Saturday, June 15, 2013

Noli Me Tangere: Buod ng Kabanata 24 – Sa Kagubatan

Noli Me Tangere
Buod ng
Kabanata 24 – Sa Kagubatan

Maagang nakapagmisa si Padre Salvi at kaagad na nag-almusal, ngunit hindi na nito tinapos ang pagkain at nagpunta na ito sa lugar ng piknik sakay ng karwahe. Malayo pa ay pinahinto na niya ang karwahe upang sa gayon ay malayang makapanood ng lihim sa mga kadalagahan. Hindi naman siya nabigo sa ninais na mangyari, nakita nga niya ang mga dalaga at masayang pinagmamasdan ang mga binti at sakong ng mga ito habang nagkakatuwaan. Pinigil na lamang ng pari ang kanyang sarili na sundan pa ang mga ito kung kaya't hinanap na lamang niya ang mga kalalakihan. Pagkapananghalian ay nag-usap-usap ang mga nagpiknik. Nabanggit ni Padre Salvi na may tumampalasan kay Padre Damaso kaya't nagkasakit ito. Nagkataon na dumating si Sisa at nais ni Ibarra na siya ay pakainin ngunit dala ng pagkawala ng katinuan nito ay tumalilis itong papalayo sa pangkat. Nabanggit din ang pagkawala ng mga anak ni Sisa, kung saan nagkaroon ng matinding pagtatalo sina Don Filipo at Padre Salvi. Ikinatwiran ng una na higit pang pinahalagahan ang dalawang onsa kaysa sa pagkawala ng mga bata. Pumagitna na sa Ibarra sa dalawa upang hindi na umabot sa sakitan ang dalawa. Lumayo si Ibarra at nakiumpok sa mga binata at dalagang naglalaro ng Gulong ng Kapalaran. Itinanong ni Ibarra sa Gulong kung may mga katuparan ang kanyang binabalak. Natapat naman ang dais sa sagot na pangarap lamang. Hindi ito sinang-ayunan ni Ibarra sapagkat mayroon na siyang katibayan at pahintulot sa pagpapatayo ng bahay-paaralan. Hinati ni Ibarra ang kasulatan at ibinigay kay Maria Clara at Sinang. Dumating naman si Padre Salvi at walang hudyat na pinunit nito ang aklat. Aniya, malaking kasalanan ang maniwala sa nilalaman nito. Ikinainis naman ito ni Albino at isinagot sa kura na mas malaking kasalanan ang kanyang pakikialam sa pag-aari ng iba. Lumayas naman kaagad ang kura at padabog na bumalik ng kumbento. Makalipas ang ilang sandali ay dumating naman ang mga gwardya sibil at sarhento. Hinahanap nila si Elias kay Ibarra sapagkat ito ang nanakit kay Padre Damaso. Kinuwestyon din nila si Ibarra sa pagkupkop niya kay Elias, bagay na sinalungat ni Ibarra at sinabing walang karapatang kwestyunin ninuman ang kanyang desisyon kung sino ang nais niyang imbitahin sa kanyang tahanan. Hinalughog ng gwardya sibil ang kagubatan ngunit ala silang nakitang Elias.




No comments:

Post a Comment