Noli Me Tangere
Buod ng
Kabanata 41 - Dalawang Panauhin
Hindi dalawin ng antok si Ibarra ng gabing iyon.
Balisa ito sa kaguluhang naganap kung kaya't nilibang ang sarili sa paggawa sa
kanyang laboratoryo. Ilang sandali ay dumating si Elias sa tahanan ni Ibarra.
Layunin ni Elias na ipagbigay-alam kay Ibarra na may sakit si Maria Clara, at
kung may ipagbibilin ang binata bago siya pumunta sa Batangas. Ipinaliwanag din
ni Elias kay Ibarra kung paano niya nasugpo ang kaguluhan ng nagdaang gabi.
Sinabi nito na kilala niya ang magkapatid at napakiusapan niya na itigil ang
kaguluhan. Napahinuhod naman ang magkapatid na gwardya sibil dahil sa kanilang
utang na loob kay Elias. Umalis na rin si Elias makalipas ang ilang sandali.
Nagmamadali naman na gumayak si Ibarra upang tumungo sa bahay ni Kapitan Tyago.
Sa daan ay nasalubong ni Ibarra ang kapatid ng taong dilaw na si Lucas. Kinulit
nito si Ibarra tungkol sa salapi na makukuha ng kanyang pamilya dahil sa
pagkamatay ng kanyang kapatid. Sinagot ito ng maayos ni Ibarra na magbalik na
lamang sa isang araw sapagkat siya ay patungo sa maysakit. Ngunit sadyang
mapilit si Lucas at kinukulit si Ibarra. Bago pa man mawala ang pagtitimpi ng
huli ay tumalikod na lamang ito. Naiwan si Lucas na nagpupuyos ang kalooban, at
sa kanyang isipan ay iisa ang dugong nananalaytay sa ugat ni Ibarra at ang lolo
nito na nagparusa sa kanilang ama. Maari lamang silang maging magkaibigan kung
magkakasundo sila sa salaping ibabayad ni Ibarra.
No comments:
Post a Comment