Noli Me Tangere
Buod ng
Kabanata 23 – Ang Piknik
Madaling araw pa lamang ay masigla ng
nagsisigayakan ang mga kababaihan at kabinataan para sa kasiyahan sa araw na
iyon. Magkakasamang naglalakad ang mga kababaihan, hiwalay sa kalalakihan.
Kasama rin sa piknik na iyon ang mga kawaksi at matatandang babae. Sasakay sila
sa dalawang bangka habang mangingisda sa ilog. Magkakasama ang matatalik na magkaibigan
na sina Maria Clara, Iday, Victorina, Neneng at Sinang sa isang bangka. Hindi
mapigilan ang kanilang mga tawanan at kwentuhan, bagay na nag-uudyok kay Tiya
Isabel upang sila ay sawayin. Makalipas ang ilang sandali ay nagkaroon ng butas
ang bangkang sinasakyan ng mga kalalakihan kung kaya't sila ay napalipat sa
bangka ng mga dalaga. Nagkaroon naman ng katahimikan sa panig ng mga dalaga
sapagkat sila ay inatake ng hiya. Si Elias naman ay patuloy lamang sa pagsagwan
sa bangka. Upang hindi mainip at maaliw ang lahat, umawit si Maria ng Kundiman
at ang lahat ay parang idinuyan sa awitin. Malapit ng maluto ang agahan, kung
kaya't gumayak na ang mga kalalakihan upang mangisda. Sa kasamaang palad, ni
isang isda ay wala silang nahuli sapagkat may buwayang naroroon. Nabahala ang
mga kababaihan sa paglitaw ng buwaya at lalo na ng nilundag ito ni Elias.
Naglaban ang dalawa sa ilog, ngunit higit na malakas ang buwaya. Kagyat namang
lumundag si Ibarra sa tubig upang tulungan si Elias. Napatigagal naman si Maria
sa ginawang iyon ni Ibarra, at tila ba tumigil na rin ang kanyang paghinga.
Natalo naman ng dalawa ang buwaya at nagpatuloy sila sa pangigisda hanggang sa
sila ay makahuli ng sariwang isda. Masayang nag-pananghalian ang mga
magkakaibigan sa ilalim ng mga puno malapit sa batisan.
No comments:
Post a Comment