Buod ng
Kabanata 10- Ang San Diego
Ang San Diego ay isang maalamat na
bayan sa Pilipinas, matatagpuan sa baybayin ng lawa at may malalawak na
kabukiran. Ang ikinabubuhay ng mga tao sa bayan na ito ay pagsasaka at dahil sa
kakulangan sa edukasyon at kaalaman sa pagnenegosyo, nalalamangan sila ng mga
dayuhang tsino. Kung pagmamasdan ang buong bayan mula sa ituktok ng simbahan,
kapansin pansin dito ang isang gubat na nasa kalagitnaan ng kabukiran. Katulad
ng ibang bayan sa Pilipinas, pinamumunuan ito ng simbahan at sunud-sunuran
lamang ang pamahalaan dito. Si Padre Damaso ang kura paroko sa simbahan na iyon
bago ito mailipat sa ibang bayan dahil sa ginawa nito kay Don Rafael Ibarra.
Iilan lamang ang may mataas na tungkulin at kinikilala sa bayang iyon, ang mga
Kastila at ilang mayayamang Pilipino. Ayon sa alamat, may isang matandang
Kastila ang dumating sa bayan ng San Diego, matatas magtagalog at malalalim ang
mga mata. Bumili siya ng gubat sa pook na iyon at pinambayad ang kanyang mga
ari-arian tulad ng damit, alahas at salapi. Hindi nagtagal ay natagpuan ang
matanda na nakabitin sa puno ng isang balete. Ang pangyayaring ito ay naging
sanhi ng pagkatakot ng mga tao doon kaya't sinunog ng ilan ang mga damit ng matanda
at itinapon naman ang kanyang mga alahas sa ilog. Kalaunan, dumating ang anak
ng matanda na nagngangalang Saturnino. Pinagsikapan nitong sinupin ang mga
naiwang ari-arian ng ama at nakapag-asawa ng isang taga-Maynila. Dito rin sila
nanirahan sa San Diego at nagkaroon ng isang supling, si Don Rafael na siya
namang ama ni Ibarra. Si Don Rafael ay kinagiliwan ng mga magsasaka at dahil sa
pagsusumikap nito, ang San Diego ay naging bayan mula sa pagiging nayon.
Kalaunan, ang pamumunong ito ni Don Rafael ay naging ugat ng inggit at galit sa
ilan niyang mga kaibigan.
No comments:
Post a Comment