Ang Alamat ng mga Unang
Alitaptap
Ang sabi ay tao lamang ang gumagamit
ng apoy. Ang mga hayop daw ay hindi. Ito ay hindi totoo sapagka't ang mga
alitaptap ay gumagamit din ng apoy. Alam mo ba kung bakit gumagamit ng apoy ang
mga alitaptap?
Noong unang panahon, ang mga alitaptap
ay maliliit na kulisap lamang. Ang mga kulisap na iyon ay walang dala-dalang
apoy. Nguni't ito ring mga kulisap na ito ang tinatawag natin ngayong
ALITAPTAP. Bakit kaya sila ngayon ay may dal-dalang apoy na kikisap-kisap?
Gaya rin ng mga alitaptap ngayon, ang
mga kulisap noong unang panahon ay gabi lamang kung lumipad. Naguni't ayaw na
ayaw nila ng mga gabing madilim. Ang ibig nila ay mga gabing maliwanag ang
buwan. Kapag madilim ang gabi ay nagtatago sila sa mga damo. Nagtatago sila sa
mga dahon at sa mga bulaklak. Sila ay takut na takot. Bakit kaya?
Isang gabing madilim, walang malamang
pagtaguan ang mga kulisap na iyon. Nakakita sila ng isang punong sampaguita.
Ang ilan sa kanila ay nagkubli sa nga bukong bulaklak nito. Mayroon namang
nagkubli sa mga talulot.
"Bakit ba?" ang tanong ng
sampaguita. "Bakit ba kayo nagtatago? Bakit ba kayo takot na takot? Kayo
ba ay natatakot sa dilim?"
"Hindi kami sa dilim
natatakot," ang sagot ng isang kulisap.
"At saan?" ang tanong ng
sampaguita.
"Sa mga kabag-kabag," ang
sagot ng maraming kulisap.
"Bakit kayo natatakot sa mga
kabag-kabag?" ang tanong ng sampaguita. "Inaano b akayo ng mga
kabag-kabag?"
"Kami'y kinakain nila," ang
sabi ng mga kulisap. "Kapag kami ay nakita nila ay hinuhuli kami at iyon
na ang katapusan ng aming buhay."
"Masama naman ang ginagawa sa
inyo ng mga kabag-kabag," ang wika ng sampaguita.
"Biruin mo, kay rami ng mga
kabag-kabag," ang sabi ng isang kulisap. "Kaya kami ay pakaunti nang
pakaunti."
"Mauubos nga kayo kung
ganyan," ang wika ng sampaguita. Kaawaawa naman kayo."
"Hindi nga namin malaman kung ano
ang aming gagawin," Ang wika ng mga kulisap.
"Eh, bakit kung maliwanag ang
gabi ay hindi kayo nagkukubli sa aking ouno?" ang tanong ng sampaguita.
"Kung maliwanag ang buwan ay
mahirap kaming mahuli ng mga kabag-kabag," ang sagot ng isang kulisap.
"Hindi makakita sa liwanag ang
mga kabag-kabag, eh," ang dugtong ng isang kulisap.
"Sila ay nasisilaw sa
liwanag," ang dugtong pang uli ng isang kulisap.
"Ganoon pala. Hindi pala makakita
sa liwanag," ang sabi ng sampaguita. "Tuturuan ko kayo kung ano and
dapat ninyong gawin."
"Ano ba? Ano ba ang dapat naming
gawin?" ang tanong ng bawa't kulisap.
"Bawa't isa sa inyo ay magdala ng
apoy," ang sabi ng sampaguita. "Pagkatapos ay magsabay-sabay kayong
lumabas. Matatakot sila sa inyo. Hindi nila kayo malalapitan."
"Oo nga, siya nga," ang
sabay-sabay na sabi ng ilang kulisap.
"Mabuti nga, ano?" ang sabi
pa rin ng ibang kulisap.
Ganoon na nga ang ginawa ng mga
kulisap. Isang gabing madilim, ang bawa't isa sa kanila ay nagdala ng apoy,
pagkatapos ay nagsabay-sabay silang lumabas. Naku! Para silang alipatong
lumilipad. Hindi nga naman sila malapitan ng mga kabag-kabag.
Anong tuwa ng mga kulisap. Lumipad
sila nang paikut-ikot sa punong sampaguita.
"Salamat sa iyo, Sampaguita. Kami
ngayon ay malaya na."
Mula na noon tuwing lalabas ang mga
kulisap pag madilim ang gabi nagdadala sila ng apoy. Ang mga kulisap na iyon
din ang tinatawag ngayong "ALITAPTAP."
I-click ang link. Marami
pang alamat dito: http://misterhomework.blogspot.com/2013/06/mga-halimbawa-ng-alamat.html
No comments:
Post a Comment