Noli Me Tangere
Buod ng
Kabanata 45 - Ang mga Pinag-uusig
Sa wakas ay natagpuan ni Elias si Kapitan Pablo sa
isang yungib sa kagubatan pagkatapos ng anim na buwan na hindi pagkikita. May
dalawang linggo na rin ang nakalipas nang malaman ni Elias ang sinapit ng
kapitan. Malapit ang loob niya sa matanda at itinuturing niya itong ama. Pareho
rin silang nag-iisa na sa buhay. Sinubukang kumbinsihin ni Elias ang Kapitan na
maisama ito sa mga lupain ng katutubo. Malayo man ito sa sibilisasyon ay
makakapamuhay ng mapayapa ang matanda at makakalimot sa sinapit ng kanyang
pamilya. Tinanggihan naman ito ng matanda at matiim itong nanindigan na
ipaghiganti ang masaklap na nangyari sa kanyang mga anak sa kamay ng mga
dayuhan. Hindi siya matatahimik hanggat hindi nagkakaroon ng katarungan ang kaawa-awang
sinapit ng kanyang pamilya. Tatlo ang anak ni Kapitan Pablo, isang babae at
dalawang lalake. Pinagsamantalahan ng isang alagad ng simbahan ang kanyang anak
na dalaga. Ang isa niyang anak na lalaki ay nag-imbestiga sa nangyari kung
kayat nagpunta ito ng kumbento. Tila nagkaroon naman diumano ng nakawan sa
kumbento kung kaya't pinagbintangan ang kanyang anak na lalaki. Hindi man
napatunayan ang nasabing nakawan, hinuli pa rin ito at ibinitin at nakatikim ng
pagpapahirap sa kamay ng mga awtoridad. Hindi tinugon ni Kapitan Pablo ang mga
sigaw ng pagtawag ng kanyang anak sapagkat noon ay mas nanaig ang kanyang
kaduwagan at pagnanais sa mapayapang buhay. Ang kura naman ay hindi man lamang
naparusahan kundi inilipat lamang ng panibagong lugar. Ang isa naman niyang
anak na lalaki ay pinaghinalaang maghihiganti. Sa kasamaang palad, may isang
pagkakataon na hindi nito nadala ang kanyang sedula kung kaya't hinuli ito ng
mga sibil. Pinahirapan din ito at ng hindi na makayanan ay kinitil nito ang
sariling buhay. Kung kaya para kay Kapitan Pablo, wala nang mahalaga sa kanya
kundi ang ipaghiganti ang sinapit ng kanyang mga anak. Lulusob sila sa bayan sa
tamang oras, kasama ng iba pang mga kapus-palad na pinag-uusig ng pamahalaan.
Lubos naman itong nauunawaan ni Elias, kaya't ang simpatya niya ay nasa
matanda. Minsan na ring hinangad ni Elias ang paghihiganti, ngunit sa
kagustuhang wala ng madamay pa sa kanyang paghihiganti, kinalimutan na lamang
niya ito. Ayon kay Kapitan Pablo, madali itong gawin para kay Elias sapagkat
magkaiba naman sila ng sinapit. Si Elias ay bata pa at walang namatay na mga
anak. Pinangakuan naman niya si Elias na walang madadamay na inosente sa
gagawin nilang paghihiganti. Isinawalat din ni Elias kay Kapitan Pablo ang
naging pagkikita at pagkakaibigan nila ni Ibarra. Ikinuwento rin nito ang mga
katangian ni Ibarra at ang pang-aaping sinapit ng pamilya nito sa kamay ng
pari. Sinabi nito kay Kapitan Pablo na makakatulong si Ibarra sa pagpapa-abot
sa Heneral tungkol sa mga hinaing ng bayan. Sumang-ayon naman ang matanda at
malalaman niya ang resulta ng pakikipag-usap ni Elias kay Ibarra tungkol dito
pagkatapos ng apat araw. Ang mga tauhan ng Kapitan Pablo ang kakatagpuin ni
Elias upang maipag-bigay alam sa matanda ang sagot ni Ibarra. Kapag sumang-ayon
si Ibarra, magkakaroon ng katarungan ang kanilang mga hinaing at kung hindi
naman, nangako si Elias na sasama sa kanilang layunin.
No comments:
Post a Comment