Noli Me Tangere
Buod ng
Kabanata 15- Ang Mga Sakristan
Ang dalawang sakristan ay sina
Crispin at Basilio, mga anak ni Sisa at siyang kausap ni Pilosopo Tasyo sa
simbahan. Hinabilin ng huli ang inihandang hapunan ng kanilang ina. May
matinding suliraning hinaharap ang dalawang musmos at ito ay lubos na
nagdudulot ng kawalang pag-asa sa magkapatid, lalo na kay Crispin, ang
nakababata sa dalawa. Pinagbintangan kasi siya ng Pari na nagnakaw ng dalawang
onsa o halagang P32.00. Ang sahod lamang nila ay dalawang piso sa isang buwan,
kung kayat hindi niya mababayaran ang nawawalang salapi, at ang pataw na multa
ng tatlong beses. Hiniling nito sa kanyang kuya na tulungan siyang bayaran ang
ibinibintang sa kanya ng pari, bagay naman na tinutulan ni Basilio dahil na rin
sa kailangan niya itong ibigay sa kanilang ina upang may makain. Nahiling tuloy
ni Crispin na mabuti pang lahat sila ay magkasakit. Nangulila din ang bata sa
kanyang ina, na kung ito ay kapiling nila tiyak niyang ipagtatanggol sila nito
sa kalupitan ng mga pari. Naisip rin niya na mabuti pa nga ay ninakaw na lang
niya ang nawawalang pera at ng sa gayon ay maibabalik pa niya ito at mamatay
man siya sa palo ay may maiiwan naman siya sa kanyang ina at kapatid.
Nag-aalala naman si Basilio sa galit ng ina kapag nalaman nito na
napagbintangang magnanakaw ang kanyang kapatid. Buo naman ang tiwala ni Crispin
na hindi maniniwala ang kanilang ina na ginawa niya iyon, dahil ipapakita niya
ang maraming latay sa buo niyang katawan dahil sa palo ng kura, pati ang bulsa
niyang butas. Sasabihin rin niya na ang tangi niyang pera ay isang kuwalta
lamang na aginaldo sa kanya noong nakaraang pasko, at pati ito ay
pinag-interesan ng ganid na prayle. Bukod sa mga palong tinatamo ni Crispin,
gutom na gutom na rin siya sapagkat hindi na siya pinapakain mula ng siya ay
pagbintangan. Patuloy na nag-uusap ang magkapatid tungkol sa kanilang kalagayan
at hindi nila namalayan ang pagpanhik ng sakristan mayor. Narinig nito ang
kanilang pag-uusap at nagpupuyos ito sa galit. Pinagmulta niya si Basilio dahil
daw sa salang maling pagpapatugtog nito sa kampana. Sinabi naman nito kay
Crispin na hindi siya makakauwi hanggat hindi niya ibinabalik ang ninakaw na
salapi. Tinangkang mangatwiran ni Basilio, bagay na nakapagpahamak pa sa kanya
sapagkat hindi siya papauwiin hangang hindi ika-sampu ng gabi. Ang desisyon ng
sakristan ay lubhang mapanganib para kay Basilio sapagkat mahigpit na
ipinapatupad ng guwardiya sibil na bawal ng maglakad ang sinuman bago sumapit
ang ika-siyam ng gabi. Pagkasabi nito ay kinaladkad na ng sakristan si Crispin
at hindi na magawang makiusap ni Basilio sa pangamba at awa sa kapatid. Dinig
na dinig nito ang pagpapalahaw at daing ng kapatid dahil sa sakit na
nararamdaman. Wala siyang magawa kundi ang matulala at balutin ng matinding
paghihinagpis, awa, at kawalang pag-asa na may magawa siya para tulungan at
baguhin ang kalagayan ng kapatid. Sa kabila ng kamusmusan ng kaisipan ay
tumindi ang pagnanais na makapag-araro sa bukid upang maka-alis sa kalupitan ng
simbahan. Kasabay ng pagtila ng ulan ay ang pagpapatihulog ni Basilio mula sa
bintana ng kampanaryo gamit ang lubid ng kampana.
ano ang nais ipahayag ni Jose Rizal sa kabanatang ito? ano ang malalim na pakahulugan ng kabanatang ito?
ReplyDelete