Friday, July 12, 2013

Buod ng Ibong Adarna


Noong unang panahon sa malayong reyno ng Berbanya, mapayapa at masayang namumuhay ang mga mamamayan nito na di nakakakilala ng ligalig.  Ito ay utang ng lahat sa mabuting pamamalakad ng mabait na Haring Fernando at ng kanyang butihing maybahay na si Reyna Veleriana.Tatlong makikisig na binata ang kanilang mga anak na kapwa lugod ang mga kanilang puso.  Isa sa kanila ang nakatadhanang magmana ng setro at korona ng kaharian ng Berbanya.

Si Don Pedro ang panganay sa tatlo, at siya ay naniniguro na siya ang magiging tagapagmana ng korona.  Malakas siya, matikas at kinagugulatan ng lahat sa paghawak ng espada.  Sumunod sa panganay ay si Don Diego, ang binatang taring kung turingan, malilikot ang mga mata at tunay na mabilis sa mga dalaga.  Siya’y mahusay din sa espada.  At ang bunso ay si Don Juan na bagama’y mahiyain at may katangiang mababang-loob ay tunay na kaakit-akit at itinitibok ng puso ng mga kadalagahan sa buong sakop ng kaharian. Sino sa tatlo ang karapat-dapat na magmana ng trono?  Iyan ang kaisipang bumabagabag sa kalooban ng matandang Haring Fernando.  Sa labis na pag-iisip na iyon at dahil na din sa katandaan marahil ay naratay ang hari sa isang di maipaliwanag na pagkakasakit.

Ipinatawag ang mga magagaling na manggagamot.  Subalit hindi matuklasan ng mga dalubhasa ng reyno kung ano ang sanhi ng kanyang karamdaman.  Nagdulot ito ng labis na pag-aalala sa reyna.  Ang pagkakasakit ng hari ay ikinabahala ng labis ng buong kaharian.  Ito’y labis ding dinamdam ng bunsong anak na si Don Juan subalit hindi nina Don Pedro at Don Diego na waring ang pagkakasakit ng ama ay isang bagay na dapat agahan kundi man malaon nang kainipan. Nang gabing iyon, habang tinatangay ng nakahihibang na lagnat ang balisang hari sa kanyang himlayan ay isang waring panaginip ang kaniyang gunita.  Isang pagkaganda-gandang diwata na mistulang sugo ng langit ang nanaog upang ihatid sa kanya ang balita sa magsisilbing lunas sa kaniyang karamdaman.

Dahil hanggang ngayo’y hindi pa napagpasiyahan ng hari kung sino ang magiging tagapagmana ng kaharian.  Ang kaniyang karamdaman ay ibinigay sa hari upang matulungan siyang magpasiya.  Dito nakasalalay ang kinabukasan ng kaharian ng Berbanya.  Kung sinuman sa mga anak ng hari ang makakapagpagaling ay siyang karapat-dapat na maging tagapagmana ng setro at korona. Sa Bundok ng Enkantadong Tabor ay namumugad ang Ibong Adarna, kung sino sa anak ng hari ang makakahuli at magdadala nito sa hari ay siya ang kaniyang pipiliin.  Sa sandaling madala na ang ibon at marinig itong umawit, ang hari ay gagaling.  Isinalaysay ng hari kay Reyna Valeriana ang panaginip na dumalaw sa kanya.  Ito ay nagbigay ng ibayong pag-asa sa kanyang nanlulumong kalooban dahil sa karamdaman.

At hindi nga nagtagal ay gumayak na si Don Pedro upang patunayan sa lahat na siya ang tunay na tagapagmana ng setro at korona.  Ipinagbunyi ng buong lugod ng mga mamamayan ang paglisan ni Don Pedro upang hanapin ang Ibong Adarna.  Ang lahat ay umaasang magtatagumpay ang prinsipe sa pagkuha ng lunas na magpapagaling sa minamahal nilang hari.

Kung ilang araw na binagtas ni Don Pedro ang kasukalan ng gubat.  Nagpapahinga lamang siya upang kumain at matulog sa paghahangad na makarating agad sa patutunguhan.  Nang sapitin niya ang rumaragasang ilog ay lalo siyang nagsikap na iyon ay matawid.   Sa kabilang pampang naroon ang Bundok Tabor na kanyang hinahanap.  Inakyat niya ang matarik na daanan ng Bundok Tabor.  Abot-abot ang kanyang hingal nang sapitin niya ang tuktok ng bundok.  Kasalukuyang pinapawi niya ang matindi niyang gutom nang may dumating na isang matanda at humihingi sa kanya ng pagkain.  Hindi niya ito binigyan ng pagkain.

Pinasok ni Don Pedro ang kakahuyan ng Bundok Tabor.  Unti-unti nang lumatag ang kadiliman nang matanawan ni Don Pedro ang isang kakaibang puno.  Lumalalim ang gabi at nabagot sa paghihintay ang prinsipe hanggang sa siya ay dalawin ng matinding antok.  Nang sumapit ang hatinggabi ay nakatulog na si Don Pedro at hindi niya naulinigan ang pagaspas ng mga pakpak ng Ibong Adarna na patungo sa punong pinagkakanlungan niya.  Dumapo ito sa sanga ng puno sa ibabaw ng tinutulugang lugar ni Don Pedro.  Nang matiyak ng Ibong Adarna na natutulog si Don Pedro ay nagsimula itong umawit ng buong lambing.  Makapitong ulit umawit ang Ibong Adarna at sa lambing ng mga awit ay humanda ang Ibong Adarna upang matulog subalit ito ay dumumi muna.  At sa ilalim ng puno ay napatakan ng dumi ng ibon ang nahihimbing na prinsipe.  Noon din ay naging bato si Don Pedro at buong tiwasay na natulog ang Ibong Adarna na parang walang nangyari.

Lumipas ang marami pang mga araw, at sa palasyo ay ipinatawag naman ni Haring Fernando si Don Diego.  Dinatnan ni Don Diego ang kanyang inang reyna at amang hari na naghihintay.  Sinabi ni Haring Fernando na ilang araw nang wala si Don Pedro kaya siya ay nangangamba na baka hindi ito nagtagumpay kaya naman kay Don Diego na ngayon nakasalalay ang kanyang kaligtasan.  Buong-puso naman na sumunod ang prinsipe sa hari.  Naglakbay noon din si Don Diego.  Sa kasamaang palad ay sinapit din niya ang nangyari kay Don Pedro at naging bato din.  Nabigo na naman ang hari na magamot ang kanyang karamdaman. 

Si Don Juan ay labis na nag-aalala sa kanyang mga kapatid.  Ipinasya niyang dumulog sa kanyang amang hari at nagpaalam na siya naman ang maglalakbay.  Aalamin niya kung ano ang nanyari sa kanyang mga kapatid at para mahuli at maiuwi na din sa palasyo ang Ibong Adarna.

Hindi nag-aksaya ng panahon si Don Juan.  Noon din, matulin niyang binagtas ang madilim na kagubatan.  Mula sa malagim na kagubatan ay walang gulat naman niyang tinawid ang rumaragasang ilog at sinapit niya ang kabilang pampang na walang anumang sakunang naganap.  Kakain na lamang sana si Don Juan nang mapalingon siya sa may kakahuyan sa pagkarinig sa panaghoy ng isang nilalang na dumaraing.  Likas na may busilak na kalooban si Don Juan kaya binigyan niya ito ng pagkain.  Tinanong ng matanda kung ano ang sadya ni Don Juan.  Sinabi niya ang dahilan ng kanyang paglalakbay, na hinahanap niya ang kanyang dalawang kapatid at ang Ibong Adarna, na siyang tanging lunas sa kanyang amang may karamdaman.  Nang malaman ng matanda ang kanyang pakay, mahigpit na itong nagbilin:  Bago mo pangahasan ang paghuli sa Ibong Adarna ay makipagkita ka muna sa ermitanyo na naninirahan sa isang kuweba sa Bundok ng Tabor.

Ang pag-akyat sa Bundok Tabor ay agad sinimulan ni Don Juan.  Nang sapitin niya ang tuktok ng bundok ay buong panggigilalas niyang nakita ang malaparaisong pangitain doon at ang punong may mga dahong pilak na kanyang sadya.  Tunay siyang humanga sa kagandahang ibinihis ng kalikasan at sa luntiang kapaligirang kanyang pinagmamasdan.  Kapagdaka’y hinanap niya ang kuweba ng ermitanyo na mahigpit na ibinilin ng matandang pulubi.  Pinuntahan niya at magiliw siyang tinanggap ng matandang ermitanyo.  Ipinaghain pa siya ng nito ng makakain.  Namangha si Don Juan nang makita na ang inihain sa kanya ay siya ding tinapay na inilimos niya sa matandang pulubi.  Paanong ang tinapay na ipinagkaloob niya sa ketongin ay naputa sa ermitanyo?  Si Don Juan na din ang sumagot sa kanyang sarling katanungan. 

Sinabi sa kanya ng ermitanyo, Sapagkat naipamalas mo ang kabutihan ng kalooban ng mga sandaling sapitin mo ang pook na ito ay nakatalaga ako ngayon na tulungan kang mahuli ang Ibong Adarna.

Ang Ibong Adarna ay isang engkantadong ibon na hindi mahuhuli ng gayun-gayon lamang.  Mahiwaga ang kanyang awit at ang mapatakan ng kanyang dumi ay nagiging bato.

Siya ay humahapon sa punong may mga pilak na dahon kung sumasapit na ang hatinggabi.  At sinumang naghihintay sa kanya ay napipilitang makatulog sa pitong ulit na pag-awit sa ginagawa niya.  Sa bawat awit niya ay nag-iiba ang anyo ng kanyang mga plumahe.  wika ng ermitanyo. 

Binigyan siya ng ermitanyo ng pitong dayap.  At mahigpit na ibinilin na: Sa bawat awitin ng Ibong Adarna ay susugatan mo ang iyong bisig at pipigaan ng dayap ang sugat upang sa kirot na mararamdaman ay hindi makatulog sa kabila ng malambing niyang awit.

Pagkatapos ng pitong awit ay magbabawas ang Ibong Adarna bago matulog.  Iwasan mong mapatakan ka noon kundi ay magiging bato ka.  Ang taling gintong ito ang tanging mabisa upang siya ay talian.

At isang bagay pa, sa sandaling mahuli mo na ang Ibong Adrana ay sumalok ka ng tubig sa bukal na malapit sa puno at ibuhos mo sa dalawang batong nasa ilalim ng puno upang bumalik ulit sa dating anyo ang dalawa mong kapatid, sabi ng ermitanyo bago umalis si Don Juan.

Si Don Juan ay nagtungo sa kinatitirikan ng puno sa Bundok ng Tabor.  Inabot siya doon ng hatinggabi sa paghihintay at di kawasa’y naulinigan niya ang pagaspas ng mga pakpak na hudyat na ang Ibong Adarna ay dumarating na upang humapon sa puno.  Pagdapo sa sanga ay pitong ulit na umawit ang Ibong Adarna ng buong tamis at lambing at pitong ulit na nag-iba ng anyo ang kanyang plumahe.  Pitong ulit din na sinugatan ni Don Juan ang kanyang bisig at pinigaan iyon ng dayap upang hindi makatulog sa lambing ng mga awiting iyon.

Matapos dumumi ang Ibong Adarna ay natulog ito at agad namang inakyat ni Don Juan.  Pagkatapos niyang mahuli ang Ibong Adarna, pumunta agad siya sa ilog upang kumuha ng tubig para ibuhos sa kanyang mga kapatid.  Noon din ay nagbalik sa kanilang dating mga anyo sina Don Pedro at Don Diego.

Gayon na lamang ang tuwa ni Don Juan nang muling makita ang kanyang mga kapatid.  Ipinaliwanag ni Don Juan ang buong pangyayari sa dalawang kapatid at noon din ay pinagharian ang kanilang mga puso ng matinding inggit.  Nang magbukang liwayway, tinungo nila Don Juan ang kuweba ng ermitanyo upang magpasalamat at magpaalam.  Sila ay pinakain nito at ginamot din ang mga sugat ni Don Juan.  Pagkapahinga, ay pinauwi na sila ng ermitanyo at pinayuhang walang manloloko o magtataksil isa man sa kanila.

Hindi sumunod sa ermitanyo ang dalawang prinsipe na si Don Pedro at si Don Diego.  Si Don Juan ay walang awang pinagtulungang bugbugin ng magkapatid na pinaghaharian ng inggit at pag-iimbot.

Nang makita nilang wala ng lakas at halos hindi na humihinga si Don Juan, kinuha nila ang Ibong Adarna.  Iniwan ng dalawa ang inaasahan nilang mamamatay na si Don Juan at matulin silang nagbalik sa kaharian ng Berbanya. 

Isang mabunying pagsalubong ang inukol ng mamamayan ng reyno ng Berbanya sa dalawang animo’y mga bayaning nagbalik.  Ngunit pagdating nila doon ay lulugo-lugo na ang ibon at ayaw nitong umawit.  Sinabi ng Ibong Adarna na aawit lamang siya sa harap ng tunay na nakahuli sa kanya, at ito ay si Don Juan na binugbog ng dalawang kapatid na prinsipe.

Si Don Juan naman ay halos di makatayo sa kanyang kalagayan dahil sa natamo niyang matinding pambubugbog.  Kaya’t siya’y matimtim na nanalangin sa Birheng Maria upang siya ay tulungan.  Parang tinugon naman ang kanyang panalangin, dahil may dumating na isang matanda at siya ay ginamot.

Agad na umuwi sa kaharian si Don Juan sa pangambang hindi niya maabutang buhay ang kanyang amang hari.  Pagdating ni Don Juan, noon din ay pumailanglang at napuno ang buong silid ng matamis at malambing na awitin ng Ibong Adarna.  At sa pag-awit na iyon ng Ibong Adarna, agad na gumaling ang karamdaman ni Haring Fernando.

Nagpatawag ng isang pagpupulong ang hari sa konseho.  Napagkaisahan na parusahan ang dalawang prinsipe sa pamamagitan ng pagtapon sa dalawa upang hindi na makasama ni Don Juan.  Ngunit sa kabaitang taglay ni Don Juan ay hindi niya hinayaang maparusahan ang kanyang mga kapatid.

Dahil sa Adarna, gumaling si Haring Fernando, kaya naman pinabantayan niya ang Ibong Adarna sa tatlo niyang anak.  Kung sinuman ang magpapakawala nito ay mapaparusahan ng kamatayan.

Sina Don Pedro at Don Diego ay likas na may kasamaang ugali.  Isang gabi, nang si Don Juan ang nagbabantay ay tila nakatulog.  Marahang lumapit si Don Pedro sa ibon at ito ay kanyang pinakawalan.  Lumipad papalayo ang Ibong Adarna sa kaharian ng Berbanya.  Nang magising si Don Juan ay laking pagtataka niya nang makitang wala na ang Ibong Adarna.  Natakot si Don Juan dahil alam niyang mapaparusahan siya ng kamatayan.  Napagpasiyahan ni Don Juan na umalis upang hanaping muli ang Ibong Adarna.

Nang magising si Haring Fernando, nakita niyang wala na sa hawla ang Ibong Adarna.  Tinanong niya sina Don Pedro at Don Diego kung sino ang nagpakawala sa Adarna.  Ang isinagot ng dalawa ay si Don Juan.  Akala ng dalawa ay naisahan na nila ang kanilang bunsong kapatid ngunit dahil sa nawawala si Don Juan, ay agad inutos ng amang hari sa kanila na hanapin si Don Juan.

Nang natagpuan nila si Don Juan sa Bundok ng Armenia, napag-isip-isip nina Don Pedro at Don Diego na kung isasama nila ang kapatid kay Haring Fernando ay tiyak na malalaman nito ang totoong nangyari.  Kaya naman kinumbinse nilang dalawa na manirahan na lamang silang magkakapatid sa Bundok ng Armenia.  Doon ay wari’y wala silang lungkot na dinaranans.  Kung wala sila sa batis, sila ay nasa bukid.  Isang araw ng paglalakbay, nakakita sila ng balon.  Gusto ni Don Juan na maabot ang ilalim ng balon.  Dahil si Don Pedro ang panganay ay siya ang nangunang bumaba.  Dahan-dahan siyang nagpatihog sa ilalim ng balon.  May 30 dipa pa lamang ang lalim at habang inaabot ang kalaliman nito, binatak na niya ang lubid.  Ito ang hudyat na siya ay hilahin na paitaas nina Don Diego at Don Juan.  Sumunod naman si Don Diego, ngunit nakakatatlong dipa pa lamang ay umahon na siya.

Si Don Juan naman ang sumubok magpatihulog sa balon.  Narating niya ang pinakamababang bahagi ng balon at kinalag niya ang tali upang siya ay maglakad.  Namangha siya sa pook na kanyang nakita at nabighani nang makita niya si Donya Juana.  Iniligtas niya ito mula sa kamay ng higanteng nagbabantay dito.  Hinikayat niyang umalis na si Donya Juana, ngunit nag-atubili itong umalis sa dahilan na hindi niya maiiwan ang kanyang bunsong kapatid na si Donya Leonora na hawak naman ng isang serpiyenteng mabagsik na may pitong ulo.  Sa palasyo nagpunta sina Don Juan at Donya Juana.  Namangha din si Don Juan sa kagandahan ni Donya Leonora.  Natalo ni Don Juan ang serpiyente.  Dahil sa pagmamadali ay naiwan ni Donya Leonora ang kanyang singsing na diyamante at ang nadala lang niya ay ang kanyang alagang hayop na lobo.

Agad tinalian ni Don Juan sina Prinsesa Juana at Prinsesa Leonora para mai-akyat palabas ng balon.  Hinila naman nina Don Pedro at Don Diego ang lubid pataas.  Nagkagusto kaagad si Don Pedro kay Donya Leonora sa una pa lamang pagkakita dito.  Paalis na sila nang maalala ni Donya Leonora ang naiwan niyang singsing na diyamante.  Nagkusang-loob si Don Juan na kunin ang singsing.  Muli siyang bumababa sa balon, ngunit sampung dipa pa lamang siyang nakakababa ay agad nang pinutol ni Don Pedro ang lubid.

Nalungkot ng labis si Donya Leonora sa nangyari kay Don Juan.  Nang sila ay aalis na, pinagbilinan niya ang kanyang alagang hayop na lobo na tulungan nito si Don Juan.  Nakarating ng maayos sina Don Pedro, Don Diego, Donya Juana at Donya Leonora sa kaharian ng Berbanya.  Ikinasal si Don Diego kay Donya Juana samantalang si Don Pedro naman ay nabigo ang pag-ibig kay Donya Leonora.

Nakarating ang lobo sa kinaroroonan ni Don Juan at ginamot nito si Don Juan.  Kinuha ni Don Juan ang singsing ni Donya Leonora at umuwi na ito pabalik ng Berbanya.  Sa paglalakad ni Don Juan, siya ay napagod.  Nagpahinga siya sa isang punongkahoy at nakatulog.  Siya namang pagdating ng Ibong Adarna, dumapo sa puno at nagsimulang kumanta.

Ayon sa kanyang kanta, si Juan ay naaalala ni Donya Leonora.  Ngunit, mayroon pang mas maganda kay Donya Leonora.  Ito ay si Donya Maria Blanca na anak ni Haring Salermo ng kaharian ng Delos Cristal.  Si Donya Maria ay maipagkakapuri ni Don Juan sa kanyang amang Haring Fernando, sabi pa ng awit ng Ibong Adarna.

Sa kaharian naman ng Berbanya ay nagdadalamhati si Donya Leonora sa tila patay na si Don Juan dahil sa tagal ng pagkakawala nito. 

Samantala, si Don Juan ay limang buwan nang naglalakbay.  Sa kanyang paglalakbay ay nakita niya ang isang ermitanyo na hanggang baywang ang balbas.  Binigyan ni Don Juan ang matanda ng kapirasong damit.  Nagulat ang ermitanyo pagkakita sa damit, sabay sinabi nitong, Hesus na Panginoon ko, isang galak ko na itong pagkakita sa baro Mo.

Ipinaliwanag ni Don Juan sa ermitanyo kung anong dahilan at siya naparoon sa lugar na iyon.  Ayon sa kanya, hinahanap niya ang kaharian ng Delos Cristal, ngunit wala naman nakakaalam kung saan ito.  Sinabi ng ermitanyo na magpunta siya sa ikapitong bundok na kinaroroonan ng isang matandang ermitanyo at doo'y magtanong.

Nang makarating na siya sa matandang ermitanyo, tinanong niya kung saan makikita ang kaharian ng Delos Cristal.  Ngunit hindi din alam nito kung saan matatagpuan iyon.  Kaya’t tinanong ng ermitanyo ang kanyang mga alagang ibon at isang agila.  Sinabi ng agila kung saan matatagpuan ang kaharian.  Laking tuwa ni Don Juan dahil makikita na niya ang kaharian ng Delos Cristal at higit sa lahat si Donya Maria Blanca na may higit na kagandahan.

Sumakay si Juan sa likod ng agila at sila ay lumipad na.  Narating nila ang kaharian ng Delos Cristal.  Sinabi ng agila kay Juan na huwag kakalimutan ang kanyang bilin: Mamayang ika-apat, ang tatlong prinsesa ay maliligo at nakadamit na kalapati.  Ikaw ay magtago at huwag magpapakita.  Pagkasabi ng kanyang habilin, lumipad na ang agila.  Iniwan na sa kaharian ng Delos Cristal si Juan.

Dumating nga ang tatlong prinsesa sa oras na binanggit ng agila.  Ang kagandahan ni Donya Maria ay talagang kaakit-akit.  Sabay-sabay na naligo ang tatlong prinsesa.  Habang naliligo, lumabas ang kapilyuhan ni Don Juan at tinago ang damit ni Donya Maria. 

Pagkaraan ng ilang sandali, natapos na sa paliligo ang tatlong prinsesa.  At nagsimula nang magbihis ngunit hindi makita ni Donya Maria ang kanyang damit, kaya siya nagalit.

Pagkaraan ng ilang sandali, lumabas na si Don Juan, sabay lumuhod sa harap ni Donya Maria.  Kaagad sinabi ni Juan ang kanyang pag-ibig kay Maria.  Pinatayo siya ni Donya Maria Juan at marahang sinabihan ito na tingnan niyang mabuti ang mga batong nakabakod sa palasyo.  Ang mga iyon ay mga taong naengkanto ng kanyang ama : mga prinsipe, kabalyero at konde.  Naging bato sila dahil hindi sila nakatupad sa iniatas ng kanyang amang hari.

Sinabi ni Maria kay Juan, Mamayang ika-lima, ang aking  ama ay magigising at ikaw ay makikita.  Kapag  tinanong ka kung ano ang sadya mo dito.  Sabihin mong hihingin mo ang kamay ng isa sa mga prinsesa.  Kapag niyaya kang pumanik sa palasyo ay tumanggi ka sapagkat mamamatay ka.  Kung ikaw ay magpapatuloy, kahit na ano ang ipagawa sa iyo ng aking ama ay tanggapin mo.  Ako ang bahala!



Pagkaalis ng prinsesa, nagising si Haring Salermo.  Kaagad ngang nakita si Juan.  Kinumbida ng hari si Juan na pumanik sa palasyo ngunit gaya ng ibinilin ni Donya Maria, tumanggi si Juan.  Sinabi ni Don Juan na nais niyang hingin ang kamay ng isa sa mga prinsesa at nakahanda siyang sundin ang anumang iutos ng hari. 

Kaya naman tinawag ni Haring Salermo ang isang utusan at nagpakuha ng isang salop ng trigo.  Binigyan niya ng isang mahigpit na pagsubok si Juan.  Inutusan niyang tibagin ni Don Juan ang bundok at patagin iyon.  Pagkatapos ay isabog ang trigo.  Sa gabi ding iyon ay anihin at gawing tinapay.  Ang tinapay na magagawa ay kailangang nasa hapagkainan na niya pagdating ng umaga.

Pagkakuha ni Juan ng trigo, agad siyang umuwi.  Hinintay ni Donya Maria na makatulog ng mahimbing ang lahat.  Nagtungo siya sa bahay ng potrero na siyang pook tipanan nila ni Juan.  Kaagad na sinabi ni Juan kay Maria ang ipinagagawa ng hari.  At gaya ng naipangako ni Maria kay Juan na siya ang bahala sa lahat ng iutos ng kanyang ama, agad na naisakatuparan ang lahat ng hiling ni Haring Salermo.

Si Haring Salermo ay nagtataglay ng kapangyarihan ng mahika negra samantalang si Donya Maria ay mahika blanka ang taglay.  Daig niya ang kapangyarihan ng kanyang amang hari.

Nagulat si Haring Salermo nang makita niya kinabukasan ang mainit na tinapay sa ibabaw ng kanyang mesa.  Ipinatawag niya si Don Juan.  Ipinakita ni Haring Salermo ang isang prasko na mayroong 12 negrito.  Ipinaliwanag ng hari na kanyang pakakawalan ang mga negrito sa karagatan.  Ang mga pinakawalang mga negrito ay kailangang niyang hulihing isa-isa hanggang kinabukasan.  Sa isip-isip ng hari, mahihirapan si Don Juan.  Ngunit hindi naman kinabahan si Juan sapagkat alam niyang hindi siya pababayaan ni Donya Maria.

Nang gabi ding iyon ay muling nagpunta si Donya Maria sa bahay ng potrero.  Ipinagtapat ni Juan ang ikalawang pagsubok ng hari.  Nagpunta silang dalawa sa dagat at tinawag ni Maria ang lahat ng mga negrito na magbalik sa loob ng prasko.  Kinabukasan, natupad ang kagustuhan ni Haring Salermo.  Ipinatawag niyang muli si Don Juan upang bigyan muli ng mahirap na pagsubok.  Sinabi ng hari kay Don Juan na ang bundok na nakikita niya ay kailangang ilagay sa gitna ng dagat.  Pagkatapos ay gawing kastilyo at bukas din ng umaga ay kailangang makita ng hari.  Kailangang lagyan din ni Juan ng tuwid na daanan magmula sa palasyo hanggang kastilyo.  Tumango na lamang si Juan.

Lahat ng pinag-utos ng hari ay ginawa ni Donya Maria.  Pagkagising ng hari ay agad niyang tiningnan ang kastilyo.  Laking pagtataka ng hari kung saan kinukuha ni Don Juan ang kanyang kapangyarihan.  Noon lamang siya natalo.

Kinabukasan, naglahong parang bula ang kastilyong ginawa.  Kaya naman ipinatawag muli ni Haring Salermo si Don Juan.  Nabanggit ni Haring Salermo na sa pamamasyal ay nahulog niya ang kanyang singsing sa dagat.  Kailangang makuha iyon ni Don Juan.

Ang tanging paraang ginawa nina Maria at Juan ay tadtarin ang katawan ni Maria.  Ang mga parte ng katawan na tinadtad ay naging mga isda na hahanap sa singsing ni Haring Salermo.  Malinaw na inihabilin ni Maria kay Juan na magbantay sa kanyang pagbalik at huwag itong matutulog.  Ngunit nakatulog si Juan.  Kaya walang kumuha ng singsing sa iniabot ni Maria.  Umahon si Donya Maria na ang katawan ay patang-pata.  Natauhan si Don Juan sa kanyang pagkakamali.  Sa kabila ng nagawang pagkukulang ni Juan, mahal pa rin siya ni Donya Maria at hindi pa rin nito matitiis na siya'y hatulan ng kanyang ama.  Muling inulit ni Don Juan ang pagtadtad sa katawan ni Donya Maria, subalit sa ikalawang pagkakataon ay hindi niya namalayang may tumalsik na daliri ni Donya Maria.  Kaya sa kabila ng naging tagumpay ni Donya Maria na kunin ang diyamanteng singsing, ang pagmamadaling iyon ni Don Juan sa pagtadtad ay nagdulot ng isang napakalaking pagkakamali.  Nang umahon si Donya Maria at maging taong muli, kulang ng dulo ang kanyang isang daliri.

Kinabukasan, nadukot ng hari ang singsing sa ilalim ng kanyang unan gaya ng kanyang kagustuhan.  Subalit hindi pa rin lubos na nasiyahan si Haring Salermo na naibalik sa kanya ang singsing na diyamante.  Muli niyang ipinatawag si Don Juan para muling utusan. 

Ako'y may kabayong sadyang ilap at kay lupit, nais kong siya'y paamuhin mo. ang utos ng hari kay Don Juan.  Sa unang pagkakataon ay nagulumihan si Donya Maria nang malaman ang bagong pinag-uutos ng kanyang ama kay Don Juan.  Sinabi niya na ang kabayong kailangang paamuhin ni Juan ay walang iba kundi si Haring Salermo rin na nagbabalatkayong kabayo.  Kaya naman, tinuruan na lamang niya si Don Juan kung paano mapapa-amo ang kanyang amang nagbabalatkayong kabayo.  Ginawa ni Don Juan ang lahat ng paraang sinabi ni Donya Maria upang mapaamo ang mabagsik na kabayo.  Mahigpit ang hawak niya sa renda upang hindi tuluyang makalipad ito habang patuloy na nakapreno ang kabayo sa tulong naman ni Donya Maria.

Kinaumagahan ay ipinatawag ni Haring Salermo si Don Juan.  Masasakit ang katawan ng hari pero panahon na upang ipagkaloob niya ang isang anak sa prinsipe.  Ang sabi ng hari kay Don Juan ay: Yamang naisakatuparan mo ang lahat nang inutos ko, mamili ka ngayon sa aking tatlong anak.

Sinamahan ng hari si Don Juan sa tatlong kuwartong magkakatabi at sadyang may tablang inilapat na may butas na tanging hintuturo lamang ng bawat bawat prinsesa ang makikita ni Don Juan at hindi ang kagandahan ng mga ito.  Agad namang pinili ni Don Juan ang kamay ni Donya Maria, na may palatandaan ng kanyang naging malaking pagkakamali.

Nagalit ang hari sa dahilang si Donya Maria ay ang kanyang paboritong anak.  Kaya naman, binalak niyang ipatapon si Don Juan sa Inglatera para sa kapatid nito siya ipakasal.  Pero mabilis na nagtanan si Donya Maria at Don Juan.  Dahil sa galit ng hari, isinumpa niya si Donya Maria, Ikaw nawa ay malimutan ni Don Juan.  Ikaw ay kanyang pababayaan at pakakasal siya sa iba.  Sumpang naulinigan ni Donya Maria kaya't labis ang kanyang pag-aalala nang magpasya si Don Juan na iwanan muna siya para magtungo sa palasyo.  Kaya naman mahigpit siyang nagbilin na huwag titingin at lalapit si Don Juan sa sinumang babae sa palasyo upang hindi siya magawang limutin nito.

Hindi na nakita ni Haring Salermo ang katuparan ng kanyang sumpa.  Siya ay nagkasakit dahil sa matinding dalamhati na naging dahilan ng kanyang pagkamatay. 

At nagbalik nga ng kaharian ng Berbanya si Don Juan upang hingin ang bendisyon ng amang hari.  Ang sabik at matagal nang naghihintay na si Donya Leonora ay lumapit kay Juan.  Dahil dito, iglap at nakalimot si Don Juan sa kanyang binitiwang pangako kay Donya Maria, isang katuparan ng sumpa ni Haring Salermo. 

Hindi nagtagal ay itinakda ang kasal nina Don Juan at Donya Leonora.  Samantala, natuklasan na ni Donya Maria ang kataksilan ni Don Juan dahil sa gagawing pagpapakasal sa ibang prinsesa.  Nag-alimpuyo sa galit ang kanyang dibdib.

Lulan ng karosang ginto, nagpanggap na emperatriz si Donya Maria upang dumalo sa kasal nina Don Juan at Donya Leonora.  Nang dumating si Donya Maria na naka-bihis emperatriz, namangha ang lahat.  Maganda ang gayak ni Maria at litaw ang kanyang kagandahan.  Ang pakay niya ay pigilin ang pag-iisang dibdib ng dalawa.  Malugod na tinanggap ni Haring Fernando ang pagdalo ng emperatriz.  Subalit hindi nakilala ni Don Juan na ang emperatriz ay walang iba kundi si Donya Maria.  Nakiusap si Donya Maria sa hari na bago ikasal sina Don Juan at Donya Leonora ay magdaos muna ng munting palabas sa harap ng lahat.  Sa pamamagitan ng dula-dulaan ay nagawang isalaysay ng mga negrito at negrita ang lahat ng pinagdaanang hirap ni Don Juan sa mga pagsubok na ibinigay ni Haring Salermo.  Pinalo ng negrita ang negrito at tinanong kung naaalala nito ang mga ginawang pagtulong ni Donya Maria sa kanya sa kaharian ni Haring Salermo na kanyang ama.  Sa tuwing papalo ang negrita ay hindi nasasaktan ang negrito kundi ay si Don Juan.  Kaya naman, unti-unting nagbalik ang mga alaalang nangyari sa kanila ni Donya Maria.  Noon din ay pinatotohanan ni Don Juan na ang lahat ng nasaksihang dula-dulaan ng mga negrito at negrita sa palasyo ay pawang mga katotohanan.


Sa wakas hindi rin nabigo ang sobrang pagkakagusto ni Don Pedro kay Donya Leonora dahil silang dalawa din ang tuluyang nagpakasal.

Si Don Juan naman ang nagpakasal kay Donya Maria.  Hiniling nila na kay Don Pedro na lamang ibigay ang trono sa kadahilanang sila ni Don Juan at Donya Maria ay nakatakdang pagharian ang monarka ng Delos Cristal.  Kaya pagkatapos ng kasalan ay umuwi na sila sa kaharian ng Delos Cristal.  Nagkaroon ng isang pista para ipagdiwang ang pagluwalhati sa Bathala.  Kalakip na rin ang dalangin para sa mga yumaong kapatid at magulang ni Donya Maria.  At ang mga na-engkantong mga prinsipe, kabalyero at konde ay inalisan na ni Donya Maria ng sumpa.  At ang lihim na pinaka-iingatan ng mga magulang ni Donya Maria ay kanya ring inilantad na.  Nagbalik sa pagiging leon at tigre ang mga utusan at nagsilantaran ang mga tunay na tao na nagtatagong kasangkapan sa loob ng palasyo.  Itinanghal na hari at reyna si Don Juan at Donya Maria sa kaharian ng Delos Cristal.  Siyam na araw ang ginanap na pista.  Di magkamayaw sa kasiyahan ang mga taong-bayan.  Sa bagong pamamahala ni Don Juan ay tanging kaayusan ng kaharian ang hinahangad.  At dahil sa kanilang mabuting pamumuno sa kaharian, sila ay lalong minahal ng taong bayan.

Ang salaysay at hiwagang nakabalot sa dalawang reyno ay maligayang winakasan ng malamyos na awitin ng Ibong Adarna.

1 comment: