ANG ALAMAT NG UNANG
SAGING
May isang prinsesang napakaganda; kaya
ang tawag sa kanya ay Mariang Maganda. Ang kanyang tahanan ay malapit sa isang
maliit na gubat; doo'y maraming magaganda't mababangong halamang namumulaklak.
Araw-araw, ay nagpapasyal ang prinsesa sa gubat na ito. Namimitas siya ng mga
bulaklak na katangi-tangi ang ayos.
Isang araw, sa kanyang pamamasyal, ay
nakatagpo siya ng isang prinsipe. Magandang lalaki ang prinsipeng iyon. Nang
makita ni Mariang Maganda ay nakaramdam siya agad ng kakatuwang damdamin. Ang
prinsipe naman pala'y gayon din. Kaya agad silang nagkapalagayan at
nagkahulihan ng loob.
Araw-araw ay namamasyal sila ng
prinsipe, hanggang sa magtapat ng pag-ibig ang prinsipe. Palibhasa'y sadyang
may inilalaan nang pagtingin ang prinsesa, hindi na ito nagpaumat-umat at
tinanggap ang iniluluhog na pag-ibig ng prinsipe.
Isang hapon matapos silang mamasyal,
nag-ulayaw ang dalawa sa lilim ng mabangong halamanan ng prinsesa.
"Mariang Maganda, kay ganda ng
mga bulaklak mo, nguni't ang mga bulaklak doon sa aming kaharian ay higit na
magaganda at mababango; walang makakatulad dito sa inyo."
"Bakit, saan ba ang inyong
kaharian?"
"Doon sa dako roon na hindi
maaaring marating ng mga taong may katawang-lupa."
Ilan pang saglit at nagpaalam na ang
prinsipe na malungkot na malungkot. Kaya napilitang magtanong si Mariang
Maganda. "Mangyari'y…" at hindi na nakuhang magpaliwanag ang
prinsipe.
"Mangyari'y ano? Ano ang
dahilan?" ang tanong ng prinsesang punung-puno ng agam-agam.
"Dapat an akong umuwi sa amin,
kung hindi, hindi na ako makababalik. Ibig ko sanang isama kita, nguni't hindi
maaari, hindi makapapasok doon ang tulad ninyo. Kaya paalam na irog."
"Bumalik ka mamayang gabi,
hihintayin kita sa halamanang ito. Babalik ka ha?"
"Sisikapin ko Mariang
Maganda," ang pangako ng prinsipe.
Nang malapit ng maghatinggabi,
dumating ang prinsipe. Sinalubong siya ng prinsesang naghihintay sa loob ng
hardin. Nag-usap na naman sila ng nag-usap. Kung saan-saan nadako ang kanilang
pag-uusap. Hawak-hawak ng prinsesa ang mga kamay ng prinsipe.
Kaginsa-ginsa'y biglang napatindig ang
prinsipe. "Kailangang umalis na ako, Mariang Maganda. Maghahatinggabi na,
kapag hindi ako lumisan ay hindi na ako makababalik sa amin. Diyan ka na
subali't tandaan mong ikaw rin ang aking iniibig," at ginawaran ng halik
ang mga talulot na labi ni Mariang Maganda.
Pinigilan ng prinsesa ang mga kamay ng
prinsipe. Hindi niya mabatang lisanin siya ng kanyang minamahal. Sa kanilang
paghahatakan, biglang nawala ang prinsipe at naiwan sa mga palad ng dalaga ang
dalawa niyang kamay. Natakot ang prinsesa, kaya patakbong nagtungo sa isang dako
ng kanyang halamanan at ibinaon ang mga kamay.
Ilang araw, pagkatapos ay may
kakaibang halamang tumubo sa pinagbaunan niya. Malalapad ang mga dahon at
walang sanga. Ilan pang araw pagkaraa'y nagbulaklak. Araw-araw, ay dinadalaw ng
prinsesa ang kanyang halaman. Makaraan ang ilang araw, ang mga bulaklak ay
napalitan ng mga bunga. Parang mga daliring nagkakaagapay. Iyon ang mga unang
saging sa daigdig.
I-click
ang link. Marami pang alamat dito:
http://misterhomework.blogspot.com/2013/06/mga-halimbawa-ng-alamat.html
No comments:
Post a Comment