Noli Me Tangere
Buod ng
Kabanata 17- Si Basilio
Duguan si Basilio nang dumating ito
sa kanilang tahanan. Pinagtapat nito sa Ina na siya ay hinabol ng mga gwardiya
sibil at nadaplisan ng bala sa ulo. Hindi nito nagawang huminto sa paglalakad
sa takot na ikulong at paglinisin sa kuwartel. Sinabi rin nito sa ina na sabihing
nahulog na lamang siya sa puno kaysa ipagtapat ang tunay na nangyari.
Napag-alaman din ni Sisa na napag-bintangan si Crispin na nagnakaw ng dalawang
onsa, at nabaghan ang puso ni Sisa dahil sa awa sa kanyang anak. Lingid sa
kanyang kaalaman ang mga parusang tinatamasa ni Crispin sa kamay ng Sakristan.
Nawalan naman ng gana si Basilio na kumain at bagkus ay nag-alala ng todo sa
kanyang ina ng malaman nito na dumating ang kanyang ama. Alam kasi nito ang
pambubugbog na ginagawa ng ama sa kanyang ina. Sa hinagpis at galit ni Basilio
ay naisambulat nito na mabuti pang mawala na ang kanyang ama at mabuhay silang
tatlo na lamang. Sa ganitong kalagayan ay mabubuhay pa sila ng maayos, na siya
namang pinagdamdam ni Sisa. Para sa kanya, sa kabila ng ugali ng kanyang asawa
ay mamarapatin pa rin niyang magkakasama silang lahat. Nakatulugan ni Basilio
ang kanyang mga alalahanin at pagod. Binangungot ito sa kalagitnaan ng tulog
sapagkat nakita niya sa kanyang panaginip ang pambubugbog ng kura at sakristan
mayor kay Crispin. Pinalo nila ng yantok si Crispin sa ulo hanggang ito ay
duguang humandusay sa lapag. Nagising si Basilio sa yugyog ng kanyang ina, at
pinagtapat na lamang niya ang pangarap niya para sa kanyang ina at kapatid.
Nais niyang huminto na sa pagsasakristan kasama ni Crispin, magpapastol siya ng
baka at kalabaw na pag-aari ni Ibarra, at pagsapit niya ng edad na kaya na
niyang mag-araro sa bukid, siya ay hihiling ng kapirasong lupa para sakahin.
Pauunlarin niya ang sakang iyon hanggang sa umunlad ang kanilang buhay.
Pag-aaralin din niya si Crispin kay Pilosopo Tasyo at ang kanyang ina ay
hihinto na sa pananahi. Bagamat nagpakita ng pagkatuwa ang kanyang ina, lihim
naman itong nasasaktan dahil hindi na sinama ni Basilio ang kanyang ama sa mga
plano nito.
No comments:
Post a Comment