Tuesday, June 18, 2013

Alamat ng Makopa

Alamat ng Macopa

Noong mga unang taon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, sinasabing tahimik at maligayang namumuhay ang mga tao sa isang nayon sa Kailokohan. Madaling naihasik ng mga Kastila ang Kritiyanismo sa nayong yaon sapagkat ang mga mamamayan at mababait at masunurin. Kilala rin sila sa kasipagan at pagkamadasalin.
Ganyan na lamang ang pagmamahal at pag-iingat ng mga tao roon sa gintong kampana sapagkat nananalig silang sa kampanang yaon nakasalalay ang takbo ng kanilang pamumuhay. Nagsisilbi yaong inspirasyon nila sa buhay. Lalo silang nagsisikap na mapaunlad ang kanilang kabuhayan.
Ang kampanang ginto ay naging sagrado at napakahalaga sa mga mamamayan, naging laging usap-usapan hanggang mabalitaan ng masasamang loob sa isang malayong pook. Nais din nila ang kasaganaan, kaya't hinangad nilang mapasakanila ang kampana. Lihim silang bumalangkas ng kaparaanan. Nalaman nilang sa itaas ng simbahan nakalagay ang kampana. Isang gabing madilim ay nagsipaghanda sila at sandatahang tinungo ang pook ng simbahan. Mangyari na ang mangyari, pilit nilang kukunin ang kampana.

Sa kabutihang-palad, may nakapagbalita naman sa mga pari sa napipintong panloloob sa simbahan. Nalaman nilang ang kampana ay nanakawin kaya't buong ingat nila iton ibinaba at lihim na ibinaon. Ipagsasanggalang nila ito anuman ang kanilang sapitin!
Nang dumating ang masasamang loob ay hindi na nila nakita ang kampanang ginto. Laking galit nila! Dahil sa pagkabigo, pinagpapatay nilang lahat ang nasa simbahan sapagkat ayaw magtapat sa kinaroroonan ng kampana.
Anong lungkot sa taong bayan kinabukasan! Patay lahat ang mga tao sa simbahan - ang mga pari, sakristan at ilang mga tauhan ! Wala ang kampana at walang nakakaalam kung saan ito naroroon.
Inasikaso ng taong bayan ang mga bangkay ng nasawi at inilibing ang mga iyon nang buong dangal.
Mula noon, ang tagingting ng kampana ay hindi na narinig sa nayong naturan. Nalungkot na ang mga tao at nawalan na sila ng sigla at pag-asa. Tinamad na rin sila at natuyo ang kanilang pananim. Umunti na ng umunti ang kanilang ani at mga alagang hayop.
Lumipas ang maraming taon at ang tungkol sa kampana ay nalimot na ng mga tao. Nangamatay na ang matatandang nakakaalam sa kasaysayan ng kampanang ginto at ang mga kabataan nama'y wala nang nalalaman tungkol doon.
Sa loob ng bakuran ng simbahan ay may tumubong isang punong di pa kilala ng mga tao. Ito'y nagbunga ng hugis kampana, makikislap na pula ang labas at maputing parang bulak ang laman. Sapagkat nasa bakuran ng simbahan, ang mga bunga'y sa gintong kopa sa simbahan naihambing ng mga tao.
"Parang kopa!" ang sabi ng ilan.
"Maraming kopa!" ang bulalas naman ng marami.
Simula noon, kung tawagin ng mga tao ang pook simbahan ay sinasabing, :Doon sa maraming kopa, doon sa makopa."

Nang matagalan, ang puno ay nakilala na sa tawag na makopa. 



No comments:

Post a Comment