Friday, June 14, 2013

Noli Me Tangere: Buod ng Kabanata 21 – Mga Pagdurusa ni Sisa

Noli Me Tangere
Buod ng
Kabanata 21 – Mga Pagdurusa ni Sisa

Sa narinig mula sa kusinero ay kumaripas ng takbo si Sisa pauwi sa kanilang bahay. Hindi mawala sa kanyang isipan ang mga pangitain na dadamputin ng mga gwardiya sibil ang kanyang mga anak at ang bintang na pagnanakaw ng salapi ng dalawang bata. Namataan niya ang mga gwardya sibil na papalayo sa kanilang bahay, bagay na nakagaan sa kanyang takot sapagkat hindi nito kasama ang kanyang mga anak. Nang magpang-abot sila ng gwadiya sibil sa daan, pilit siyang pinaamin na ilabas ang dalawang onsang ninakaw ng kanyang mga anak. Bingi ang mga gwardiya sibil sa kanyang pagmamakaawa at pangangatwiran kung kaya't kinaladkad siya ng mga ito papuntang kwartel. Hiyang- hiya si Sisa habang kinakaladkad ng mga gwardiya sibil sa harap ng taong-bayan, lalo na ng sa oras na iyon ay natapat na tapos na ang misa at ang mga tao ay kasalukuyang lumalabas ng simbahan. Lahat ay napapatigil sa nagaganap na eksena sa lansangan at walang magawa si Sisa kundi panghinaan ng loob at mag-iiyak. Pagdating sa kwartel ay inihagis siya ng mga ito at nagsumiksik na lamang siya sa isang sulok. Bingi ang lahat sa kanyang pakiusap at pagmamakaawa. Tanghali na ng pakawalan siya ng Alperes. Umuwi si Sisa sa kanilang bahay at muling hinanap ang kanyang mga anak. Ngunit ala ni anino o tinig ng mga bata kahit sa bakuran. Pumanhik muli siya ng bahay at namataan niya ang punit na damit ni Basilio na may bahid ng dugo. Hindi niya matanggap ang nasilayan at nilamon ng pighati ang kanyang katinuan. Nagpalaboy-laboy siya sa lansangan habang sinasambit ang pangalan ng kanyang mga anak.

2 comments: