Tuesday, June 18, 2013

Talambuhay ng Mga Pangulo ng Pilipinas



Benigno Aquino III
(2010 - kasalukuyan)
Si Benigno Simeon Cojuangco Aquino, III (ipinanganak noong Pebrero 8, 1960) na mas kilala sa palayaw na Noynoy Aquino o sa tawag na P-Noy ay ang ikalabing-limang Pangulo ng Republika ng Pilipinas (Hunyo 30, 2010 hanggang kasulukuyan) . Noong Hunyo 30, 2010, matagumpay siyang umakyat sa puwesto sa tulong ng kanyang Transition Team. Siya ang nag-iisang anak na lalaki ng dating Senador Ninoy Aquino at dating Pangulong Cory Aquino may mga kapatid rin siya na sina Maria Elena “Ballsy” Aquino-Cruz, Aurora Corazon “Pinky” Aquino-Abellada, Victoria Eliza “Viel” Aquino-Dee at Kristina Bernadette “Kris” Aquino. Siya rin ay dating Kongresista at Senador ng Bansang Pilipinas. Habang pangulo, kilala sa sa katawagang "P-Noy" na ngangahulugang "Pangulong Noynoy".


Gloria M. Arroyo
(2001-2004 at 2004 - 2010)
Si Maria Gloria Macapagal-Arroyo (ipinanganak bilang Maria Gloria Macaraeg Macapagal noong Abril 5, 1947) ay ang ikalabing-apat na Pangulo ng Republika ng Pilipinas (Enero 20, 2001 - Hunyo 30, 2010). Siya ang ikalawang babaeng pangulo ng bansa, at anak ng dating pangulong si Diosdado Macapagal.
Isang propesor ng ekonomiks, si Arroyo ay pumasok sa pamahalaan noong 1987, na naglingkod bilang pangalawang kalihim at undersecretary ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya sa pag-talaga sa kanya ni Pangulong Corazon Aquino. Pagkatapos maglingkod bilang senador mula 1992 hanggang 1998, siya ay nahalal na Pangalawang Pangulo sa ilalim ni Pangulong Joseph Estrada kahit na ito ay tumakbo sa kalabang partido. Pagkatapos maakusahan si Estrada ng korupsyon, nagbitiw siya sa posisyon niya bilang gabinete bilang kalihim ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunladat sumali sa lumalaking bilang ng mga oposisyon sa Pangulo, na humarap sa paglilitis. Si Estrada ay napaalis sa pwesto sa pamamagitan ng tinatawag ng mga tagapagtaguyod nito bilang mga mapayapang demonstrasyon sa lansangan ng EDSA, ngunit binansagan namang ng mga kritiko nito bilang pagsasabwatan ng mga elitista sa larangan ng politika, negosyo, militar at ni Obispo Jaime Kardinal Sin ng Simbahang Katoliko. Si Arroyo ay pinanumpa bilang Pangulo ng noon ay Punong Mahistrado na si Hilario Davide, Jr. noong Enero 20, 2001 sa gitna ng lipon ng mga tao ng EDSA II, ilang oras bago nilisan ni Estrada ang Palasyo ng Malakanyang. Siya ay nahalal upang maupo bilang pangulo sa loob ng anim na taon noong kontrobersyal na eleksyon ng Pilipinas noong Mayo 2004, at nanumpa noon Hunyo 30, 2004.


Joseph Estrada
(1998-2001)
Si Jose Marcelo Ejercito (ipinanganak Abril 19, 1937), na mas kilala bilang Joseph Ejercito Estrada, o Erap, ay ang ikalabing-tatlong Pangulo ng Republika ng Pilipinas (Hunyo 30, 1998 - Enero 20, 2001). Ipinanganak siya sa Tondo, Maynila. Anak siya nina Emilio Ejercito, Sr., na isang inhinyero, at ni Maria Marcelo. Si Jose Marcelo Ejercito ay ipinanganak sa Tondo, ang isa sa mga mahihirap na bahagi ng Maynila. Siya ay anak ni Emilio Ejército, Sr (1898-1977), isang maliit na sweldong pamahalaan kontratista, at María Marcelo (1905-2009), isang maybahay. Siya ang ikawalo sa sampung magkakapatid. Ang kanyang mga kapatid ay sina Antonio Ejercito (1932-2005), Emilio Ejercito, Jr (George Estregan) (1939-1988), Dr. Pilarica Ejercito, abogado Paulino Ejercito, Petrocinia E. de Guzman, Marita , at Jesse Ejercito.


Fidel Ramos
(1992-1998)
Si Fidel Valdez Ramos (ipinanganak Marso 18, 1928) ay ang ikalabing-dalawang Pangulo ng Republika ng Pilipinas (Hunyo 30, 1992 - Hunyo 30, 1998). Isinilang siya noong Marso 18, 1928 sa Lingayen, Pangasinan. Panganay siya sa tatlong anak nina Narciso Ramos at Angela Valdez. Nagtapos siya sa United States Military Academy sa West Point noong 1950. Kumuha rin siya ng masteral ng civil engineering sa University of Illinois, Masters in Business Administration sa Pamantasang Ateneo de Manila, at nanguna sa klase niya sa Infantry training at kursong Special Forces/Pay Operations/Airborne sa Fort Benning, Georgia. Bumalik siya sa Pilipinas noong 1951 at naging heavy weapon platoon leader ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Ipinadala rin siya sa mga digmaan ng Korea at Vietnam. Naging tanyag siya sa pamumuno sa isang pulutong ng mga sundalong tumalo sa pwersang komunista ng mga Tsino sa Labanan sa Burol ng Eerie. Kabilang sa mga medalya at parangal na natanggap niya bilang sundalo ang Philippine Legion of Honor, ang Gold Cross, ang Philippine Military Merit Medal, ang United States Legion of Merit, ang French Legion of Honor at ang U.S. Military Academy Distinguished Award.


Corazon Aquino
(1986-1992)
Si María Corazón Cojuangco-Aquino (ipinanganak bilang María Corazón Sumulong Cojuangco) (Enero 25, 1933—Agosto 1, 2009) na lalong mas kilala sa palayaw na Cory ay ang ikalabing-isang Pangulo ng Republika ng Pilipinas at kauna-unahang babaeng naluklok sa nasabing pwesto (Pebrero 25, 1986–Hunyo 30, 1992). Tinagurian siyang Ina ng Demokrasya dahil sa pagsuporta niya sa pagpapanumbalik ng demokrasya sa Pilipinas. Ipinanganak siya sa Tarlac kina Jose Cojuangco Sr. at Demetria Sumulong. Nakapag-aral siya sa Estados Unidos at nakapagtapos nang may digri sa Wikang Pranses. Siya ay kabiyak ni Benigno "Ninoy" Aquino, Jr. , ang pinaslang na lider ng oposisyon noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Nailuklok siya sa pamamagitan ng isang mapayapang rebolusyon (Unang Rebolusyon sa EDSA) noong Pebrero 25, 1986 at ibinalik niya ang demokrasya sa bansa. Siya ay ina ng artistang si Kris Aquino at ang kasalukuyang Pangulo ng Pilipinas na si Benigno Aquino III. Pumanaw siya noong ika-1 ng Agosto 2009 at inlibing noong ika-5 ng Agosto.

Ferdinand Marcos
(1965-1986)
Si Ferdinand Emmanuel Edralin Marcos (Setyembre 11, 1917 - Setyembre 28, 1989) ay ang ikasampung Pangulo ng Republika ng Pilipinas (Disyembre 30, 1965-Pebrero 25, 1986). Siya ay isang abugado, kasapi ng Kapulungan ng mga Kinatawan mula 1949 hanggang 1959 at kasapi ng Senado ng Pilipinas mula 1959 hanggang 1965. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, siya ay naging lider-gerilya sa hilagang Luzon. Noong 1963, siya ay naging Pangulo ng Senado kapalit ni Senador Eulogio Rodriguez, Sr.. Bilang Pangulo ng Pilipinas, kahanga-hanga ang kanyang mga nagawa sa larangan ng diplomasya at pagpapagawa ng mga mahahalagang imprastraktura sa bansa. Ngunit, ang tagumpay ng kanyang pangasiwaan ay nabahiran ng talamak na katiwalian, paniniil sa karapatang pantao, at panunupil sa oposisyon. Bumagsak ang kanyang pamunuan sa Rebolusyon sa EDSA na naganap noong 1986.



Diosdado Macapagal
(1961-1965)
Si Diosdado Pangan Macapagal (Setyembre 28, 1910 - Abril 21, 1997) ang ikasiyam na pangulo ng Pilipinas (Disyembre 30, 1961 - Disyembre 30, 1965) at ay ang ikasiyam na Pangulo ng Republika ng Pilipinas (Disyembre 30, 1961-Disyembre 30, 1965).Ama siya ni Gloria Macapagal-Arroyo na naging pangulo rin. Isinilang siya noong Setyembre 28, 1910 sa San Nicolas, Lubao, Pampanga. Ang kanyang mga magulang ay sina Urbano Macapagal at Romana Pangan. Pangalawa siya sa apat na magkakapatid. Ang kanyang ama ay isang manunulat ng mga salitang Kapampangan at ang kanyang ina ay isang guro na nagturo ng katesismo. Nakapagtapos siya ng elementarya sa Lubao Elementary School bilang valedictorian at bilang sekundarya sa Pampanga High School bilang salutatorian.


Carlos P. Garcia
(1957-1961)
Carlos Polistico Doi Garcia (1896-1971), Pangulo ng Republika ng Pilipinas noong 1957 hanggang 1961. Isinilang si Garcia noong Nobyembre 4, 1896 sa Lungsod ng Talibon, Bohol sa Kapuluan ng Kabisayaan sa Kalagitnaang Pilipinas. ang kaniyang mga magulang ay sina Policronio Garcia at Ambrosia Polistico. Nag-aral siya sa Silliman University at Silliman Institute, sa lungsod ng Dumaguete, at kinalaunan nagtapos din siya ng abogasya sa Philippine Law School noong 1922 sa Maynila. Naging abogado at guro, pinasok niya ang politika noong 1926 bilang mambabatas na kaanib sa Kapulungan ng mga Kinatawan (Philippine House of Representatives) at naglingkod hanggang 1932. Si Garcia ay naging gobernador ng Bohol, isang probinsiya sa Katimugang Pilipinas, mula 1932 hanggang 1942, at naging miyembro ng Senado mula 1942 hanggang 1953. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1939-1945), lumaban siya sa pananakop ng mga Hapon bilang miyembro ng mga gerilya na nakabase sa Bohol, at ang tinulungan ng mga tropang Pilipino at Amerikano sa Bohol. Noong 1946 ay naging puno siya ng minoriya sa Senado. Noong 1953 si Garcia ay nanombrahan bilang Bise Pangulong na kabilang sa Tiket Nasyonalista na pinangunguluhan ni Ramon Magsaysay, isang politikong Pilipino na bumuo at namuno sa isang pwersang guerilla na lumaban sa pananakop ng mga Hapones. Nakamit nila ang mapagpasyang tagumpay, at noong 1954, si Garcia ay naging bise presidente at Kalihim ng Suliraning Panlabas.



Ramon Magsaysay
(1953-1957)
Si Ramon del Fierro Magsaysay o Ramón "Monching" Magsaysay (Agosto 31, 1907 – Marso 17, 1957) ay ang ikapitong Pangulo ng Republika ng Pilipinas (Disyembre 30, 1953-Marso 17, 1957). Si Magsaysay ay isinilang sa Iba, Zambales noong Agosto 31, 1907 kina Exequiel Magsaysay at Perfecta del Fierro. Nag-aral sa Pamantasan ng Pilipinas at Jose Rizal College. Naglingkod siya bilang tagapamahala ng Try-Tran Motors bago magkadigma. Nang bumagsak ang Bataan inorganisa niya ang "Pwersang Gerilya sa Kanlurang Luzon" at Pinalaya ng pwersang Amerikano at Pilipino ang Zambales noong Enero 26, 1945. Noong 1950, bilang kalihim ng Pagtatanggol kaniyang binuwag ang pamunuan ng mga Hukbalahap. Pinigil niya ang panganib na lilikhain ng pulahang Komunista at naging napakatanyag sa mamamayan. Noong eleksyon ng 1953, tinalo niya si Quirino at naging ikatlong pangulo ng republika. Ang kanyang pangalawang pangulo ay si Carlos P. Garcia.



Elpidio Quirino
(1948-1953)
Si Elpidio Rivera Quirino (Nobyembre 16, 1890—Pebrero 29, 1956) ay isang pulitiko at ang ikaanim na Pangulo ng Republika ng Pilipinas (Abril 17, 1948-Disyembre 30, 1953). Isinilang si Quirino sa Vigan, Ilocos Sur Noong Nobyembre 16, 1890 kina Mariano Quirino at Gregoria Rivera. Nagtapos siya ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas (University of the Philippines) noong 1915. Nahalal sa Kongreso noong 1919. Hiniram na Kalihim ng Pananalapi ni Gob. Hen. Murphy noong 1934 at naging kasapi ng "Constitutional Convention". Naging pangalawang pangulo siya ni Manuel Roxas noong 1946. At nanumpa bilang Pangulo pagkaraang mamatay si Roxas noong Abril 17, 1948. Kinaharap ng administrasyong Quirino ang isang malubhang banta ng kilusang komunistang Hukbalahap. Pinasimulan niya ang kampanya laban sa mga Huk. Bilang Pangulo, muli niyang itinayo ang ekonomiya ng bansa, pinaunlad niya ang pagsasaka, at mga industriya. Tinalo ni Ramon Magsaysay sa kanyang ikawalang pagtakbo bilang pangulo. Namatay siya sa atake sa puso noong Pebrero 29, 1956 sa gulang na 66.



Manuel Roxas
(1946-1948)
Si Manuel Acuña Roxas (Enero 1, 1892 - Abril 15, 1948) ay isang pulitiko sa Pilipinas. Siya ay ang ikalimang Pangulo ng Republika ng Pilipinas (Mayo 28, 1946–Abril 15, 1948). Isinilang si Roxas noong Enero 1, 1892 sa lungsod na ipinangalan sa kanya nang siya ay mamatay, ang Lungsod ng Roxas sa lalawigan ng Capiz. Sina Gerardo Roxas at Rosario Acuna ang kanyang mga magulang. Nagtapos siya ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas (University of the Philippines)noong 1912 at naging topnatcher sa Bar. Nag-umpisa siya sa pulitika bilang piskal panlalawigan. Nagsilbi sa iba-ibang kapasidad sa ilalim ng Pamahalaang Komonwelt ni Manuel L. Quezon. Noong 1921, naihalal siya sa House of Representatives at sa sumunod na taon ay naging speaker. Pagkatapos maitatag ang Komonwelt ng Pilipinas (1935), naging kasapi si Roxas sa National Assembly, nagsilbi (1938-1941) bilang Kalihim ng Pananalapi sa gabinete ni Pangulong Manuel Quezon, at naihalal (1941) sa Senado ng Pilipinas.


Sergio Osmena
(1944-1946)
Si Sergio Osmeña y Suico (Setyembre 9, 1878 – Oktubre 19, 1961), higit na kilala ngayon bilang Sergio Osmeña, Sr. ay ang ikaapat na Pangulo ng Republika ng Pilipinas (Agosto 1, 1944 – Mayo 28, 1946). Siya ang ama ni dating Senador Sergio Osmeña Jr. at lolo nina Senador Sergio Osmeña III, John Osmena, dating Gobernador Lito Osmena ng Cebu at Mayor Tomas Osmena. Isinilang siya noong Setyembre 9, 1878 sa Lungsod ng Cebu. Si Osmeña ay nanguna sa mga nagtapos ng primarya sa kanyang paaralan. Nag-aral ng sekundarya sa Seminario ng San Carlos sa Cebu. Nagtungo siya sa Maynila at nag-aral sa San Juan de Letran, kung saan nakilala niya si Manuel L. Quezon. Nang sumiklab ang rebolusyong Pilipino noong 1896, bumalik sa Cebu si Osmeña. Ipinadala siya ng lokal na liderato ng Cebu para ibalita kay Emilio Aguinaldo ang sitwasyon sa Cebu. Noong 1900, naging tagapag-lathala at patnugot siya ng pahayagang El Nuevo Dia. Nagbalik siya sa Maynila para mag-aral ng abogasya sa Unibersidad ng Sto. Tomas, kung saan ay muli silang nagkita ni Quezon. Noong 1903, siya at ang kanyang mga kamag-aral ay pinahintulutan ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas na kumuha ng eksamen sa bar kahit tatlong taon pa lamang ang kanilang natapos. Si Osmeña ay pumangalawa sa naturang eksamen sa bar.

Jose Laurel
(1943-1945)
Si José Paciano Laurel y García (Marso 9, 1891 - Nobyembre 6, 1959) ay ang ikatlong Pangulo ng Republika ng Pilipinas (Oktubre 14, 1943-Agosto 17, 1945) sa ilalim ng mga Hapon mula 1943 hanggang 1945. Isinilang si Laurel sa Tanauan, Batangas noong Marso 9, 1891 anak nina Sotero Laurel at Jacoba Garcia. Nagtapos siya ng abogasya sa U.P. noong 1915. Pagkatapos ay, Hinirang na Kalihim Panloob ni Gob. Hen. Wood noong 1923 at naging Associate Justice noong 1935. Nanungkulan siya bilang Pangulo ng Kataas-taasang Hukuman nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at itinalaga siyang Kalihim ng Katarungan ni Quezon bago lumisan. Pinili si Laurel ng mga Hapon upang magsilbing pangulo ng Ikalawang Republika ng Pilipinas. Pinangalagaan niya ang kapakanan ng bansa sa gitna ng mga kalupitan ng mga Hapon. Ibinilanggo siya bilang "collaborator" pagkaraan ng digmaan ngunit pinalaya ni Pangulong Roxas noong 1948. Noong Nobyembre 6, 1959, namatay si Laurel sa grabeng atake sa puso at istrok.


Manuel L. Quezon
(1935-1944)
Si Manuel Luis Quezon y Molina (Agosto 19, 1878 – Agosto 1, 1944) ay ang ikalawang Pangulo ng Republika ng Pilipinas (Nobyembre 15, 1935–Agosto 1, 1944). Siya ang kinilala bilang ikalawang pangulo ng Pilipinas, kasunod ni Emilio Aguinaldo (na ang administrasyon ay hindi kinilala ng ibang bansa sa mga panahong iyon at hindi kinilala bilang unang pangulo sa mga kapisanang internasyunal). Ipinanganak si Manuel L. Quezon sa Baler, sa lalawigan ng Tayabas (tinatawag na ngayong Aurora) noong Agosto 19, 1878. Ang tunay niyang pangalan ay Manuel Luis M. Quezon. Anak siya nina Lucio Quezon at Maria Dolores Molina, kapwa mga guro. Nagtapos siya ng pag-aaral mula sa Colegio de San Juan de Letran noong 1893.[1]Bilang isang binata, nakilahok siya sa pag-aalsa laban sa mga Kastila. Nakipaglaban din siyang kasama ng mga Pilipinong Nasyonalista sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, bilang katulong ni Emilio Aguinaldo. Naipakulong siya dahil sa gawaing ito. Makaraang palayain, nanumpa siya ng katapatan sa Estados Unidos.




Emilio Aguinaldo
(1898-1901)

Si Emilio Aguinaldo y Famy (Marso 22, 1869–Pebrero 6, 1964) ay isang Pilipinong heneral, pulitiko at pinuno ng kalayaan, ay ang unang Pangulo ng Republika ng Pilipinas (Enero 20, 1899–Abril 1, 1901). Isa siyang bayaning nakibaka para sa kasarinlan ng Pilipinas. Pinamunuan niya ang isang bigong pag-aalsa laban sa Espanya noong 1896. Makaraang magapi ng Estados Unidos ang Espanya noong 1898, ipinahayag niya ang kalayaan ng Pilipinas at umupo bilang unang pangulo ng Pilipinas noong Hunyo 1899. Malakas ang kaniyang loob subalit nilarawang baguhan sapagkat naniwalang tatangkilin ng Estados Unidos ang kaniyang hangarin. Nang maging ganap at lantad ang mga hangarin ng Estados Unidos hinggil sa Pilipinas, muli niyang pinamunuan ang isang pag-aaklas mula 1899 hanggang 1901. Nadakip siya sa bandang huli ng mga Amerikano noong Marso 1901, makaraang makipaglaban sa loob ng dalawang taon. Nanumpa siya ng katapatan sa Estados Unidos subalit nagsuot ng isang itim na bow tie hanggang sa tuluyang nakamit ng Pilipinas ang kalayaan noong 1946. Tumakbo siya bilang pangulo noong 1935 ngunit nagapi sa halalan ni Manuel Quezon. Sa mga huling panahon ng kaniyang buhay, nagsilbi siya sa Konseho ng Estado ng Pilipinas. Siya rin ang pinakabatang pangulo ng Pilipinas.

6 comments:

  1. Mahusay na reference para sa mga mag aaral!

    ReplyDelete
  2. thanks it helps me alot in doing my homework :) :)

    ReplyDelete
  3. Gusto mo ba ng online work?
    Earn while you enjoy time with your Family & Lovedones!
    Email me: tirade_uno_23@yahoo.com
    For more details, kindly visit http://www.unemployedpinoys.com/

    ReplyDelete