Alamat ng Lansones
Tumunog ang kampana sa munting Kapilya
ng isang nayon sa bayan ng Paete, lalawigan ng Laguna. Napabalikwas si Manuel
at masuyong ginising ang nahihimbing na kabiyak. "Gising na Edna, at
tayo'y mahuhuli sa misa." Marahang nagmulat ng mga mata ang babae,
kumurap-kurap at nang mabalingan ng tingin ang asawa ay napangiti.
Mabilis na gumayak ang mag-asawa upang
magsimba sa misang minsan sa isang buwan idinaraos sa kanilang nayon ng kura
paroko ng bayan. Hindi nagtagal at ang mag-asawa ay kasama na sa pulutong ng
mga taga-nayong patungo sa Kapilya. Magkatabing lumuhod sa isang sulok ang
magkabiyak at taimtim na nananalangin. "Diyos ko," and marahang
panalangin ni Edna, "Patnubayan mo po kami sa aming pamumuhay, nawa's
huwag magbago ang pagmamahal sa akin ni Manuel." Si Manuel naman ay
taimtim ding dumadalangin sa kaligtasan ng asawa, na alam niyang nagtataglay sa
sinapupunan ng unang binhi ng kanilang pag-iibigan.
Nang matapos ang misa ay magiliw na
inakay ni Manuel ang kabiyak at sila'y lumakad na pauwi sa kanilang tahanan. Sa
kanilang marahang paglalakad ay biglang napahinto si Edna.
"Naku! kay gandang mga bunga
niyon," ang wika kay Manuel sabay turo sa puno ng lansones na hitik na
hitik sa bunga. "Gusto ko niyon, ikuha mo ako," ani Ednang halos
matulo ang laway sa pananabik. Napakurap-kurap si Manuel. Hindi niya malaman
ang gagawin. Alam niyang ang lansones ay lason at hindi maaring kainin ngunit
batid din naman niyang nagdadalang-tao ang asawa at hindi dapat biguin sa
pagkaing hinihiling. Sa pagkakatigagal ng lalaki ay marahan siyang kinalabit ni
Edna at muling sumamong ikuha siya ng mga bunga ng lansones.
"Iyan ay lason kaya't hindi ko
maibibigay sa iyo." Pagkarinig ni Edna sa wika ng asawa ay pumatak ang luha.
Sunod-sunod na hikbi ang pumulas sa kanyang mga labi. Parang ginugutay ang
dibdib ni Manuel sa malaking habag sa asawa ngunit tinigasan niya ang kanyang
loob.
Masuyong inakbayan ni Manuel ang asawa
at marahang nangusap. "Huwag na iyan ang hilingin mo, alam mo namang iya'y
lason. Hayaan mo at pagdating natin sa bahay ay pipitas ako sa duluhan ng mga
manggang manibalang."
Walang imikan nilang tinalunton ang
landas patungo sa kanilang tahanan. Ang maaliwalas na langit ng kanilang
pag-iibigan ay biglang sinaputan ng ulap. Ni hindi sinulyapan ni Edna ang mga
manggang manibalang na pitas ni Manuel sa kanilang duluhan. Ang babae'y laging
nagkukulong sa silid, ayaw tumikim man lamang ng pagkain at ayaw tapunan ng
tingin ang pinagtatampuhang asawa.
Hindi nagtagal ang babae'y naratay sa
banig ng karamdaman. Hindi malaman ni Manuel ang gagawin sa kalunoslunos na
kalagayan ng asawa."Edna, ano ba ang dinaramdam mo?" lipos na
pag-aalalang wika ni Manuel habang buong pagsuyong hinahaplos ang noo ng maysakit.
Marahang iling lamang ang itinugon ng
nakaratay at dalawang butil ng luha ang nag-uunahang gumulong sa pisngi.
Balisang nagpalakad-lakad si Manuel sa tabi ng maysakit. Hindi niya matagalang
tignan ang payat na kaanyuan ngayon na kaibang-kakaiba sa dating Ednang sinuyo
niya't minahal. Wala na ngayon ang namumurok na pisngi, ang dating mapupungay
na mga mata'y malalamlam, wala na ang ningning ng kaligayahan, maputla ang
dati'y mapupulang mga labi at mistulang larawan ng kamatayan.
Nang hindi na niya makaya ang
damdaming lumulukob sa kanyang pagkatao ay mabilis na nagpasiya. Kukunin niya
ang mga bunga ng lansones. Ang bunga ng kamatayang pinakamimithi ng kanyang
asawa. Sa wakas ay isinuko rin niya ang katigasan ng kanyang loob, dahil sa
matinding abag sa kabiyak.
Nanaog siya at tinungo ang puno ng
lansones. Nanginginig ang kamay na pinitas ang isang kumpol ng bunga ng
kamatayan.
"Diyos ko, tulungan mo po kami,
pinakamamahal ko ang aking asawa at wala nang halaga sa akin ang buhay kung
siya'y mawawala pa sa aking piling," nangangatagal ang mga labing marahan
niyang naiusal kasabay ng mariing pagpikit ng mga mata. Sunod-sunod na patak ng luha ang nalaglag sa pagkagunitang ang
bungang iyon ang tatapos sa lahat ng kanilang kaligayahan.
Sa pagmumulat niya ng paningin siya'y
nabigla. Anong laking himala! May nabuong liwanag sa kanyang harapan at gayon
na lamang ang kanyang panggigilalas noong iyon ay maging isang napakagandang
babaing binusilak sa kaputian. Humalimuyak ang bangong sa tanang buhay niya ay
noon lamang niyang masamyo. Sa tinig na waring isang anghel ay marahang
nangungusap ang babae. "Anak ko, kainin mo ang bungang iyong hawak."
Nagbantulot sumunod si Manuel sapagkat
alam niyang ang bungang iyon ay lason. Sa nakitang pagaalinlangan ni Manuel ay
muling nangusap ang babaeng nakaputi. "Huwag kang matakot, kainin mo ang
bungang iyong hawak." Pagkasabi noo'y kumuha ng isang bunga sa hawak na
kumpol ni Manuel at ito'y marahang pinisil.
Nawala ang takot ni Manuel at mabilis
na tinalupan ang isang bunga ng lansones. Anong sarap at anong tamis! Nang
ibaling niya ang paningin sa babaeng nakaputi ay nawala na ito. Biglang naglaho
at saan man niya igala ang kanyang mata ay hindi makita. "Salamat po,
Diyos ko!" ang nabigkas ni Manuel.
I-click
ang link. Marami pang alamat dito:
http://misterhomework.blogspot.com/2013/06/mga-halimbawa-ng-alamat.html
No comments:
Post a Comment