Alamat Ng Sampaguita
Ang
sampaguita, na ating pambansang bulaklak, ay may iniingatang isang magandang
alamat. Ang dalawang pangunahing tauhan ay bibigyan natin ng mga makabagong
pangalan, bagaman ayon sa mattanda, ang mga tagpong inilalarawan sa kuwento ay
nangyari noong bago pa dumating dito sa atin ang mga Kastila.
Noo'y
panahon pa ng mga baranggay at datu. Ang Balintawak at ang Gagalangin ay
baranggay na magkapit-bahay. Sa pagitan ay may isang matibay na bakod na yari
sa mga pinatuyong kawayan , na tuwing limang taon ay ginigiba at pinapalitan.
Kung minsan, ang nagpapalit ay ang mga kawal ng datu sa Gagalangin; kung minsan
naman ay ang mga kawal ng datu sa Balintawak. Ngunit ang lahat ay gumagawa
alinsunod sa utos ng kani-kanilang puno.
Ang
datu ng Balintawak ay mayroon daw isang anak na dalaga na walang pangalawa sa
kagandahan, maging sa mukha at sa pag-uugali. Ang ngalan niya ay Rosita, wala
na siyang ina, datapuwa't mayroon siyang apat na abay na pawang mga dalaga rin;
sila ang nag-aasikaso sa kanyang mga pangangailangan. Maraming binatang
nagingibig sa kanya, ngunit ang nakabihag ng kanyang mailap na puso ay ang anak
na binata ng datu ng Gagalangin na nangangalang Delfin.
Nakapagtataka
kung bakit gaong ang kanilang mga ama ay mahigpit na magkaaway ay sila'y
tinubuan ng pag-ibig sa isa't isa. Marangal ang pag-ibig ni Delfin kay Rosita
-- walang halong pag-iimbot, alang ano mang masamang hangarin. Sa isang sulok
ng bakod ng hanggahan natatabingan ng malagong halaman, si Delfin ay gumagawa
ng isang lihim na lagusan kanayang madaraanan. Kaya't kung gabing maliwanag ang
buwan, malimit daw magpasayal sila ni Rosita, kasama ang mga abay na dalaga.
Sinasamyo nila ang malinis na simoy ng kabukiran at pinanonood nila ang
kaayaayang mukha ng buwan. Ang pag-iibigan nilang iyon ay lingid sa kaalaman ng
kanilang mga magulang.
Minsan,
nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang hanggahang bakod ay binubuwag at
pinapalitan ng mga taga-Balintawak. Nag-utos siya sa ilan niyang mga tauhan
upang magmasid sa ginagawang pagbabakod ng mga taga-Balintawak. Nang sila'y
magbali, tumanggap siya ng blita na ang bagong bakod na itinatayo ay iniusod
nang may limang talampakan sa dako ng Gagalangin, at samakatuwid ay nakakakuha
sa kanilang lupa. Agad siyang nagpautos sa datu ng Balintawak.
"Sabihin
ninyo," anya sa mga utusan, " na ibalik ang bakod sa dating
kintatayuan. Hindi matuwid ang kanilang ginagawa, sapagka't tunay na isang
pagnanakaw."
Nagalit
ang datu ng Balintawak nang humarap sa kanya ang mga sugong buhat sa Gagalangin
at sabihin sa kanya ang biling ng datu roon. "Sabihin niyo sa inyong
datu," ang wika niya sa mga sugo," na ako'y hindi magnanakaw. Ang
bakod ay binbalik ko lamang sa dapat kalgyan ayon sa natuklasan kong mga
kasulatan ng aking mga nuno."
Ipinag-alab
bg loob ng ama ni Delfin ang tinanggap niyang balita. Sa gayung mga alitan, ang
karaniwang nagiging hangganan ay digmaan.
Inihanda
ng datu ng Gagalangin ang kanyang mga hukbo. Kailangang bawiin niya sa
pamamagitan ng patalim ang lupang sa palagay niya ay ninakaw sa kanya. Nang
mabalitaan ng datu ng Balintawak na ang Gagalangin ay naghahanda upang siya ay
digmain, iginayak din niya ang kanyang mga kawal. Nang malapit na ang araw ng
paglusob ng hukbo ng Gagalangin sa mga taga-Balintawak, ang datu ay biglang
dinapuan ng isang mahiwagang karamdaman at di nagtagal ay namatay. Naiwan kay
Delfin ang isang mabigat na panagutan: siya ang magiging heneral ng hukbo ng
Gagalangin.
Nang
makarating sa kaalaman ni Rosita ang bagay na ito, siya'y kinabahan. Si Delfin
ay batang-bata at wala pang gaanong karanasan sa digmaan, samatalang ang
kanyang ama ay nahasa na sa maraming pakikilaban sapul pagkabata. Gayon na
lamang ang kanyang pag-aalala. Ibig sana niyang magkausap sila ni Delfin upang
ito'y himuking iurong na ang digmaan at mapayapang pakipag-usapan sa ama niya
ang lahat. Datapuwa't wala na silang panahon upang magkausap pa. Kinabukasan
noo'y lalabas na sa larangan ang kanyang ama sa unahan ng isang malaking hukbo.
Naging
madugo ang labanan nang magsagupa ang dalawang hukbo. Maraming nalagas sa
magkabilang panig. Si Delfin ay natadtad ng sugat , at dahil sa masaganang
dugong nawala sa kanya, siya'y nabuwal na lamang at sukat sa lupa. Bago siya
nalagutan ng hininga, ipinagbilin niya sa kanyang mga kawal na doon siya
ilibing sa tabi ng hanggahang bakod, malapit sa lihim na lagusang dinaraanan
niya kung gabing maliwanag ang buwan at sila ni Rosita, kama ng mga abay nito,
ay mapayapang namamasyal sa makapal na damuhan.
Hindi
nabanggit ng mga matatandang nagkuwento ang sinapit na buhay ng dalawang
magsing-ibig, kung ano ang naging hanggan ng labanan. Ang sabi lamang nila ay
ganito : nang mabalitaan ni Rosita ang pagkamatay ni Delfin sa labanan, ang
dalaga'y nagkasakit sa matinding dalamhati. Nagpatawag ng magagaling na
mangagamot ang datung ama niya, ngunit sino man sa kanila'y hindi
nakapagpagaling sa kaawa-awang dalaga. Unti-unti itong pinanawan ng lakas. Nang
sa palagay ni Rosita ay hindi siya magtatagal, hiningi niya sa kanyang ama na
ang bangkay niya'y doon lamang ilibing sa tabi ng pinaglibingan kay Delfin.
Masaklap man sa kalooban ng datu, pinagbigyan niya ang kahilingan ng minamahal
niyang anak.
Maraming
taon ang lumipas mula noon. Nawala na ang mga baranggay at dumating na ang mga
Kastila. Naitatag na ang siyudad ng Maynila. At buhat noo'y marami ng tao sa
Balintawak at sa Gagalangin. Ngunit ang mga tao sa dalawang pook na ito ay
naliligalig sa isang mahiwagang bagay. Kung buwan daw ng Mayo, lalu na kung mga
gabing maliwanag ang buwan, may mahiwagang tinig na naririnig ang
nagsisipanirahan sa may pagitan ng ng dalwang nayong naturan. Ang tinig ay
waring sa isang babae at malambing daw na parang marahang bulong ng panggabing
hanging humahalik sa mga dahon ng halaman. "Sumpa kita! ...Sumpa
kita!" ang winiwika raw ng tinig. Ngunit ang mga tao, kung minsa't sila'y
nagbabantay, ay wala namang nakikita. Napansin nila na ang waring nagmumula sa
isang masukal na dako, na sinibulan ng dalawang puno ng halamang ang mga
bulaklak ay may kaliitan datapuwa't maputi, maraming talulot at ang iwing
bango'y pambihira. Ganyan ang lagi nang nasasaksihan ng mga tao roon kung buwan
ng Mayo, taun-taon.
Sa
di-kawasa'y naisipan nilang hukayin ang dalawang halamang iyon upang matuklasan
ang hiwaga ng malambing na tinig at ang kahulugan ng mga salitang sinasambit.
Hindi naman sila gaanong naghirap. Nguni't ang kanilang pagtataka'y lalo pang
nadagdagan nang makita nilang ang dalwang puno ng mababangong halaman ay
nagmumula sa mga bibig ng dalawang bungong hindi gaanong nagkakalayo sa
pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa kalansay. Ngayo'y nanariwa sa alala ng mga
matatanda ang kasaysayan ng dalawang kapos-palad - Si Delfin at si Rosita.
Samantala....
Ang
kuwento'y nagkasalin-salin sa maraming bibig, at ang "Sumpa kita!" na
inihahatid ng panggabing simoy sa pandinig ng mga nagmamatyag ay naging
"Sampaguita" , na siyang iningalan na tuloy sa mahalimuyak na
bulaklak ng halamang tumutubo sa libing ng magsing-irog.
I-click
ang link. Marami pang alamat dito:
http://misterhomework.blogspot.com/2013/06/mga-halimbawa-ng-alamat.html
No comments:
Post a Comment