hanggang kinabukasan. Sa isip-isip ng hari, mahihirapan si Don
Juan. Ngunit hindi naman kinabahan si
Juan sapagkat alam niyang hindi siya pababayaan ni Donya Maria.
Nang gabi ding iyon ay muling
nagpunta si Donya Maria sa bahay ng potrero.
Ipinagtapat ni Juan ang ikalawang pagsubok ng hari. Nagpunta silang dalawa sa dagat at tinawag ni
Maria ang lahat ng mga negrito na magbalik sa loob ng prasko. Kinabukasan, natupad ang kagustuhan ni Haring
Salermo. Ipinatawag niyang muli si Don
Juan upang bigyan muli ng mahirap na pagsubok.
Sinabi ng hari kay Don Juan na ang bundok na nakikita niya ay kailangang
ilagay sa gitna ng dagat. Pagkatapos ay
gawing kastilyo at bukas din ng umaga ay kailangang makita ng hari. Kailangang lagyan din ni Juan ng tuwid na
daanan magmula sa palasyo hanggang kastilyo.
Tumango na lamang si Juan.
Lahat ng pinag-utos ng hari ay
ginawa ni Donya Maria. Pagkagising ng
hari ay agad niyang tiningnan ang kastilyo.
Laking pagtataka ng hari kung saan kinukuha ni Don Juan ang kanyang
kapangyarihan. Noon lamang siya natalo.
Kinabukasan, naglahong parang bula
ang kastilyong ginawa. Kaya naman
ipinatawag muli ni Haring Salermo si Don Juan.
Nabanggit ni Haring Salermo na sa pamamasyal ay nahulog niya ang kanyang
singsing sa dagat. Kailangang makuha
iyon ni Don Juan.
Ang tanging paraang ginawa nina
Maria at Juan ay tadtarin ang katawan ni Maria.
Ang mga parte ng katawan na tinadtad ay naging mga isda na hahanap sa
singsing ni Haring Salermo. Malinaw na
inihabilin ni Maria kay Juan na magbantay sa kanyang pagbalik at huwag itong
matutulog. Ngunit nakatulog si
Juan. Kaya walang kumuha ng singsing sa
iniabot ni Maria. Umahon si Donya Maria
na ang katawan ay patang-pata. Natauhan
si Don Juan sa kanyang pagkakamali. Sa
kabila ng nagawang pagkukulang ni Juan, mahal pa rin siya ni Donya Maria at
hindi pa rin nito matitiis na siya'y hatulan ng kanyang ama. Muling inulit ni Don Juan ang pagtadtad sa
katawan ni Donya Maria, subalit sa ikalawang pagkakataon ay hindi niya
namalayang may tumalsik na daliri ni Donya Maria. Kaya sa kabila ng naging tagumpay ni Donya
Maria na kunin ang diyamanteng singsing, ang pagmamadaling iyon ni Don Juan sa
pagtadtad ay nagdulot ng isang napakalaking pagkakamali. Nang umahon si Donya Maria at maging taong
muli, kulang ng dulo ang kanyang isang daliri.
Kinabukasan, nadukot ng hari ang
singsing sa ilalim ng kanyang unan gaya ng kanyang kagustuhan. Subalit hindi pa rin lubos na nasiyahan si
Haring Salermo na naibalik sa kanya ang singsing na diyamante. Muli niyang ipinatawag si Don Juan para
muling utusan.
Ako'y may kabayong sadyang ilap at
kay lupit, nais kong siya'y paamuhin mo. ang utos ng hari kay Don Juan. Sa unang pagkakataon ay nagulumihan si Donya
Maria nang malaman ang bagong pinag-uutos ng kanyang ama kay Don Juan. Sinabi niya na ang kabayong kailangang
paamuhin ni Juan ay walang iba kundi si Haring Salermo rin na nagbabalatkayong
kabayo. Kaya naman, tinuruan na lamang
niya si Don Juan kung paano mapapa-amo ang kanyang amang nagbabalatkayong
kabayo. Ginawa ni Don Juan ang lahat ng
paraang sinabi ni Donya Maria upang mapaamo ang mabagsik na kabayo. Mahigpit ang hawak niya sa renda upang hindi
tuluyang makalipad ito habang patuloy na nakapreno ang kabayo sa tulong naman
ni Donya Maria.
Kinaumagahan ay ipinatawag ni
Haring Salermo si Don Juan. Masasakit
ang katawan ng hari pero panahon na upang ipagkaloob niya ang isang anak sa
prinsipe. Ang sabi ng hari kay Don Juan
ay: Yamang naisakatuparan mo ang lahat nang inutos ko, mamili ka ngayon sa
aking tatlong anak.
Sinamahan ng hari si Don Juan sa
tatlong kuwartong magkakatabi at sadyang may tablang inilapat na may butas na
tanging hintuturo lamang ng bawat bawat prinsesa ang makikita ni Don Juan at
hindi ang kagandahan ng mga ito. Agad
namang pinili ni Don Juan ang kamay ni Donya Maria, na may palatandaan ng
kanyang naging malaking pagkakamali.
Nagalit ang hari sa dahilang si
Donya Maria ay ang kanyang paboritong anak.
Kaya naman, binalak niyang ipatapon si Don Juan sa Inglatera para sa
kapatid nito siya ipakasal. Pero mabilis
na nagtanan si Donya Maria at Don Juan.
Dahil sa galit ng hari, isinumpa niya si Donya Maria, Ikaw nawa ay
malimutan ni Don Juan. Ikaw ay kanyang
pababayaan at pakakasal siya sa iba.
Sumpang naulinigan ni Donya Maria kaya't labis ang kanyang pag-aalala
nang magpasya si Don Juan na iwanan muna siya para magtungo sa palasyo. Kaya naman mahigpit siyang nagbilin na huwag
titingin at lalapit si Don Juan sa sinumang babae sa palasyo upang hindi siya
magawang limutin nito.
Hindi na nakita ni Haring Salermo ang
katuparan ng kanyang sumpa. Siya ay
nagkasakit dahil sa matinding dalamhati na naging dahilan ng kanyang
pagkamatay.
At nagbalik nga ng kaharian ng
Berbanya si Don Juan upang hingin ang bendisyon ng amang hari. Ang sabik at matagal nang naghihintay na si
Donya Leonora ay lumapit kay Juan. Dahil
dito, iglap at nakalimot si Don Juan sa kanyang binitiwang pangako kay Donya
Maria, isang katuparan ng sumpa ni Haring Salermo.
Hindi nagtagal ay itinakda ang
kasal nina Don Juan at Donya Leonora.
Samantala, natuklasan na ni Donya Maria ang kataksilan ni Don Juan dahil
sa gagawing pagpapakasal sa ibang prinsesa.
Nag-alimpuyo sa galit ang kanyang dibdib.
Lulan ng karosang ginto, nagpanggap
na emperatriz si Donya Maria upang dumalo sa kasal nina Don Juan at Donya
Leonora. Nang dumating si Donya Maria na
naka-bihis emperatriz, namangha ang lahat.
Maganda ang gayak ni Maria at litaw ang kanyang kagandahan. Ang pakay niya ay pigilin ang pag-iisang
dibdib ng dalawa. Malugod na tinanggap
ni Haring Fernando ang pagdalo ng emperatriz.
Subalit hindi nakilala ni Don Juan na ang emperatriz ay walang iba kundi
si Donya Maria. Nakiusap si Donya Maria
sa hari na bago ikasal sina Don Juan at Donya Leonora ay magdaos muna ng
munting palabas sa harap ng lahat. Sa pamamagitan
ng dula-dulaan ay nagawang isalaysay ng mga negrito at negrita ang lahat ng
pinagdaanang hirap ni Don Juan sa mga pagsubok na ibinigay ni Haring
Salermo. Pinalo ng negrita ang negrito
at tinanong kung naaalala nito ang mga ginawang pagtulong ni Donya Maria sa
kanya sa kaharian ni Haring Salermo na kanyang ama. Sa tuwing papalo ang negrita ay hindi
nasasaktan ang negrito kundi ay si Don Juan.
Kaya naman, unti-unting nagbalik ang mga alaalang nangyari sa kanila ni
Donya Maria. Noon din ay pinatotohanan
ni Don Juan na ang lahat ng nasaksihang dula-dulaan ng mga negrito at negrita
sa palasyo ay pawang mga katotohanan.
Sa wakas hindi rin nabigo ang
sobrang pagkakagusto ni Don Pedro kay Donya Leonora dahil silang dalawa din ang
tuluyang nagpakasal.
Si Don Juan naman ang nagpakasal
kay Donya Maria. Hiniling nila na kay
Don Pedro na lamang ibigay ang trono sa kadahilanang sila ni Don Juan at Donya
Maria ay nakatakdang pagharian ang monarka ng Delos Cristal. Kaya pagkatapos ng kasalan ay umuwi na sila
sa kaharian ng Delos Cristal. Nagkaroon
ng isang pista para ipagdiwang ang pagluwalhati sa Bathala. Kalakip na rin ang dalangin para sa mga
yumaong kapatid at magulang ni Donya Maria.
At ang mga na-engkantong mga prinsipe, kabalyero at konde ay inalisan na
ni Donya Maria ng sumpa. At ang lihim na
pinaka-iingatan ng mga magulang ni Donya Maria ay kanya ring inilantad na. Nagbalik sa pagiging leon at tigre ang mga
utusan at nagsilantaran ang mga tunay na tao na nagtatagong kasangkapan sa loob
ng palasyo. Itinanghal na hari at reyna
si Don Juan at Donya Maria sa kaharian ng Delos Cristal. Siyam na araw ang ginanap na pista. Di magkamayaw sa kasiyahan ang mga
taong-bayan. Sa bagong pamamahala ni Don
Juan ay tanging kaayusan ng kaharian ang hinahangad. At dahil sa kanilang mabuting pamumuno sa
kaharian, sila ay lalong minahal ng taong bayan.
Ang salaysay at hiwagang nakabalot
sa dalawang reyno ay maligayang winakasan ng malamyos na awitin ng Ibong
Adarna.